
Tinatawanan ng Isang Grupo ang Binatang Nagtitinda ng Turon; Paglipas ng Panahon ay nasa Kaniya pala ang Matamis na Halakhak
“Turon! Turon kayo diyan! Bagong luto!” malakas na sigaw ni Elmer habang binabaybay ang kahabaan ng eskinita ng kanilang lugar, isang hapon.
Ilang sandali pa habang naglalako ang binata ay natanaw siya ng grupo ng binatang si Daniel. Madalas nilang pag-tripan itong si Elmer.
Dahil nga ayaw na ni Elmer ng gulo, nang makita niya ang grupo ng mga binata ay agad na siyang lumiko. Alam kasi niyang siya na naman ang pagdidiskitahan ng mga ito. Ngunit mabilis na nagtakbuhan ang grupo ni Daniel patungo kay Elmer.
“O, bakit hindi ka na tumuloy? Hindi mo ba kami pagbebentahan niyang tinda mo?” saad ni Daniel habang nakapamewang.
“Akala ata nito, Daniel, wala tayong pambili, e!” sulsol pa ng isang binata.
“Kung magmalaki ka, Elmer, kala mo naman ay pagkasarap-sarap ng tinda mo! Puro balot lang naman ng turon ang nalalasahan ko. Ni walang saging at langka ‘yang turon mo! Kaya walang bumibili, e!” pangungutya pa ni Daniel.
“Tama na, Daniel. Ayaw ko ng away. Gusto ko lang namang magtinda nang matiwasay. Pabayaan n’yo na ako dahil kailangan kong maubos ang paninda ko!” pakiusap pa ng binata.
Ngunit nais talaga ni Daniel na patunayan kay Elmer na mas nakakataas siya.
“Huwag mo akong basta tinatalikuran, Elmer!” kinuwelyuhan ni Daniel ang kawawang binata dahilan para matapon ang mga paninda nito.
“Ayan ang nababagay sa isang kagaya mo! Tutal kahit ano namang gawin mo ay wala kang mararating sa buhay kaya nararapat lang ‘yan sa’yo!” bulyaw pa ng binata kay Elmer.
Naiiyak si Elmer habang pinupulot niya ang kaniyang paninda. Naiisip niya ang hirap ng kaniyang tiyahin sa pagluluto ng mga turon at ngayon ay wala pa siyang mauuwing kahit panggastos lang niya.
Hindi na lumaban pa si Elmer dahil ayaw rin niyang mabalitaan ng kaniyang tiyahin na nakipag-away siya.
Tatawa-tawa naman ang grupo ni Daniel na tuluyan nang iniwan sa nakakaawang kalagayan si Elmer.
Bata pa lamang si Elmer ay ang kaniyang Tiya Lita na ang nag-alaga sa kaniya. Matandang dalaga ito at panganay na kapatid ng kaniyang ina. Bago pa lang kasi ipanganak itong si Elmer ay nadisgrasya ang kaniyang ama na naging sanhi ng maaga nitong pagkasawi. Samantalang ang kaniyang ina naman ay nasawi habang siya ay ipinapanganak. Mula noon ay si Tiya Lita na ang tumayong magulang sa kaniya.
Nakapag-aral naman si Elmer hanggang hayskul ngunit nahinto na rin dahil hindi na kaya pa ng kaniyang Tiya Lita ang mga gastusin.
Bilang ganti ay tumutulong si Elmer sa pagtitinda ng turon sa hapon. Ang kita mula sa naturang meryenda ang sana’y panggastos ng magtiyahin kinabukasan ngunit ngayon ay hindi alam ni Elmer ang gagawin dahil nasayang na ang lahat ng kaniyang tinda.
Dahil sa pag-aasam na mas makatulong pa sa kaniyang tiyahin ay humanap ng ibang pagkakakitaan itong si Elmer. Hanggang sa nakita niya ang isang kapitbahay na gumagawa ng sabon.
“Aling Sally, p’wede po ba akong mangutang sa inyo kahit dalawang daang piso? Alam ko po malaking pera ‘yun pero pangako po ay babayaran ko unti-unti. Kasi po napagtripan naman ako ng grupo ni Daniel, wala po akong mauuwing kita sa tiyahin ko,” paliwanag ni Elmer sa kapitbahay.
Agad naman siyang pinautang nito.
“Huwag mo na akong bayaran, Elmer. Pakikiusapan na lang kita na tulungan ako sa pagkakayod nitong mga pinagputulan ng sabon. At kung gusto mo ay magbenta ka na rin,” saad ni Aling Sally.
“Maraming salamat po, Aling Sally. Sige po, bukas ay maaga po akong pupunta rito!” masayang tugon naman ni Elmer.
Simula noong araw na iyon ay bukod sa pagtitinda ng turon ay suma-sideline din itong si Elmer sa paggawa ng sabon at pagtitinda rin nito.
Isang araw habang naglalako ng turon ay muling naabutan ng grupo ni Daniel itong si Elmer.
“Ang lupit mo talaga, Elmer, pati ba naman pagtitinda ng sabon ay pinasok mo na rin. Siguro ay talagang binabae ka!” natatawang kantiyaw ni Daniel.
“Pakiusap, Daniel, ayaw ko ng away. Ang gusto ko lang ay makapagtrabaho nang maayos para may panggastos kami ng tiyahin ko,” pagmamakaawa ni Elmer sa binata.
Ngunit hindi pa siya tinantanan ng grupo ni Daniel.
“Walang bibili ng turon mo dahil lasang sabon!” sigaw ng binata sabay tapon sa mga paninda ni Elmer.
Nais na sanang pagbuhatan ng kamay ni Elmer si Daniel ngunit alam niyang wala siyang laban sa grupo nito.
Habang pinipigilan ni Elmer ang kaniyang galit ay hindi niya maiwasan ang mapaluha.
“Darating din ang araw na hindi n’yo na ako kayang ganituhin. Papatunayan ko ‘yan sa inyo!” gigil na gigil na sambit ng binata.
Ngunit patuloy pa rin sa tawanan ang mga grupo ng mga kalalakihan dahil sa sinapit ni Elmer.
Dahil sa patuloy na nangyayari sa kaniyang buhay ay lalong nagsumikap itong si Elmer. Nang makaipon siya ng sapat mula sa pagtitinda ng sabon ay bumili siya ng gamit nang kariton upang maglako naman ng mga fishball at palamig.
Palaging abala itong si Elmer sa pagtitinda ng meryenda at paghahatid ng mga order sa kaniyang sabon.
Napansin ng kaniyang Tiya Lita ang pagpupursige ni Elmer.
“Elmer, hinay-hinay, anak. Magpahinga ka rin kahit minsan. Regaluhan mo rin ang sarili nang sa gayon ay mas ganahan kang magtrabaho. Bumili ka kaya ng bagong damit? Kahit ‘yung mumurahin lang. Baka mamaya ay mga dalaga kang matipuhan sa labas, mainam nang maganda ang itsura mo,” nakangiting wika naman ng tiyahin.
“Ayos lang po ako, tiya. Ginagawa ko naman po ito para sa atin. Saka nais ko rin kasing patunayan sa ibang tao na kahit wala akong pinag-aralan ay kaya ko ring iahon kayo sa kahirapan,” tugon naman ng binata.
Sa araw-araw ay nagpatuloy sa paglalako ng kaniyang paninda itong si Elmer. Hanggang isang araw ay nais sana niyang bumili ng bagong damit. Sa kaniyang pag-iikot sa Divisoria ay nakita niya ang murang tindahan ng mga damit.
Habang tinitignan niya ang kaniyang naipong pera ay napagdesisyunan niyang kumuha ng limang piraso upang kaniyang itinda.
“‘Yung tutubuin nito ang ipambibili ko na lang ng bago kong damit,” saad pa ni Elmer sa sarili.
Ngunit ang limang pirasong damit ay agad naubos ni Elmer. May ilang tao pa ring naghahanap upang bumili sa kaniya kaya dali-dali siyang bumili ulit ng mga damit upang itinda.
Sinubukan niya rin na mag-post online. Hindi niya akalain na dadagsain ito. Mula sa maliit na kita, ngayon ay hindi na siya nagtitinda pa ng mga fishball, palamig at sabon, dahil pinagtuunan na niya ang mga tinda niyang damit.
Patuloy lang ang pagpapalaki ni Elmer ng kaniyang negosyo hanggang sa nagkaroon na siya ng sarili niyang pwesto ng damit at sarili niyang clothing line.
Naging matunog ang pangalan ni Elmer dahil sa tagumpay na kaniyang natamo. Hindi naman niya nakalimutan na tulungan ang kapitbahay na si Aling Sally dahil sa kabutihang ginawa nito sa kaniya.
Isang araw ay muling nagtagpo ang landas nila Elmer at Daniel. Ngunit sa pagkakataong ito ay sakay na ng kaniyang bagong sasakyan itong si Elmer.
Labis na nagulantang ang mga grupo ng kabataan nang makita nila na iba na ang katayuan ni Elmer sa buhay. Nakakaangat na ito at hindi na tulad noon. Napanganga na lamang ang mga binata. Ngayon ay hindi na nila makutya pa si Elmer.
“Nagpunta lang ako dito para pasalamatan kayo. Hindi ko magagawa ang lahat ng ito kung hindi dahil sa pang-aalipusta n’yo sa akin noon. Dahil sa iyo, Daniel, lalo akong nagsumikap upang mapatunayan na hindi hadlang ang pagiging mahirap ko para mangarap nang mataas. Ngayon ay makakalipat na kami ng tiyahin ko sa mas maganda at bagong pagawang bahay namin. Tuluyan na naming lilisanin ang lugar na ito ngunit patuloy kong babalikan ang mga alaala kung saan ako nagsimula,” wika pa ni Elmer.
Natameme na lamang si Daniel at ang iba pa niyang kasamang mga binata. Labis ang inggit nila ngayon sa buhay ni Elmer dahil naabot na nito ang mga pangarap nito at higit pa.