Napakalaki ng Malasakit ng Mayamang Negosyante sa Kanyang mga Tauhan Ngunit Ito Pa ang Iginanti ng mga Ito sa Kanya
”Heto na ang pinakahihintay ninyong good news! Bukod sa bonus ninyo’y makakatanggap din kayo ng 14th at 15th month pay! Magpasalamat kayo sa aking kabiyak, siya ang nakapag-close ng deal sa mga Amerikanong buyer natin.” Tuwang-tuwang saad ng boss na si Mr. Steve Mendez sa kaniyang pinakamamahal na mga empleyado. Pulasan naman ang mga empleyado na akala mo’y nanalo sa sweepstakes.
Galing sa mayamang pamilya si Steve, gayunpaman ay nasaksihan niya sa mga magulang kung paano makitungo ng maganda sa mga tauhan kaya’t nang tumanda’y dala-dala niya ang magandang asal. Kahit naman sobrang yaman ay hinding-hindi ito umasa sa mga magulang. Sariling sikap niya ang lahat ng kaniyang tinatamasa. Malaking tulong din sa kaniyang tagumpay ang kaniyang kabiyak na si Aiko.
Bukod sa napalaki nito ng maayos ang kaisa-isa nilang anak na si Randall ay naghahanapbuhay din ito upang makatulong sa asawa. Labis din ang ginagawa nitong pagsisilbi sa kaniya kaya naman naging matagumpay siyang negosyante.
Graduating na si Randall sa kursong Business Management at hindi na ito makapaghintay pamunuan ang kompanya ng mga magulang.
Nagsimula lamang ang negosyo ng mag-asawa sa isang silid ng kanilang inuupahang bahay. Ginawa nila itong maliit na opisina kung saan sila’y bumibili at nagbebenta ng mga bahay at lupa. Dumami ang kanilang kliyente at unti-unting lumawak ang kanilang kabuhayan. Dati’y silang mag-asawa lamang ang humaharap sa mga kliyente, ngayo’y mayroon na silang mahigit isang daang empleyado.
Bilib ang lahat kay Steve. Palibhasa’y sa dami ng kaniyang empleyado’y tinitiyak nitong kilala niya ang lahat at nakikisalamuha siya sa mga ito. Madali din itong lapitan sa oras na may nangangailangan ng tulong. Sariwa pa sa alaala ng mga empleyado nang magbigay ito ng P50,000 sa bawat empleyadong nasalanta ng bagyong Ondoy. Bukod pa roon ay binigyan niya rin ang mga ito ng pampagawa sa mga nasirang bahay.
“Love, ang sakit-sakit ng ulo ko. Hindi ako makakasama sa iyo sa opisina.” Wika ng asawang si Aiko. Alalang-alala naman si Steve kaya’t agad niya itong sinamahang magpatingin sa doktor.
“May baradong ugat sa ulo ang iyong asawa, Mr. Mendez. Hindi pa natin masabi ang tunay niyang kalagayan sapagkat hindi pa lumalabas ang resulta ng mga lab tests niya.” Saad ng doktor.
Balisang-balisa si Steven sa nalaman. Bilang siya ay isang bukas na libro sa mga empleyado’y ibinalita niya ang kundisyon ng asawa sa mga ito. Nangako naman ang mga itong ipagdarasal ang asawa.
Makalipas ang ilang linggo’y nagbalik sa ospital ang mag-asawa. Hindi maganda ang ibinalita ng doktor. Tila may tumubo na ring bukol sa utak ni Aiko at kailangang agaran itong matanggal kaya’t dali-dali naman silang nagdesisyon na pa-operahan na ito.
Matapos ang operasyon ay nakaratay na lamang na walang malay si Aiko. Kailangan daw nitong salinan ng dugo sapagkat maraming dugo ang nawala dito. Dagsa naman ang mga empleyado sa ospital upang mag-donate ng dugo.
Lumipas ang ilang buwan at tila hindi nagiging maganda ang kalagayan ni Aiko. Nagkaroon na rin ng komplikasyon ang ibang organs nito kaya’t tuwina’y kailangan niyang masalinan ng dugo. Tila napagod na ang mga empleyado sa pagdalaw dito. Ang sabi ng doktor ay makina na lamang ang bumubuhay kay Aiko at kailangan nang mag-desisyon ni Steve kung tapusin na ang paghihirap nito at tanggalin na lamang ang mga aparato.Kitang-kita ng mga empleyado ang pagbabago sa kanilang boss. Unti-unting bumaba ang kanilang benta. Wala ring nagawa ang mga supervisors sapagkat inaasa lamang nila kina Steven at Aiko ang pagharap sa mga bigating kliyente.
“Kung gusto mo ay bibilhin ko na lamang ang iyong kumpanya, Steve. Doon ay makakapag-pokus ka sa kalagayan ng asawa mo’t mapapahinga rin ang utak mo. O di kaya’y palipatin mo ang mga empleyado mo sa aking kumpanya at magsara ka na.” Alok ng kaibigan at kapwa nitong negosyanteng si Mar. Ang pagmamay-ari nitong kumpanya ang pinakamahigpit niyang kalaban pagdating sa pagbebenta ng mga bahay at lupa.
Napaisip sa alok ng kumpare si Steve ngunit alam niyang hindi magiging masaya ang kaniyang mahal na asawa sa gagawin niyang desisyon. Naisipan niyang pagtipun-tipunin ang mga empleyado upang masolusyonan ang kinakaharap ng problema sa kompanya.
“Boss, alam niyo naman na kayo lamang ang inaasahan naming humarap sa mga malalaki nating kliyente. Hindi ho namin kaya ang ginagawa ninyo.” Saad ni Mark, ang inatasan niyang maging bise presidente ng kumpanya. Ang asawa niyang si Aiko ang presidente kaya’t ito na ang dapat sumalo ng mga naiwan nilang trabaho buhat nang magkasakit ang asawa.
“Sir, ibenta niyo na lang po ang kumpanya natin. Napapabayaan na po ninyo kami. Wala naman pong nakasaad sa trabaho namin na tumulong sa mga naiwan ninyong gawain.” Mayabang na saad ni Elmer, isa sa mga supervisor sa kanilang opisina.
Naririnig niya rin mula sa likod ang mga empleyadong tila sumasangayon sa sinabi ni Elmer.
“Kung sinuman ang gustong lumipat sa kumpanya ng kumpare kong si Mar, bukas ang pintuan ng aking opisina. Wala ako sa posisyon para kayo’y pigilan.” Mangiyak-ngiyak na saad ni Steve. Tila nababasa na niya ang mga susunod na mangyayari.
Bagamat malaki ang nawalang kita ng kaniyang kumpanya ay hindi siya nagkulang sa pasahod sa mga ito at patuloy pa ring nakakatanggap ng bonus ang mga empleyado sa tuwinang makakapagbenta ang mga ito. Palibhasa’y nasanay na maya’t maya’y nakaasa na lamang sa malalaking benta ng mag-asawa. Sanay na sanay ang mga itong maambunan na lamang ng grasya kaysa galingan at pagsumikapan ang pagbebenta.Sa loob lamang ng dalawang linggo’y walang natira ni isang empleyado sa opisina ni Steve at Aiko.
“Dad, I will handle everything. Just focus on mom’s recovery. Kapit lang, Dad. Mahal tayo ni Lord, hindi niya tayo pababayaan. All your life naging mabuti kang tao, dad. Just continue on praying. Hindi natutulog ang Diyos. Isa lamang ang kailangan kong baguhin. Ang pangalan ng company natin.” Lumuluha ang amang si Steve sa narinig na mga salitang namutawi sa bibig ng anak. Lalo niyang na-miss ang asawa. Napakabuti nitong tao, napakahusay nitong asawa at ina.
Lumipas ang ilang buwan, gulat na gulat si Steve nang buhaying muli ng anak ang kanilang kabuhayan. Hindi na siya nakakadalaw sa opisina sapagkat hindi na siya halos umaalis sa tabi ng asawa, naghihintay na ito’y magising at umaasang babalik ang lahat sa dati.
Nagulat naman si Steve nang may matanggap na tawag. “Sir, this is May mula po sa building na dati ninyong inuupahan. May mga natira po kayong iilang gamit dito. Saan po kaya namin puwedeng ipadala ito?”
