Inday TrendingInday Trending
Sa Sama ng Loob ng Misis na Baog ang Kanyang Asawa, Nagpabaya Siya sa Sarili at Trinato Itong Basura; Hindi Niya Inasahan ang Magiging Kahahantungan ng Lahat

Sa Sama ng Loob ng Misis na Baog ang Kanyang Asawa, Nagpabaya Siya sa Sarili at Trinato Itong Basura; Hindi Niya Inasahan ang Magiging Kahahantungan ng Lahat

“Ano ba ‘yan. Hinay-hinay ka naman sa pagkain! Baka maaga kang mawala!” Inis na inis na giit ni Patrick sa asawa. Palibhasa’y naaalarma na ito sa grabeng pagkain ng matatamis at matataba ng asawang si Rissa ngunit wala man lamang ginagawa sa bahay at palagi na lamang nakahiga.

Sa trabaho ni Patrick ay talaga namang payabangan ang mga kalalakihan. Palakihan ng dibdib ang mga asawa’t paliitan ng balakang. Kaya naman tampulan ng tukso ang gym instructor na si Patrick.

Hindi mapagkakailang napakaganda ni Rissa noong sila’y nagkakilala sa isang birthday party ng kanilang kaibigan. Walang lalakeng hindi mapapalingon dito. Sa kutis nitong mala-Koreana at hubog ng katawang pang FHM model, nagkakandarapa ang mga lalake dito.

Ngunit sa pitong taong sila’y kasal na ay unti-unting nagbago ang kaniyang misis. Nahilig itong kumain ng matatamis. Nariyang nakakaubos ito ng tatlong litrong softdrinks sa isang araw. Dagdag mo pa na kulang ang dalawang gantang na sinaing sa isang upuan ni Rissa. At ang pinakapaborito niya sa lahat, crispy pata!

Mantakin mo ba namang walang ginagawa ito kung hindi manood ng K-drama, matulog at kumain maghapon. Alam din ni Rissa na hindi na tama ang kaniyang pamamaraan sa pagkain at sa pang araw-araw na bisyo ng paghilata. Bukod sa masama ito sa kaniyang puso ay nahihirapan na din siyang kumilos kaya’t napakagulo ng kanilang bahay.

Nagsimulang maging ganito si Rissa tatlong taon na ang nakalipas nang malaman niyang baog ang mister na si Patrick.

Isang malaking pangarap para kay Rissa ang magkaroon ng malaking pamilya, bilang siya mismo ay galing sa isang malaking angkan. Subalit sa nangyari’y imbes na pamilya nila ang kanilang palakihin ng asawa’y katawan niya ang labis na lumaki.

Hindi mapagkakailang mahal na mahal ni Patrick si Rissa ngunit nararamdaman niyang naghihiganti na lamang ang asawa nang malaman ang kaniyang kundisyon.

Bilang isang gym instructor ay insulto sa kaniya ang inaakto ng asawa. Sa tuwing yayayain niya itong mag-ehersisyo ay pagdadabugan siya nito at pandidilatan ng mata kaya’t nasanay na lamang si Patrick na magsawalang kibo. Ngunit nang makita niyang halos hindi na makabangon sa kama ang asawa’y labis nang nag-alala ang mister kaya’t sinimulan niyang punahin ang mga maling ginagawa nito.

Binalewala na lamang ito ni Rissa. Para sa kaniya, walang karapatan ang mister na siya’y diktahan sapagkat ni hindi siya nito mabigyan ng anak.

“Mangbabae ka na lang! Huwag na huwag mo akong pakikialaman!” Galit na galit na saad ni Rissa tuwing sisitahin siya ng mister.

Natuto na ring maging bastos ang pananalita ni Rissa sa mister, patunay na wala na itong respeto sa asawa. Dumating pa sa puntong binuhusan niya ito ng tubig upang magising sapagkat tinatamad siyang buksan ang pinto at tignan kung sino ang nagdoorbell.

Sa pinakitang ugali ni Rissa ay tila napuno si Patrick. Doon niya nakilala si Rochelle, ang kaniyang kliyente sa gym. Napakaganda at seksi nito. Bukod pa roon, single ito at disenteng babae. Hindi nagtagal ay tila nahulog na ang loob niya dito kaya’t nagsabi siya sa kaniyang misis na siya’y makikipaghiwalay na.

Hindi naman inaasahan ni Rissa na hahantong sa ganoon ang kanilang pagsasama ngunit wala na rin naman siyang gana dito. Bago sila maghiwalay ay nag-usap sila ng masinsinan at binalikan ang nakaraan, naging emosyonal ang mag-asawa at sa huling pagkakataon ay nagtalik sila.

Lumipas ang ilang linggo, nagtataka si Rissa kung bakit hindi pa siya dinaratnan kaya’t dali-dali siyang nagpatingin sa doktor. “Congratulations, misis! Buntis po kayo. 8 weeks na!” Tila hindi makapaniwala si Rissa sa kaniyang narinig. Nagpasya na lamang siyang ilihim ito at huwag nang ipaalam kay Patrick, tutal ay masaya naman na ito sa piling ng iba.

Dumaan ang ilang buwan at nanganak na si Rissa. Sa tulong ng kaniyang kapatid na si Jessica at inang si Mommy Elvie ay nakayanan niyang buhayin ang anak nang mag-isa.

Nagsimula na rin siyang mag-diyeta at mag-ehersisyo hanggang sa bumalik sa dati ang hubog ng kaniyang katawan. Kaliwa’t kanan ang kaniyang mga manliligaw ngunit hindi pa siya handang magmahal muli.

Ipinagpatuloy ni Rissa ang pagiging pre-school teacher sa isang exclusive school kung saan doon din nag-aaral ang kaniyang anak na si Colleen.

