Inday TrendingInday Trending
Kinasusuklaman ng Babaeng Ito ang mga Magulang ng Kaniyang Asawa; Nang Matuklasan ang Lihim ng mga Ito’y Pahiyang-Pahiya Siya sa Kaniyang Sarili

Kinasusuklaman ng Babaeng Ito ang mga Magulang ng Kaniyang Asawa; Nang Matuklasan ang Lihim ng mga Ito’y Pahiyang-Pahiya Siya sa Kaniyang Sarili

Hindi naging maganda ang pagsasama ng mag-asawang sila Arnold at Sue. Ayon kay Sue, mama’s boy daw ang kaniyang mister at ayon naman kay Arnold, masyadong mataas ang pangarap ni Sue kaya’t hindi nito nagagawang magpaka-asawa at ina sa kanilang pamilya. Anak mayaman si Arnold kaya’t hindi nito nauunawaan ang labis na pagsusumikap ng kaniyang asawa, ito ang katwiran ni Sue. Nag-iisa lamang na anak si Arnold kaya’t kahit may asawa na ay tutok pa rin ang mga magulang dito.

Sa kabilang banda, lumaki namang walang ama si Sue at nasaksihan nito ang paghihirap ng kaniyang ina. Labis ang kaniyang trauma sa sinapit nito sa kamay ng pangalawa nitong asawa. Sinasaktan sila nito at gutom ang abot nilang mag-ina sa kamay ng kaniyang amain. Yumao ng maaga ang ina ni Sue dahil sa kawalan ng perang pambili ng mga gamot nang ito’y nagkaroon ng malubhang sakit sa baga. Nang mawala ang ina’y sa bahay ampunan na tumira si Sue. Kaya lamang siya nakapagtapos ng pag-aaral ay dahil sa scholarship na ipinagkaloob sa bahay ampunan. Ayon sa mga madre, isang mayamang mag-asawa ang tumustos sa kaniyang pangangailangan. Malaki ang pasasalamat niya sa mag-asawa ngunit pinili ng mga ito na hindi na lamang magpakilala.

Sa mga mata ni Sue, mahina ang kaniyang asawa. Lahat ng ginagawa nito’y kailangangang naka-report sa kaniyang ina. Ultimo sa pagdedesisyon ng mister, imbes na siya lamang ang sasangguninan nito’y pati ang ina’y tatanungin pa nito bago mag-pasya.

Hindi naman mapagkakailang mabuting tao sila Mommy Rose at Daddy Bert. Nang manganak si Sue ay inalagaan ng mga ito ang manugang pati ang noo’y bagong silang na apong si Trixie. Halos hindi na siya pabangunin sa kama ng kaniyang biyenan upang mapadali ang kaniyang paggaling.

Tila wala namang pakialam si Sue at hindi nagpasalamat sa ginagawang kabutihan ng magulang ni Arnold. Para sa kaniya, iisa lamang ang ugali ng mga in laws. Ito’y mga pakialamero’t pakialamera at palagi na lamang nagmamarunong. Ika niya, nagpapasikat lamang ang mga ito sa anak upang lalong hindi sila magawang iwan at tuluyang bumukod.

Maganda na ang posisyon ni Sue sa isang 5-star hotel. Sa tatlong taon niyang pagtatrabaho dito’y agad siyang na-promote bilang General Manager. Halos hindi na ito nagde-day off at nagpapahinga para lamang magpakitang gilas sa kaniyang mga boss dahil sa kagustuhan nitong mapadala sa ibang bansa at matangay ang asawa’t anak. Naisip niyang mainam ito upang malayo na rin ang asawa at anak sa mga ma-papel na in laws.

Pagkalipas lamang ng anim na buwan ay nagbunga na nga ang labis na pagsusumikap ni Sue, na approve ang kaniyang application upang ma-assign sa Canada at doon mamuhay kasama ang pamilya. Bagamat alam ni Arnold ang plano ng asawa’y hindi niya inakalang magiging ganoon kabilis ang proseso.

Nang malaman ng kanilang Mommy Rose at Daddy Bert ang balita’y labis ang lungkot ng mga ito ngunit wala na silang nagawa sapagkat ayaw nilang humadlang sa pangarap ng manugang.

Nang ihatid nila sa airport ang pamilya’y agos ang luha ng mga magulang ni Arnold. Inis na inis naman si Sue sa kaartehan ng mga ito. Walang lingon-lingon at hindi na ito nagpaalam nang sila’y maghiwalay.

