Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ang Tunay na Pamantayan ng Pagmamahal - Inday Trending

Ang Tunay na Pamantayan ng Pagmamahal

“Sino ba iyan? Ang pangit naman. Ang itim-itim!” panlalait ni Shane sa kaniyang bagong manliligaw.

“Grabe ka naman Shane, gwapo naman si Carlo ah? Kayumanggi siya at hindi maitim. Masipag at mabait din iyan. Huwag mo namang laitin. Saka dahan-dahan lang sa pagsasalita at baka may makarinig sa iyo,” paalala ni Kyla sa kaniyang matalik na kaibigan.

Nakaupo ang dalawa sa cafeteria ng kanilang campus at kumakain. Marami sa kalalakihan ang nagpapapansin kay Shane subalit dedma lamang ito.

Campus crush si Shane sa kanilang paaralan. Halos lahat ng mga lalaki ay nagkakandarapa sa kaniya dahil sa angking kagandahang mala-artista. Kinaiinggitan at kinaiinisan naman siya ng ibang mga babae dahil naaartehan sa kaniya.

Dahil sa angking ganda ay naging pihikan si Shane sa pagpili ng mga lalaking magiging manliligaw niya. Kailangang gwapo, matangkad, maskulado, at mayaman ang mapapangasawa niya. Lahat ng mga lalaking nagtangkang manligaw sa kaniya na hindi pasok sa kaniyang pamantayan ay nakatatanggap ng panlalait mula sa kaniya. Kapag natipuhan naman niya ang lalaki, sinasagot niya ito subalit hindi pa man nagtatagal ang kanilang relasyon, hinihiwalayan na niya kaagad sa mga simpleng pagkakamali.

Isa sa masusugid na manliligaw ni Shane si Carlo. Taliwas na taliwas ito sa mga gusto ni Shane. Kaya naman inis na inis sa kanya si Shane. Kahit anong pagtataboy ang gawin niya, ayaw pa rin siyang tigilan ni Carlo.

Kung tutuusin, gwapo naman si Carlo, hindi nga lang ito maputi. Lagi siyang ibinibili ng paborito niyang milk tea ngunit ibinibigay lamang niya kay Kyla. Lahat ng mga tsokolate na ibinigay nito ay ibinibigay rin niya rito. Ito ang nagsisilbing tagaubos sa lahat ng mga pagkain na ibinibigay ni Carlo para kay Shane.

Isang araw, isang mayamang negosyante ang nanligaw kay Shane. Siya ay si Tyrone. Gwapo, matangkad, matipuno, at higit sa lahat, mayaman. Labis na nagustuhan ito ni Shane kaya naman hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Sinagot niya kaagad si Tyrone.

“Hinding-hindi ko na pakakawalan si Tyrone. Siya na ang best na nakilala ko, sa lahat ng mga nakarelasyon kong gwapo, matangkad, matipuno at mayaman. Wala ka nang hahanapin pa, hindi ba?” sabi ni Shane kay Kyla.

“Sure ka ba na hindi mo siya pakakawalan? Baka naman magkamali lang siya nang kaunti at hihiwalayan mo na kaagad kagaya ng ginawa mo sa mga ex mo?” paniniguro ni Kyla.

“Hindi. Sure na ako rito. Napakayaman niya bes. Tanga na lang ako kapag pinakawalan ko pa ang isang gaya niya. Gagawin ko ang lahat para matiyak na ako ang pakakasalan niya,” paniniguro ni Shane sa kaibigan.

Tumagal nang halos tatlong buwan ang pakikipagrelasyon ni Shane kay Tyrone. Ito na yata ang pinakamatagal niyang pakikipagrelasyon sa isang lalaki. Hanggang sa inaya siya ni Tyrone sa condo nito. Nagpaunlak naman si Shane. Sa isip-isip niya, willing siyang magpabuntis kay Tyrone upang pakasalan siya nito kaagad.

May nakahanda nang wine sa mesita nito. Iniabot ni Tyrone ang wine kay Shane.

“Handa mo ba akong pakasalan Tyrone?” tanong ni Shane sa nobyo. Ngumiti lamang ito. Sa halip, itinaas ang kopita ng wine at lumagok. Sumunod naman dito si Shane. Maya-maya, nakaramdam siya ng pagkahilo. Tumayo si Tyrone at itinali ang mga kamay at paa ni Shane sa gilid ng kama.

“A-anong gagawin mo sa akin, babe?” nanghihinang sabi ni Shane. Parang may halong kemikal ang wine na ininom niya kaya inaantok siya.

“Kailangan natin ng kaunting fun, babe,” nanlilisik ang mga mata ni Tyrone. Lumapit ito sa pinto ng condo at pinapasok ang apat na lalaki. Nagulat siya dahil ito ang mga lalaking naging ex niya.

“Nasorpresa ka ba, babe? Oo. Magkakaibigan kami. Anong pakiramdam ngayon na kami naman ang makikipaglaro sa iyo?” sabi ni Tyrone.

“It’s payback time, Shane,” sabi ng una niyang ex na si Craig. Naghuhubad na ito ng saplot gayundin ang iba pang mga lalaki.

Walang ano-ano’y biglang bumukas ang pinto at pumasok ang pulis. Inaresto nila sina Tyrone at ang mga naging ex-boyfriend ni Shane. Iniligtas nila si Shane mula sa pagkakatali. Naroon din si Carlo.

Sa presinto, isiniwalat ni Carlo na minanmanan niya pala si Tyrone at hindi nalingid sa kaniya ang mga plano nito. Ipinagbigay alam niya sa mga pulis ang kaniyang nalaman. Tuluyang napiit ang apat kasama si Tyrone.

Labis-labis ang pasasalamat ni Shane kay Carlo. Nahulog ang loob niya sa lalaki. Ilang buwan lamang at sinagot ni Shane si Carlo. Napagtanto ni Shane na hindi pala dapat maging batayan ang pisikal at estado sa buhay sa pagpili ng mamahalin.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.