Doo’y nakilala niya ang single dad na si Martin. Kaibigan lamang ang tingin ni Rissa dito ngunit sadyang malakas ang tama ni Martin kay Rissa. Puspusan ang ginagawa nitong panliligaw.

Bilang isang commercial model ay alagang-alaga ni Martin ang kaniyang pangangatawan. Araw-araw ay laman siya ng gym at palagi rin siyang humihingi ng payo sa kaniyang instructor na si Patrick.

“Rissa? Wow! Alam mo, kung hindi lumaki yung ex wife ko… Base sa paglalarawan mo sa kanya. iisipin kong si Rissa na ex wife ko ang nililigawan mo!” Pabirong wika ni Patrick.

Nagtawanan na lamang ang dalawa. Lingid sa kaalaman ng mga ito na iisang Rissa lamang ang kanilang pinag-uusapan.

Isang araw ay niyaya ni Martin na sumama si Rissa sa gym, palibhasa’y halos araw araw na din ito sa gym sa takot na lumaki ulit. Ayaw naman humiwalay ni Colleen sa ina kaya’t inabisuhan ito ni Martin na sumama na lamang sa kanila.

Hindi inaasahan ng mag-asawang sa pagkakataong iyon, makalipas ang anim na taon ay magkikita silang muli…

“Colleen! Just stay there, ok? Baka sabihin ng gym instructor bawal ka dito kasi malikot ka. Behave para lagi kang isasama ni Mommy and Tito Martin dito, ok?” Panenermon ni Rissa sa limang taong gulang na anak. Agad namang binuhat ni Martin ang bata upang hindi na masermonan pa ng ina.

Tila pamilyar ang boses na iyon. Ani Patrick sa kaniyang isip. Paglingon nito’y nakita si Martin na may hawak na batang babae. Kamukhang kamuha ito ng kaniyang asawang si Rissa. “Napakaganda ng batang ito. Bakit parang may hawig din siya sa akin? Bakit tila gusto ko siyang yakapin, buhatin, kausapin???” tanong ni Patrick sa kaniyang sarili.

“Patrick, this is Rissa… The girl who got my heart.” Pagbibida ni Martin.

“Rissa??” Nagulantang si Patrick ng lumingon ang isang seksi at napakagandang babae. Si Rissa! Si Rissa na asawa niya…. Ibang iba na ang itsura nito, ang babaeng bumihag sa kaniyang puso labinglimang taon na ang nakalipas…. Ganitong ganito ang itsura ni Rissa nang una niya itong makita sa party.. Tila hindi ito tumanda at nagbalik na sa dati ang pangangatawan nito…

Napatakip ng bibig si Rissa nang makita si Patrick. Agad nitong kinuha si Colleen mula kay Martin at nagmadaling lumabas ng gym. Hinabol naman ito ni Patrick. Naiwan si Martin na takang-taka sa nangyari. Naalala nito ang biro sa kaniya ni Patrick tungkol sa asawa nitong si Rissa at doon tila nabasa na niya kung ano ang nakita.

“Rissa! I deserve an explanation!” Giit ni Patrick.

“Explanation? Hindi na kailangan! Alam mo na siguro. Tignan mo ang batang to. Tumingin ka sa mata niya. Sayong-sayo yang mga matang iyan. Nangungusap, nangtutunaw… Patrick… Anong nangyari sa atin?” Lumuluhang saad ni Rissa.

Napaluha na rin si Patrick at doon niyakap ng mahigpit ang kaniyang mag-ina. Doon naramdaman ni Rissa na tila walang nagbago.. Mahal niya pa rin ang asawa at ramdam niyang mahal siya nito.. Kahit noong pinabayaan niya ang kaniyang katawa’y sinubukan siya nitong tulungan ngunit binastos niya lamang ito..

“Daddy? Daddy!” Umiiyak rin na tawag ng batang si Colleen sa ama.

Nagyakapan na lamang sila at nang mahimasmasan ay napansin nilang nasa parking lot din si Martin. Nakayuko at tila wala na lamang magawa sa nasaksikan. Tinapik nito sa balikat si Patrick at sinabing “Pare, paki ingatan na lang at huwag mo nang hayaang mawala pa sa iyo.” Sabay agad itong umalis.

“Si Rochelle? Kamusta na kayo?” Pagtatanong ni Rissa na mababakas ang selos sa mga mata nito.

“Nakakatawa Rissa pero wala pang isang buwan ay nakipaghiwalay na ako sa kaniya. Hindi ko naramdaman sa kaniya ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa ‘yo… Kung saan saan kita hinanap pero sabi ni Jessica at ni Mommy Elvie ay hayaan na muna kitang mapag-isa… Rissa… Sana’y naalalayan kita sa mga oras na nagbubuntis ka!… Bakit ka nawala, Rissa?…” Bakas kay Patrick ang matinding pangungulila sa asawa.

“Hindi na ako mawawala, Patrick. Patawarin mo ako at nagawa ko sa ‘yo lahat ng ito dahil lang sa pagaakalang hindi mo ako kayang bigyan ng anak… Mahal na mahal kita.. Nagka-anak man tayo o hindi.. Mahal kita, Patrick. Patawarin mo ako. Magsimula tayong muli!”

At doon napagtanto ng mag-asawa na sila talaga ang itinadhana para sa isa’t-isa. Sa hirap at ginhawa, sa problema at saya, sa katabaan at sa kagandahan ng katawan…

Talaga naming love is sweeter the second time around, sana, wag na nilang sayangin ang ikalawang pagkakataong ibinigay ng Diyos sa kanilang pag ibig.

Advertisement