Hindi inaasahan ng mag-asawang napakahirap mamuhay sa ibang bansa. Doo’y wala na silang inaasahang tulong mula kanino man. Sa gawaing bahay pa lamang ay pagod na si Sue at ito ang palagi nilang pinag-aawayan ni Arnold. Palibhasa’y sanay nang maging boss ay hindi makahanap ng magandang trabaho si Arnold doon kaya’t siya na lamang ang naging taong bahay at siya na rin ang nag-aalaga kay Trixie.

Lalong naging magulo ang pagsasama ng mag-asawa sa hirap ng buhay doon. Sa loob ng dalawang taon ay hindi man lamang naisipan ni Sue na tawagin o kamustahin ang mga magulang ni Arnold. Sinisisi niya ang mga ito dahil aniya’y pinalaki na spoiled brat ang kaniyang asawa.

Nabalitaan ni Sue na naroon din sa Canada ang isa sa mga madre na nagpalaki sa kaniya sa bahay ampunan kaya’t masayang masaya siya nang makipagkita dito. Hindi maiwasan ni Sue na isipin hanggang ngayon kung sino ang mag-asawang nagmagandang loob na tumulong para makapagtapos siya ng pag-aaral.

“O siya, bilang malayo na rin naman ang narating mo at nagpaalam ako kay Father kung puwedeng sabihin ang pangalan ng mga tumulong sa ‘yo. Ito ang kanilang cellphone number sa Pilipinas, tawagan mo sila para makapagpasalamat ka.” wika ni Sister Baby.

Masayang umuwi ng bahay si Sue at ikinuwento sa asawa ang naging usapan nila ni Sister Baby. Ipinakita pa niya rito ang papel na naglalaman ng numero ng mga ito bago niya kontakin. Nagulat naman si Sue nang mag-iba ang ekspresyon ng asawa nang makita ang cellphone number. “Oh, bakit parang namumutla ka? Pagod ka siguro no? Hayaan mo pagkatapos ko silang tawagan, pahinga ka na. Ako nang bahala kay Trixie.” Tumango na lamang ang asawa at tila hindi pa rin mapalagay.

Nang mag-ring ang telepono’y tuwang tuwa si Sue. Hindi niya inaasahang makokontak pa ang mga ito sapagkat mahigit dalawang dekada na ang lumipas.

“Hello, good morning! Ako po si Sue mula sa pamunuan ni Sister Baby, doon po sa bahay ampunan sa Pasig…”

Nang marinig ni Sue ang boses sa kabilang linya ay tila binuhusan ito ng malamig na tubig.

“Anak, si Mommy Rose mo ito. Mabuti at napatawag ka. Miss na miss ka na namin ni Daddy mo. Anak, hindi ko inaasahang malalaman mo pa ito. Gusto kong malaman mo na bukal sa puso ang ginawa naming pagtulong sa iyo. Hindi na namin sinabi pa sa inyong mag-asawa ang lahat dahil ayaw naming maka-apekto ito sa buhay ninyo…”

Halos hindi makahinga si Sue at hindi makapaniwala, bigla na lamang lumapit si Arnold sa kaniyang misis at niyakap ito ng mahigpit habang tuloy ang agos ng luha sa kaniyang pisngi. “Sabi ko naman sa ‘yo mabuting tao sila Mommy at Daddy. Alam ko lamang na marami silang tinutulungan pero hindi ko alam na isa ka pala doon.”

“Arnold… Mommy… Gusto ko pong humingi ng tawad sa lahat ng nagawa ko!…” Hindi pa natatapos magsalita si Sue ngunit pinigilan na siya ng mister.

“Mahal, hindi pa huli ang lahat… Ito na siguro ang simula para maitama natin ang mga mali natin.” Wika ni Arnold.

Pagkalipas ng isang buwan ay nag-pasya nang umuwi si Sue sa Pilipinas. Tinapos na lamang nito ang kontrata at nag-resign na sa trabaho. Doon siya natutong mag-silbi sa anak at asawa at kalimutan ang mapait niyang nakaraan. Natuto na rin siyang makisama at ituring na ring tunay na magulang ang ina at ama ni Arnold.

Nagulat rin si Sue sa malaking pagbabago ng mister mula nang simulan niya itong pagsilbihan, irespeto bilang lalake, lambingin, at lubos na unawain. Halos hindi na ito kumonsulta sa mga magulang at hinahayaan na lamang siya ang dumalaw at makipag bonding sa mga ito kasama si Trixie. Doon rin napagtanto ni Sue kung saan siya nagkulang sa asawa.

Namuhay sila ng maligaya at labis rin naman ang ginagawang paglilingkod ni Sue sa kaniyang Mommy Rose at Daddy Bert.

Advertisement