Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit sa Isang Bakla ang Babaeng Ito Matapos Niyang Igapang ang Pag-aaral ng Kanyang Nobyo

Ipinagpalit sa Isang Bakla ang Babaeng Ito Matapos Niyang Igapang ang Pag-aaral ng Kanyang Nobyo

“Babe, congratulations! Kaunti na lang at magtutuloy tuloy na ang mga pangarap natin.” Lambing ni Cindy sa nobyong si Tom. “Oo, huwag kang mag-alala. Babawi ako sa lahat ng ginastos mo para maka-graduate ako.” Tugon ni Tom sa nobya. “Over ka naman, babe. Never naman kitang sisingilin. Mahal na mahal kita. Kaya nga halos hindi ako matulog mabuo lang ang pangarap mong negosyong milktea cafe.” Saad ng dalaga. Tila hindi naman mapakali si Tom at tingin ng tingin sa cellphone nito.

“Baby, bukas ka na tumawag. Ayaw akong tantanan ni Cindy. Dalawang araw nang nakapulupot sa akin na parang ahas. Naiimbyerna na nga ako. Miss na miss na kita. Sorry talaga. Para sa atin naman lahat ng ito. ” Inis na inis na pagsusumamo ni Tom kay Migs, ang baklang kasintahan nito.

“Oo na! Naiirita ako sa tuwing sinasabi mo ang pangalan ng babaeng ‘yan! Sige na.” Hindi na hinintay pa ni Migs na magsalita si Tom sa kabilang linya, agad nitong binaba ang telepono sa inis.

“Babe sino’ng kausap mo? Baka may iba ka na diyan ha. Pagbubuholin ko kayo pag nabisto ko kayo.” Pagbibiro ni Cindy. Lingid sa kaalaman ng pobreng dalaga na dalawang taon na siyang niloloko ni Tom.

Dumaan ang isang taon at dagsa ang tao sa milktea cafe ni Tom at Cindy. Tumataginting na P15,000 ang laman ng kaha nila kada araw. Mahusay talagang humawak ng negosyo si Cindy sapagkat anak ito ng mayamang negosyante.

Hindi naman pinatagal pa ni Tom ang pagtitiis. Malaki-laki na rin ang ipon nito mula sa negosyong pinaghirapan ni Cindy. Dagdag pa ang mga mamahaling relo, alahas, at sasakyang iniregalo nito sa kaniya. Nang magsarado ang kanilang cafe sa gabi ay kinausap niya ito ng masinsinan.

“Cindy, patawarin mo ako. May iba nang laman ang puso ko. Hindi ko mapigilang mahulog sa ibang tao. Kung ipagpapatuloy natin ito, parehas lang tayong magiging hindi masaya.” Mariing pagtatapat ni Tom.

“Hindi ko alam ang sasabihin ko, Tom. Napakasakit ng sinabi mo… Pinaglaban kita sa parents ko tapos mapapahiya lang pala ako… Mukhang tama nga sila, Tom. Pinerahan mo lang ako. Bakit? Dahil ba panget ako? Anong dahilan!? Sabihin mo! Hindi puwedeng biglang sasabihin mong ayaw mo na!” Humahagulgol na saad ni Cindy.

“Bakla ako, Cindy!!! Binabae ako! Hindi ako lalake! Hindi kita kayang mahalin kahit napakabait mo. Walang problema sa ‘yo. Ako ang may problema!” Pagtatapat ni Tom.

Hindi na nakapagsalita pa si Cindy sa narinig. Agad niyang hinakot ang mga gamit ni Tom at ipinagtabuyan ito.

Agad namang tumungo si Tom sa bahay ni Migs. Akala mo’y tumama ito sa lotto. Malaya na siya sa kamay ni Cindy.

Unti-unting sinubukang bumangon ni Cindy at ipinagpatuloy ang umuunlad na negosyo. Nagulat siya nang may natanggap na sulat. Dinemanda pala siya ni Tom sapagkat dito niya ipinangalan ang negosyong kaniyang pinapatakbo. “Ang kapal kapal ng pagmumukha ng baklang to! Maghihiganti ako sa ‘yo! Maghintay ka lang!” Galit na galit si Cindy.

“Tom, kamusta na? Actually, wala namang problema. Gusto mo, iyo na tong cafe. Kung tutuusin hindi naman kawalan ito sa akin. Napakarami naming negosyo.” Malumanay na wika ni Cindy habang kausap ang ex sa telepono.

Gulat na gulat naman si Tom sa inakto ni Cindy.

Simula noo’y si Tom at Migs na ang namahala sa cafe. Grabe ang luho ng dalawa. Ipinaubaya na nila ito sa mga tauhan at halos kada lingo ay naga-out of town ang mga ito.

Pagbalik nila mula Palawan ay nagdesisyon silang tumambay muna sa cafe. Lingid sa kaalaman ng mga ito’y sinabotahe na ng dalaga ang kanilang negosyo.

“Kadiri! Ano to, ipis??? Oh my God, mommy… Ipis nga! Nakainom pa naman ako!!!” Alalang-alalang saad ng batang customer sa kanilang cafe.

“Oh my! Nasaan ang manager ninyo???” Ninenerbiyos na tanong ng ina ng bata.

Agad namang lumapit si Tom at Migs.

“Nakita niyo ba ito? Saan nanggaling ito? Malamang ay napakadumi ng kusina ninyo! Dati pa kaming suki dito pero simula nang kayo nang dalawang bakla ang namahala dito’y nag-iba na ang lahat! Hindi niyo ba ako kilala? Asawa ako ni kapitan! Gagawin ko ang lahat mapasara lamang itong establishment na ito!”

Hindi malaman ni Tom ang gagawin kaya’t tinawagan nito si Cindy.

“Tom, kaya mong lusutan iyan. Tutal ay magaling ka namang dumiskarte. Nagawa mo nga akong diskartehan ng limpak-limpak na pera para lang makapagtapos ka ng pag-aaral at magkaroon ng kumikitang kabuhayan, hindi ba? Kayang-kaya mo ‘yan!” Nang-iinis na saad ni Cindy.

Halos magmakaawa na si Tom sa dalaga upang malusotan ang gusot ngunit naging matigas ang puso nito.

Ilang araw pa lamang ang lumipas ngunit naipasara na ang cafe ni Tom.

Sa garbo ng pamumuhay ng magkarelasyon ay agad naubos ang perang naharbat ni Tom kay Cindy. Nagsubok si Tom pumasok sa iba’t-ibang kumpanya ngunit nahihirapan itong makakuha ng trabaho. Palibhasa’y wala itong alam gawin.

Hindi naglaon, ang karelasyong si Migs ay lumayas. Hinanap ito ni Tom ngunit hindi niya na ito makita. Nabalitaan na lamang niyang may iba na itong karelasyon. Isang mayamang negosyante.

Lugmok na lugmok at walang makain ang pobreng si Tom. Pinapaalis na din siya sa condo na tinitirhan sapagkat ilang buwan na siyang hindi nakakapaghulog dito. Maya-maya’y biglang may kumatok sa kaniyang unit.

“Sir, may invitation po para sa inyo. Ilang araw na din kasi kayong hindi lumalabas ng unit ninyo kaya naisip kong ihatid na lang dito.” saad ng receptionist ng condo.

Nang mabasa niya ang nakasulat sa magarang sobre’y lalo siyang nanglumo. Ikakasal na si Cindy at iniimbitahan siya nito. Nang pumunta siya sa kasal nito’y tila napakasaya ni Cindy. Ibang-iba na din ang itsura nito na tila sumailalim sa plastic surgery.

Sang-ayon ka ba sa ginawang paghihiganti ni Cindy? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement