Inday TrendingInday Trending
Istrikto ang Magulang ng Binatang Ito kaya Lagi Siyang Tumatakas, Isang Insidente ang Nagbulgar sa Kaniyang Kalokohan

Istrikto ang Magulang ng Binatang Ito kaya Lagi Siyang Tumatakas, Isang Insidente ang Nagbulgar sa Kaniyang Kalokohan

“Hoy, huwag niyo akong isama sa mga litrato niyo, ha? Baka makita ng nanay ko sa social media, lagot ako roon!” paalala ni Jonathan sa kaniyang mga kaibigan, isang tanghali pagkarating nila sa Tagaytay habang sila’y nagkukuhanan ng litrato.

“Huwag mong sabihing hindi ka na naman nagpaalam?” tanong ng kaniyang kaibigang si Jordan dahilan upang siya’y mapakamot ng ulo habang patawa-tawa.

“Kailan ba ako nagpaalam, ha? Alam niyo namang lagi lang akong tumatakas para lang makasama sa inyo!” sigaw niya sa mga ito nang magsimula na siyang pagtawanan ng mga ito.

“Eh, anong pinaalam mo ngayon? Bakit pinayagan kang lumabas?” pang-uusisa ng nag-iisa nilang barkadang babae.

“Sabi ko gagawa ako ng thesis sa bahay ni Jordan. Ikaw lang naman ang kilala nila kaya tiwala silang gagawa nga ako. Kaya huwag kang magpo-post sa social media na nasa Tagaytay tayo ngayon, ha? Malilintikan talaga ako!” pakiusap niya sa mga ito kaya lalo siyang pinagtawanan.

“Hanep ka naman, pare! Pati ako ginagamit mo, ha?” sagot ni Jordan.

“Wala, eh, kapag nagpaalam naman ako na sasama sa inyo para lang gumala, hindi ako noon nila papayagan,” nakatungo niyang sambit.

“Kawawa naman ang baby na ‘yan!” sigaw ng kaniyang mga kaibigan saka nagsitakbuhan dahilan upang habulin niya ang mga ito.

Sa edad na dalawangpu’t dalawa, palagi pa ring hindi pinapayagang gumala ang binatang si Jonathan ng kaniyang mga magulang. Palagi siyang pinagbabawalan ng mga ito na lumabas ng bahay lalo na’t hindi naman mahalaga ang kaniyang dahilan na labis niyang ikinaiinis.

Gala at marami kasi siyang kaibigan dahilan upang sa tuwing sila’y may gala magbabarkada o simpleng salu-salo sa isang lugar, palagi siyang tumatakas at dinadahilan ang kaniyang pag-aaral upang payagan lamang lumabas.

Sa katunayan, sa paraan niyang ito, nagagawa niyang magpunta sa malalayong lugar nang hindi nalalaman ng kaniyang mga magulang. Basta’t makauwi lang siya nang alas siyete ng gabi, at magkukwento nang kunwaring ginawa niya, hindi na siya uusisain ng mga ito.

Noong araw na ‘yon, umaga palang, nagpakabait na siya sa kaniyang mga magulang. Naghanda siya ng almusal, naghugas ng pinggan at naglampaso kaya naman nang siya’y magpaalam na gagawa siya ng thesis para sa kaniyang paaralan, agad siyang pinayagan ng mga ito. Lingid sa kanilang kaalamanan, siya’y magpupunta lang sa Tagaytay kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Masaya niyang nilaan ang limitado niyang oras kasama ang kaniyang mga kaibigan. Sila’y nag-picnic habang nagkukwentuhan, nagtatawanan at nag-iinuman dahilan upang ganoon na lamang siya makaramdam ng saya. Ngunit bago dumilim ang paligid, nagulat na lang siya nang biglang umiyak sa tabi niya ang nag-iisa nilang barkadang babae na galing palikuran.

“Hoy, ayos ka lang ba? Lasing ka na yata, eh, huwag ka na kaya uminom? Magpahinga ka na sa loob ng sasakyan,” payo niya rito.

“Hindi ako lasing, may isang grupo lang ng lalaki sa harap ng palikuran na nang bastos sa akin. Hinawakan ng isa sa mga iyon ang dibdib ko habang naglalakad ako tapos nagtawanan silang lahat,” sumbong nito dahilan upang ganoon na lang mag-init ang ulo niya pati na ng lima niya pang kaibigang lalaki.

Hinarap nila ang grupong iyon at tinanong kung bakit nila ginawa iyon. Sagot ng gumawa ng kalokohang iyon, “Iiyak-iyak ‘yang kaibigan niyo, eh, wala naman siyang dibdib,” dahilan upang ito’y agad siyang sapukin sa mukha.

Hindi pumayag ang kabilang panig, siya’y ginantihan ng malakas na suntok at doon na nagsimula ang rambol sa parkeng iyon hanggang sila’y damputin na ng mga opisyal doon at ipatawag ang kani-kanilang mga magulang.

“Taga-Bulacan pa kami, sir, imposibleng makapunta ang mga magulang namin,” dahilan niya sa opisyal na ayaw silang paalisin.

“Makakapaghintay kami, hindi namin kayo pwedeng basta pakawalan,” sagot nito sa kaniya dahilan upang ganoon na lang siya mapabuntong hininga dahil alam niyang katakot-takot na sermon ang aabutin niya sa kaniyang mga magulang.

Sakto namang tinawagan na siya ng kaniyang ina dahil maghahating-gabi na at doon na niya inamin ang kalokohang ginawa niya. Galit na galit ito sa kaniya at sa kaniyang mga kaibigan.

Pinuntahan man siya nito upang tubusin sa mga opisyal ng Tagaytay, ilang buwan siya nitong hindi pinansin at binigyan ng pera na labis niyang pinagsisihan.

Simula noon, sa tuwing may lakad ang kaniyang mga kaibigan, matapat na siyang nagpapaalam sa kaniyang mga magulang. Payagan man siya o hindi, ito’y kaniyang tinatanggap dahil ngayon, napagtanto niyang ito’y para rin sa kaligtasan niya.

Advertisement