Gulat na gulat si Steve, ang alam niya’y itinuloy ng anak ang negosyo pero bakit matagal na palang bakante ang inuupahang building.
Kinausap niya ang anak at may ibinigay itong address sa kaniya at inanyayahan siyang pumunta dito. Nagpaalam naman siya sa tulog na asawa at hinalikan ito sa noo bago umalis. Hinawakan niya ito sa kamay, laking gulat niya nang pisilin nito ang kaniyang kamay. Agad naman niyang tinawag ang mga nars.
“Sir, idolo po talaga namin kayo. Hindi kayo sumuko! Responsive na po si Mrs. Mendez. Magandang senyales iyan. Maghintay lamang po tayo ng ilang araw at baka maimulat na niya ang kaniyang mga mata.” Wika ng doktor na tutok na tutok din sa asawa nitong si Aiko.
Nagmamadaling pinuntahan ni Steve ang anak at inilahad ang magandang balita. Nagulat siya nang makitang tila lumipat pala ito ng bagong opisina. Ngunit napanganga siya nang makita ang mga mukha ng empleyado doon.”Ladies and gentlemen… My real name is Randall Mendez… Anak ako ng tinalikuran ninyong boss na si Mr. Steve Mendez…”
Hindi makapaniwala ang kanilang mga empleyado at napatakip na lamang ang mga ito ng bibig. Ang ilan sa kanila’y tila napayuko na lamang at akala mo’y mga basang sisiw.
“Sir, I am really sorry.” Mangiyak ngiyak na saad ng bisor na si Elmer. Lumuhod pa ito nang lumapit kay Steve.
“Siguro naman by now alam na ninyo ang kaibahan ng aking ama sa ibang mga negosyante na sariling kapakanan lamang ang iniisip?”Naririnig ni Steve na sumasangayon ang lahat sa sinabi ng anak.
“Sir, ginamit lang kami ng inyong kaibigan upang malaman ang proseso ng ating kumpanya… Ngunit kahit inilahad namin sa kanila ang lahat ng ginagawa natin sa opisina’y wala pa rin nangyari. Huli na nang aming napagtanto na ang sikreto sa tagumpay ng kumpanyang ito ay ikaw at ang inyong asawa. Patawarin po ninyo kami, sir. Malaki na rin po ang pinagbago namin dahil kay Sir Randall. Ngayon po ay mas pursigido na kami at kaya na naming tumayo sa sarili naming mga paa. At makakaasa po kayo na sa inyo ang aming puso, ang aming katapatan. Iaalay namin sa inyo ang aming buhay.” Nangungusap na pahayag ni Elmer.
Nagiiyakan na ang lahat at isa isa itong lumapit upang yakapin si Steve. Naputol ang kanilang taimtim na pag-uusap nang may natanggap na tawag si Steve.
“Sir, bilisan po ninyo. Gising na po si Mrs. Mendez at hinahanap niya kayo pati daw po si Randall ay miss na miss na niya!” Masayang balita ng doktor.Nagmamadaling bumalik ng ospital si Steve kasama ang anak na si Randall. Lalong umagos ang luha ng mga empleyado nang malaman ang magandang balita.
Pagdating sa ospital ay agad na nagyakapan ang tatlo. Tila walang nangyari kay Aiko. Abot hanggang tainga ang maaliwalas na ngiti nito. Nagtatanong pa ito tungkol sa kanilang negosyo ngunit sinaway na ito ng anak.”Mom, ako na bahala sa lahat! Mag-retire na kayo ni Dad! I will spoil you both na lang.” Mapagmalaking saad ni Randall habang tatawa tawa pa ito.Himala namang tuluyang nawala ang bukol sa utak ni Aiko. Lahat ng lab tests nito’y lumabas na maayos.
Mula noo’y lalong lumaki ang kumpanyang minahal at inalagaan ng mag-asawa sa pamamahala ng kanilang anak na si Randall.Lumipas ang dalawang taon at nakapag-asawa ito’t nagkaroon ng anak na babae. Humaling na humaling ang mag-asawa sa kanilang apo.