Inday TrendingInday Trending
Nagnakaw ng Pera ang Dalaga Upang Mapagamot ang Naghihingalong Kapatid, Isang Binata ang Dumating Upang Baguhin ang Kanyang Buhay

Nagnakaw ng Pera ang Dalaga Upang Mapagamot ang Naghihingalong Kapatid, Isang Binata ang Dumating Upang Baguhin ang Kanyang Buhay

“Ate! Hindi ko na kaya. Ang sakit sakit ng tiyan ko.” Humahagulgol na daing ni Julius sa panganay na kapatid na si Celeste. Hindi makayanan ng ate ang kalagayan ng bunso. Dali dali siyang lumapit sa isa sa mga kliyente niya sa bangko upang humiram ng P150,000 upang maoperahan na ang kapatid.

Sa squatters area nakatira ang pamilya nila Mang Nardo at Aling Precy. Isang anak lamang ang nakayanan nilang pagtapusin dahil nagtitinda lamang sila ng lutong ulam. Pareho silang hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Hindi rin marunong sumulat at magbasa ang mga ito kaya’t kahit hirap na hirap ay iginapang nilang makapagtapos si Celeste.

Matalino at maganda ang 24 anyos na si Celeste, umaaligid ang mga manliligaw nito hindi lang sa mga kapitbahay pati na rin sa opisina’t mga kliyente nito sa bangko. Nagtratrabaho siya sa isa sa pinakasikat na bangko sa Pilipinas bilang teller. Nang makapagtapos ng pag-aaral ay hindi na nag atubiling mamahinga muna ang dalaga. Agad siyang nag-apply at dahil mahusay naman ito’y agad din itong natanggap.

Paborito ng mga kliyente ang dalaga. Tuwing siya ay aabsent ay palaging hanap-hanap siya ng mga ito. Nang malamang maysakit ang bunsong kapatid ay marami na rin ang nag-abot ng tulong dito.

Pagkapanganak pa lang kay Julius ay sakitin na ito. Palibhasa’y isinilang agad ito sa ika-walong buwang pagbubuntis ng kanilang ina.

Simula nang makapagtrabaho si Celeste ay halos sa kapatid na lamang napupunta ang sinasahod nito kaya’t hanggang ngayon ay wala siyang mabili ni isang bagong damit o kolorete sa mukha gaya ng kaniyang mga ka-opisinang nakakaangat sa buhay.

Lumipas ang isang buwan at bayaran na naman ng utang. Biglang tumawag ang pangalawa niyang kapatid na si Roxanne at sinabing nagkaroon na naman ng komplikasyon sa bituka ang bunsong kapatid. Kailangan daw itong operahan agad agad at kailangan ng mahigit P200,000. Hindi na malaman ni Celeste ang gagawin, sakto lamang ang natirang sahod niya upang mabayaran ang buwanang hinuhulugan sa kaniyang kliyente. Wala na rin siyang maisip na lapitan sapagkat marami na ring nagabot ng tulong sa kaniya. Sa laki ng gastos ng bunsong kapatid sa ospital ay naubos din kaagad ang mga iyon.

Dahil wala na itong maisip na solusyon ay kinuha muna nito ang isa’t kalahating bundle ng pera sa napakalaking kaha de yero ng bangko.

Kinabukasan ay naoperahan na ang kaniyang kapatid at maganda naman ang naging resulta nito.

“Oh, balisang-balisa ka? May problema na naman sa bahay niyo? Balita ko nakapagpaopera na ang bunso mong kapatid. Buti nakagawa kayo ng paraan?” Sita ng security guard na si Mang Lando sa dalaga. Magkapitbahay lamang sila nito.

“Huwag niyo na lang akong punahin. Marami lang akong iniisip.” Kinakabahang tugon ni Celeste.

“Huwag na kayong magtsismisan diyan at parating daw ang mga auditors. Bibilangin din natin ang pera sa vault. Bilis na Celeste, kilos na.” Wika ng napakataray na supervisor ng dalaga na si Ma’am Jing.

Parang malalaglag na ang puso ng dalaga sa narinig. Hanggang sa nangyari na nga ang kaniyang kinatatakutan. Kulang ng P250,000 ang pera sa kaha.

Matalim ang tingin ni Mang Lando sa kaniya, tila nabasa na nito ang nangyari. “Hija, tandaan mo… Isang tingin lamang sa CCTV ay makukulong ka. Mabuti pa’y aminin mo na kay Ma’am Jing ang ginawa mo at gumawa ka ng kasulatan sa bangko na babayaran mo ang perang kinuha mo. Yun nga lamang, siguradong sibak ka sa trabaho.”

Hindi na alam ni Celeste ang gagawin bigla na lamang itong tumakbo palabas ng opisina. Tulirong-tuliro ang dalaga at kung ano-ano na ang pumapasok sa isip nito. “Kapag nakakita ako ng kulay dilaw na sasakyan ay magpapasagasa na ako dito.” Takbo, lakad, takbo ang kaniyang ginawa hanggang sa may nakita siyang paparating na kulay dilaw na sasakyan. Tila kagaya ito ng paboritong robot ng kaniyang kapatid na si Bumblebee.

“Paalam, Julius… Ang mahalaga’y magaling ka na!” At saka niya sinalubong ang dilaw na sasakyan, tinakpan ang mukha at pumikit.

Beep… Beep… Beep!…

Halos mabali ang paa ni Gerald nang dali-daling mariing inapakan ang preno ng kaniyang magarang sasakyan. Nakita niya ang isang babaeng nakatakip ang mukha’t nakatayo na parang tuod sa gitna ng kalsada.

