Ako ang Nanligaw sa Mister Ko

“Lidia, totoo ba ang balitang nililigawan mo talaga ang boss mo? Dinadalhan mo pa raw ng pagkain araw-araw? Nahihibang ka na ba?” inis na tanong ni Joan sa kaniyang kapatid, isang araw habang nagsusuot ito ng sapatos.

“Oo, totoo ‘yon, bakit? May masama ba doon, ate?” ngising sagot ni Lidia habang nakataas ang kaniyang kilay dahilan upang lalo bungangaan siya ng kaniyang kapatid.

“Kababae mong tao tapos ikaw ang nanliligaw? Aba naman, Lidia! Magpakababae ka naman!” sigaw nito sabay hagis sa kaniya ng isang piraso ng tsinelas.

“Ano naman kung babae ako? Eh, hindi na ako makatiis, eh! Baka maunahan pa ako! Tingin ko nga sasagutin niya na ako! O, d’yan ka na, ate! Mahuhuli na ako!” ‘ika niya saka nagmadaling umalis, nakita niya na kasing akma siyang babatuhin muli ng kaniyang kapatid.

Bunso sa pitong magkakapatid ang dalagang si Lidia. Lahat ng kaniyang mga kapatid ay may kaniya-kaniyang nang mga pamilya. Kung tutuusin nga, lampas na sa bilang ng kaniyang mga daliri ang bilang ng mga pamangking bumebeso sa kaniya sa tuwing magkikita-kita silang magkakapatid. Siya na lamang ang bukod tanging walang pamilya o kahit nobyo man lang kahit pa nasa tamang edad na siya.

Ito ang naging dahilan upang siya na ang gumawa ng unang hakbang sa relasyong papasukin niya. Bago pa lang siya sa kaniyang trabaho simula noong mahulog ang kaniyang loob sa napakabait ngunit istriktong boss sa kumpanyang pinapasukan niya. Isinantabi niya ang kaba at takot na baka hindian siya nito, laking gulat naman niya nang kumagat ito sa kaniyang mga nais gawin. Sa katunayan nga, nang yakagin niya itong lumabas noong isang linggo, agad itong pumayag. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang saya lalo na noong bigyan niya ito ng mga bulaklak.

Noong araw na ‘yon, maagang pumasok sa trabaho ang dalaga upang surpresahin sana ng isang almusal ang kaniyang nililigawang boss ngunit pagdating niya sa opisina na ito, tila siya ang nasurpresa.

Nadatnan niyang nakatayo sa harap ng pintuan ang kaniyang boss, may bitbit na isang rosas at may ngiting nagninining. Inabot ito sa kaniya saka siya inalalayan patungo sa terante ng opisina nito.

Advertisement

Doon nagsimulang kiligin ang dalaga. Nakita niya ang isang hapagkainan na puno ng pagkain, mga bulaklak sa ilalim nito at mga lobong nakakakalat sa paligid, napatingin siya sa kaniyang boss saka nito sinabing, “Sinasagot na kita, ngayon hayaan mo namang ako ang manligaw sa’yo,” dahilan upang mapaluha ang dalaga.

“Te-teka, totoo ba ang narinig ko? Ikaw na ang manliligaw at hindi na ako?” paninigurado niya.

“Oo, noong una pa lang naman dapat ay liligawan na kita, naunahan mo lang ako,” sambit nito saka hawi sa kaniyang buhok, “Hindi bagay sa isang babaeng tulad mo ang manligaw, pakiramdam ko ay napakawalang kwenta kong lalaki noong sabihin mong gusto mo akong ligawan,” patawa-tawang sambit nito, wala namang masabi ang dalaga, kaya naman napayakap na lamang siya rito dahil sa tuwa.

Tinotoo nga ng kaniyang boss ang sinabi nito sa kaniya. Buong puso siya nitong niligawan pati ang malaki niyang pamilya. Tuwang-tuwang ang kaniyang mga kapatid dito dahil bukod sa galante ito, maginoo’t mahilig pang makipaglaro sa mga bata.

Ito ang naging dahilan upang tuluyan na itong sagutin ni Lidia. Nagtagal ang kanilang pagmamahalan ng humigit kumulang tatlong taon bago nila tuluyang napagdesisyunang magpakasal. Laking tuwa ng kanilang sari-sariling pamilya na kahit na magkarelasyon sila, hindi nila napabayaan ang kanilang trabaho at mga responsibilidad sa pamilya.

Isang taon ang nakalipas matapos ang kanilang kasal, nagbunga na ang kanilang pagmamahalan ng isang kambal na para bang pinagbiyak na bunga. Wala nang mas sasaya pa kay Lidia noong panahon na ‘yon, dahil sa wakas, bukod sa matagumpay na ang kaniyang buhay sa trabaho, nagawa niya na ring magtagumpay sa larangan ng pag-ibig at pamilya.

“Siguro kung hindi mo ako niligawan noon, hindi ako magkakaroon ng isang pamilyang ganito kasaya, salamat, napatunayan ko talagang mas matapang ka kaysa sa akin!” sambit ng kaniyang asawa habang pinapaliguan niya ang kanilang kambal.

“Naku, kung hindi rin dahil sayo, hindi ako magkakaanak ng naggugwapuhang kambal! Maraming salamat rin sa’yo, asawa ko!” sagot niya dito na puno ng saya.

Advertisement

Natapakan man niya ang pagkababae noon, nagbunga naman ito ng tagumpay.

Siguro nga’y sa panahon ngayon, hindi na mahalaga kung sino ang gagawa ng unang hakbang sa pag-ibig. Ang mahalaga na lamang ay kung saan ka sasaya at makakatanggap ng tunay na pagmamahal.