Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Pangarap na Bahay, Pangarap na Buhay - Inday Trending

Pangarap na Bahay, Pangarap na Buhay

“Anak, pasensya ka na kung dito lang tayo maninirahan. Ito lang ang kaya ng budget ko.”

Isang napakaliit na dating tindahan ang tinutukoy ni Lisa sa kaniyang anak na si Richmond na nasa Grade 4. Humanap sila ng malilipitan dahil nakasagutan ni Lisa ang kapatid na si Norma na kanilang tinutuluyan. Single parent si Lisa kaya naman mag-isa lamang niyang tinataguyod ang kaniyang anak na si Richmond. Hindi nakatapos ng pag-aaral si Lisa. High school graduate lamang siya kaya nahihirapan siyang pumasok at humanap ng trabaho.

Kung tutuusin, napakasikip ng tindahan na iyon na ginawang paupahan ng kasera. Higaan lamang ang naroon. Walang upuan. Wala ring mesa. Kumakain at umuupo sina Lisa at Richmond sa kanilang higaan. Walang ibang paggagalawan sa loob. Hindi kakasya ang dalawa pang tao sa loob. Kung susuriin, kahabag-habag ang kanilang kalagayan.

Lumipat na rin ng pampublikong paaralan si Richmond. Katapat lamang ng kanilang tinitirhang tindahan. Sumakto naman na ang kanyang silid-aralan ay katapat mismo ng kanilang inuupahan. Isang sulyap lamang sa bintana at makikita na kaagad ang tinutuluyan nina Richmond.

Minsan, dumalaw ang ina ni Lisa na si Aling Isabel sa kanila.

“Lisa, bakit mo naman dito dinala ang apo ko? Mas masahol pa ang kalagayan ninyo sa aso ah. Wala bang ibang mas maluwag at mas malaking mauupahan?” tanong ni Aling Isabel sa anak.

“Okay na po rito nay. Mas kaya ng budget ko. Isa pa, mas malapit sa school ni Richmond,” sagot ni Lisa sa nanay.

“Bumalik ka na kasi sa ate mo. Mas maluwag doon. Mas maayos. Hindi katulad dito…” nag-aalang paalala ni Aling Isabel sa anak.

“Maayos naman po ang kalagayan namin dito ni Richmond nay. Kahit na maliit, masaya naman kami rito. Ayaw na ho namin ang makisama. Mas mabuti na po ang ganitong nakabukod kami,” sabi ni Lisa sa kaniyang ina.

Ang totoo niyan ay hiyang-hiya si Richmond sa kanilang bahay. Kaya kapag tinatanong siya ng mga kaklase kung saan siya nakatira, hindi niya sinasabi ang totoo. Sinasabi niya na malayo-layo pa. Hindi nila alam na ang saradong tindahan sa tapat ng kanilang silid-aralan ang siyang bahay na tinutuluyan nina Richmond.

Sa oras ng uwian, tinitiyak ni Richmond na hindi siya makikita o masusundan ng kahit na sino sa kanyang mga kaklase. Kinakailangan pa niyang umikot sa kabilang kalsada para mailigaw lamang ang atensyon ng mga kaklase at hindi sila maghinala na nasa malapit lamang ang kanilang tinutuluyan. Ayaw niyang matukso at malait na pangit at maliit ang kanilang bahay. Ayaw niyang masabihang mahirap at kaawaan ng kaniyang mga kaklase. Ikinahihiya ni Richmond ang kanilang kalagayan.

“Nay, wala po ba tayong malilipatan na mas malaki at mas maayos na bahay?” tanong ni Richmond sa kaniyang ina habang sila ay kumakain sa loob ng inuupahan.

“Bakit? Ayaw mo ba rito? Maganda nga rito eh. Mabilis linisin kasi maliit lamang,” sabi ni Lisa sa kaniyang anak.

“Nay nahihiya po ako sa ating kalagayan. Hindi ko po alam kung tama ba na dito tayo nakatira. Tindahan po kasi ito at hindi naman bahay. Natatakot po ako na malaman ng mga kaklase ko na dito tayo nakatira,” pagtatapat ni Richmond.

“Huwag kang mag-alala anak. Makakaraos din tayo. Basta mag-aral kang mabuti para makahanap ka nang magandang trabaho at makabili ka ng sarili mong bahay,” paalala sa kaniya ng ina.

Tinandaan iyon ni Richmond. Nagsumikap siya sa kaniyang pag-aaral. Sa loob ng dalawang taon ay natapos niya ang elementarya bilang valedictorian. Gusto ng mga kaklase niya na magtungo sa kanilang bahay subalit hindi niya magawang maamin dito na nakatira lamang sila sa isang maliit at saradong tindahan.

Isang araw, lingid sa kaalaman ni Richmond ay palihim siyang sinundan ng kaniyanng mga kaklase. Natuklasan ng mga ito kung saan talaga nanunuluyan si Richmond. Pinagkalat nila ito sa mga kaklase at pinag-usapan siya. Kinompronta niya ang mga kaklase na pinagtatawanan siya.

“Balang araw, makakaahon din kami at magkakaroon ng mas malaking bahay, tandaan ninyo iyan,” pangako ni Richmond sa kaniyang mga kaklase at maging sa sarili.

Nagsumikap si Richmond upang makatapos ng pag-aaral. Humanap siya ng trabaho at naging working student upang makatapos ng kolehiyo. Makalipas ang maraming taon at naging ganap na arkitekto si Richmond. Ang unang naipundar niya sa kaniyang pag-iimpok ay lupa at siya mismo ang nagdisenyo ng kaniyang ipinatayong bahay.

“Nay, para po sa inyo ang mga pagsusumikap ko,” nakangiting sabi ni Richmond sa kaniyang nanay nang sila ay lumipat na sa kanilang dream house. Pinatunayan ni Richmond na walang imposible sa buhay kung pursigidong magtagumpay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.