
Tila Nagkakatotoo ang mga Panaginip ng Dalagang Ito, May Misteryosong Kakayahan Nga Ba Siya?
“O, hija, kumusta ka? Bakit napadalaw ka? Kulang ba ang perang binigay ko sa iyo para sa proyekto mo sa paaralan?” bungad ni Romeo sa pamangking tahimik na naghihintay sa kaniyang opisina.
“Naku, hindi po, tito, sobra-sobra pa nga po iyon, eh. Ito nga po, o, may pangbaon pa po ako para sa buong buwan,” sagot ni Venice saka bahagyang pinakita sa kaniyang tiyuhin ang wallet na may lamang pera.
“Mabuti naman kung ganoon. Anong sinadya mo rito? Na-miss mo ba ang pinakapogi at mabait mong tito?” biro nito saka siya bahagyang kiniliti sa tagiliran.
“Opo naman, tito! Pero bukod po roon, may isa pa po akong sadya,” seryoso niyang sambit dahilan upang bahagya itong mapaisip, “Pupwede po bang huwag ka na tumakbo sa pagkagobernador sa darating na halalan? Napaginipan ko po kasing matatalo ka at dadanak ang dugo sa pamilya natin,” dagdag niya pa dahilan upang mapailing ito.
“Diyos ko, hija, panaginip lang iyon. Saka, imposibleng matalo pa ako, alam mo namang halos lahat ng mamamayan sa ating lalawigan, hangang-hanga sa mga nagawa ko. Huwag mo na isipin ‘yon, hindi matatalo si tito!” patawa-tawang sambit nito saka siya tinapik-tapik sa likuran dahilan upang mapabuntong-hininga na lamang siya.
Malapit sa kaniyang mga tiyuhin at tiyahin ang dalagang si Venice. Kahit pa magkakalayo ang kanilang mga bahay, hindi ito naging dahilan upang mapalayo ang loob niya sa mga ito. Likas kasi sa kaniya ang pagiging bibo at madaldal simula nang siya’y maliit pa lamang dahilan upang kagiliwan siya ng mga ito.
Ngunit nang tumuntong siya sa pagdadalaga, napalitan ng katahimikan ang kaniyang kadaldalan. Napadalas kasi ang pananaginip niya ng mga masasamang pangyayari dahilan upang ganoon niya ito damdamin.
Bukod pa roon, tatlo sa sampung napapaginipan niya, masama man o magandang pangyayari, ay nagkakatotoo kaya naman ganoon na lang siya nahahabag sa mga ito.
Sabihan man siya ng kaniyang mga magulang na huwag nang mag-isip ng kung anu-ano tungkol sa mga napapanaginipan niya dahil wala naman itong katotohanan at kinikit*l lang nito ang pagiging masayahin niya, hindi niya ito maiwasan dahil patuloy itong tumatakbo sa isip niya.
Sa katunayan, bago makaalis patungong ibang bansa ang kaniyang panganay na kapatid at doon mabuhay nang maalwan, ito’y napanaginipan niya muna. Siya pa nga ang nagtulak sa kaniyang kapatid na mangibang-bansa dahil alam niyang doon ito susuwertehin.
Madalas man siyang hindi paniwalaan ng mga tao, panay bigay niya pa rin ng babala sa mga ito base sa kaniyang mga napapanaginipan.
Kaya naman, nang mapanaginipan niya ang paborito niyang tiyuhin na matatalo hindi umano sa darating na halalan, agad niya itong binalaan. Ngunit katulad ng ibang tao, pinagtawanan lang siya nito at binalewala ang kaniyang babala.
Ilang buwan ang lumipas, papalapit na ang naturang halalan. Kumpiyansadong manalo ang kaniyang tiyuhin dahilan upang hindi ito gaanong mangampanya. Pursigihin man niya itong mangampanya upang mabaliktad ang panaginip niya, wika nito, “Kahit hindi ako mangampanya, nasa puso pa rin ako ng mga taong bayan natin, mag-relax ka lang, hija.”
At tila nagkatotoo nga ang kaniyang panaginip dahil nang ianunsyo ang bagong gobernador sa kanilang lalawigan, hindi pangalan ng kaniyang tiyuhin ang binigkas dahilan upang ganoon ito magalit sa kaniya.
“Ikaw! Ikaw ang may kasalanan nito! Paulit-ulit mong dinidikta na hindi ako mananalo kaya ako natalo ngayon kahit sobrang imposible!” sigaw nito sa kaniya saka siya itinulak dahil sa galit.
Nakita ito ng kaniyang ama dahilan upang magalit din ito at sugurin ang kaniyang tiyuhin hanggang magkasakitan na ang dalawa.
Hindi pa roon nagtatapos ang pagtatalo ng dalawa dahil pagkalipas ng dalawang araw, binantaan ng kaniyang tiyuhin ang kaniyang ama na kik*t*lin silang buong pamilya dahilan upang ganoon na lang siya maiyak dahil tila nagkakatotoo ang kaniyang napanaginipan.
“Wala kang kasalanan, anak. Kasalanan niya iyon dahil siya’y nagpabaya. Sumasaktong nangyayari lang talaga ang mga napapanaginipan mo dahil sa sobra mong pag-iisip. Naging masyado ka ring obserbatibo kaya napapanahon ang mga napapanaginipan mo. Subukan mong tanggalin sa isip mo ‘yon at maging masayahin muli,” payo ng kaniyang ama habang sila’y papunta sa pulisya upang isumbong ang pagbabantang natanggap nila.
Ginawa niya nga ang payong iyon ng kaniyang ama. Pinursigi niyang mabago ang takbo ng kaniyang isip at simula noon, naging mapayapa na ang kaniyang puso at isip. Nagkaayos na rin ang kaniyang ama at tiyuhin dahilan upang ganoon na lang muling bumalik ang masiglang dalagang si Venice.