“Kung magpapakamatay ka, Miss! Huwag ka nang mandamay ng tao!!!” Napamura pa ang binata sa galit saka niya nilapitan ang pobreng dalaga.

Umiiyak ito at nakaluhod sa kalsada. Tila naninigas ito sa tindi ng naramdamang tensiyon. Hindi ito makagalaw kaya’t binuhat na lamang ito ni Gerald. Galit na galit na rin ang mga motorista sa kalye at pinagmumura si Celeste.

Kahit tulirong-tuliro at balisa sa nangyari’y hindi maiwasan ni Celesteng makaramdam ng paghanga sa lalaking muntik nang makasagasa sa kaniya. Mala-Adonis ang kaguwapuhan nito. Ang tangos ng ilong, ang hahaba ng pilikmata at namumula ang mga labi.

Agad niyang isinakay ang dalaga sa sasakyan at dinala ito sa ospital. Nanigas na naman ang dalaga nang buhatin siya ng napakaguwapong lalaking ito papasok ng ospital.

Napakatigas ng dibdib nito at ramdam niya ang pagdiin ng abs nito sa kaniyang tagiliran.

“Ang ganda-ganda mo, ang bata mo pa. Sinasayang mo buhay mo!” Galit na galit na wika ng lalake.

Namula naman sa kahihiyan ang dalaga. Natignan na siya’t lahat sa ospital ay hindi pa rin ito nagsasalita.

“Ano, ni ha ni ho wala kang paliwanag? Bakit? Anong nangyayari sa yo, Miss?” Tila naiinis na sa kaniya ang guwapong lalaki.

Nagpasya siyang ikuwento dito ang masalimuot niyang buhay at ang ginawa niyang pagnanakaw sa bangko.

“Huwag kang mag-alala. Abogado ang erpat ko. Tutulungan kita. Ni hindi ka nga nakipag-usap sa boss mo. Lalo kang nagmukhang masamang tao sa ginawa mo.” Pangangaral ni Gerald kay Celeste.

Pagkatapos nilang mag-usap ay inihatid siya nito sa presinto. Doon inilahad ng dalaga ang lahat. Bigla namang dumating ang abogadong ama ni Gerald. Nagulat si Celeste nang makita ito. Ito ang may-ari ng pinagtratrabahuhang bangko.

“Mr. Lim… Nagmamakaawa po ako sa inyo! Bigyan niyo po ako ng pagkakataong mabayaran ang perang nagalaw ko…” Nagsusumamong pagmamakaawa ng dalaga.

“Nauunawaan kita, Celeste. Gaya mo’y panganay din ako sa aming sampung magkakapatid. Nagawa ko ring magnakaw para lamang mapagamot ang aming inang maysakit sa baga. Umuwi ka na’t magpahinga.” Hindi makapaniwala si Celeste sa narinig.

“Kilala kita, inimbestigahan ka namin. Nalaman ko kung paano ka magtrabaho at kung gaano mo kamahal ang iyong pamilya, lalo ang iyong bunsong kapatid.” Malumanay na pagpapaliwanag ng matandang negosyante.

Hindi makapaniwala sa narinig si Celeste at napatingin na lamang ito kay Gerald. Ito na naman ang nakakatunaw na tingin ng lalakeng ito. Ngayon ay nakangiti naman ito at lumalabas ang biloy sa gilid na mamula mula nitong labi.

“Halika na, puwede ka na palang umuwi e. Salamat, dad!” Giit ng binata.

Nagpasya si Mr. Lim na alisin na lamang sa trabaho si Celeste upang iiwas na ito sa mga isyu. Binigyan niya ito ng pera upang makapagsimula ang dalaga ng negosyo.

Umiwas na rin si Celeste na makipagkitang muli kay Gerald. Ayaw naman niyang isipin nitong siya’y mapagsamantala.

Makalipas ang apat na taon, napalaki ng husto ni Celeste ang sinimulang patahian. Nakalipat na ito sa isang disenteng bahay sa loob ng isang subdivision. Napagtapos na rin niya ng pag-aaral ang kapatid na si Roxanne at tuloy-tuloy ang pagsuporta nito sa pamilya.

“Ate, mag-asawa ka na. Okay na kami. Ako nang bahala kina Julius, nanay, at tatay.” Pabirong banat ni Roxanne.

Inirapan na lamang ni Celeste ang palabirong kapatid.

Maya-maya’y tila pamilyar ang pumaparadang sasakyan sa harap ng kaniyang shop. Pagbaba ng driver nito’y muling kumabog ang kaniyang puso. Si Gerald! May dala itong bulaklak at mga regalo.

“Pinahirapan mo ko ng todo ha? Una, muntik ka nang pasagasa sa akin. Pangalawa, apat na taon mo akong pinagtaguan. Ano kaya susunod mong gagawin sa akin? Baka puwedeng lunurin mo nalang ako? Lunurin sa pagmamahal…” Tatawa-tawang banat ng binata.

Halos malaglag naman ang salawal ng dalaga sa kilig. Apat na taon na ang lumipas ay tila hindi nagbago ng itsura ni Gerald. Nanghihina pa rin siya tuwing nasisilayan ang kaguwapuhan nito.

“Paano ba naman kita pagtataguan eh nahanap mo ko?” Sinubukan pang mag-taray ng dalaga kahit kitang-kita naman kilig na kilig ito.

“Sabagay, hanggang ngayon naman nagtataguan pa rin kayo! Nagtataguan ng feelings!!!” Nagulat ang lahat ng biglang sumabad sa usapan ang bunsong kapatid na si Julius.

Nagtawanan na lamang ang lahat.

Tulad ni Celeste, nakilala mo na rin ba ang taong nagliligtas sa iyo sa kapahamakan? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement