Nabuntis nang Maaga ang Panganay na Inaasahan ng Kaniyang mga Magulang; Sa Huli ay Higit pa sa Pagtupad sa Pangako ang Kaniyang Ginawa

Nabuntis nang Maaga ang Panganay na Inaasahan ng Kaniyang mga Magulang; Sa Huli ay Higit pa sa Pagtupad sa Pangako ang Kaniyang Ginawa

InspiringStoriesSuccess

“Wala kang utang na loob, Gina! Napakamakasarili mo! Hindi ba sinabi ko sa’yo na tulungan mo kami ng tatay mo? Kaya ka nga namin pinapunta sa tiyahin mo para kahit paano ay magkaroon ka ng trabaho! Pero ano itong ginawa mo? Nagpabuntis ka lang!” halos malatid ang litid ni Aling Salome sa galit sa panganay na anak. 

“Hindi ko naman po sinasadya, ‘nay. Patawarin n’yo na po ako. Handa pa rin naman po akong tumulong sa inyo. Pero sa ngayon ay kailangan ko munang unahin ang pagbubuntis ko,” umiiyak na saad naman ng dalaga. 

“Paano na ‘yan? Hindi lang kahihiyan ang dinala mo sa pamilya natin kung hindi isa pang palamunin! Akala mo ba ay madali lang magkaroon ng anak? Kung alam ko lang na pagnonobyo lang ang aatupagin mo sa mga tiyahin mo ay sa koprahan na lang kita pinagtrabaho! Letseng buhay talaga ito! Wala kang maasahan!” bulyaw pa ng ina. 

Sa galit ni Aling Salome ay hindi na niya napigilan pa ang sarili at patuloy niyang pinaghahampas ang panganay na anak. 

“Tama na nga iyan, Salome! Wala na tayong magagawa pa. Nariyan na ang bata, e. Ang kailangan ngayon ay malaman natin kung ano ba ang balak ng lalaking nakabuntis dito kay Gina. Kailangang malaman niya ang kaniyang responsibilidad,” saad naman ng amang si Mang Kadyo. 

“Ikaw na ang bahala diyan sa anak mo, Kadyo. Kung maaari ay ilayo mo muna siya rito dahil nagdidilim talaga ang paningin ko sa kaniya!” sambit muli ni Aling Salome habang pinipigilan ang galit. 

Kinausap nang matiwasay ni Mang Kadyo ang kaniyang anak. Nadidismaya man siya sa nangyari ay pilit niyang pinapalakas ang loob ni Gina. Ngunit nahabag siya sa dalaga nang malaman niyang hindi na pala nito makita pa ang kasintahan at wala ring balak ang binata na panagutan siya. 

“Mahirap ang sitwasyon mo, anak. Pero kailangan mong magpakatatag. Hindi lang para sa iyo kung hindi para na rin sa magiging anak mo. Kailangan mong lakasan ang loob mo dahil may iba ka nang aalalahanin. Hayaan mo na muna ang nanay mo. Unawain mo siya dahil hirap tayo sa buhay at talagang inaasahan ka niya na makatulong sa amin. Pero naiintindihan ko na kailangan mong unahin ang anak mo,” wika pa ng ama. 

Labis ang pasasalamat ni Gina dahil kahit na nabigo niya ang mga magulang ay nariyan pa rin ang kaniyang ama para suportahan siya. 

Nagtrabaho si Gina sa koprahan para makaipon ng kaniyang pampacheck-up sa doktor at pati na rin sa kaniyang panganganak. Kahit hirap siya sa pagbubuntis ay hindi niya ito pinahalata sa kaniyang mga magulang. Ayaw kasi niyang makadagdag pa siya sa mga suliranin nito. 

Samantala, hindi pa rin pinapansin ni Aling Salome ang anak. Hindi pa rin niya ito napapatawad sa maaga nitong pagbubuntis. Sa tuwing nakikita nga niya si Gina ay labis siyang nagagalit. Madalas niya itong hindi tirhan ng pagkain at lagi rin niyang ipinamumukha na problema lamang ang hatid nito dahilan para magkimkim si Gina ng sama ng loob. 

Isang araw habang patuloy sa pag-iyak itong si Gina ay bigla na lamang sumakit ang kaniyang puson. Itinakbo kaagad siya sa ospital dahil may dugo nang lumalabas sa kaniya. Mabuti na lang ay naagapan kung hindi ay tuluyan nang nalaglag ang kaniyang ipinagbubuntis. 

Dahil sa nangyari ay naawa si Aling Salome sa anak. Kahit pala anong galit niya ay hindi rin niya ito matitiis kapag ito’y nasaktan na. 

“Patawarin mo ako, anak. Patawad kung nabibigyan kita ng sama ng loob. Hindi ko lang kasi matanggap na ganiyan ang nangyari sa’yo. Nabuntis ka na nga nang maaga tapos wala pang ama ang anak mo. Masakit sa akin bilang nanay mo ang nangyari sa’yo. Pero mali ako. Imbis na inalagaan at prinotektahan kita ay ako pa ang nagbigay sa iyo ng sama ng loob. Hayaan mo, simula ngayon ay pagtutulungan na nating mairaos ang pagbubuntis mo,” pahayag ni Aling Salome. 

Simula noon ay naging maayos na muli ang pagsasama ng mag-ina. 

Ilang buwan pa ang nakalipas ay tuluyan nang nanganak si Gina. Dahil sa patuloy na paglaki ng kanilang pangangailangan ay napilitan siyang iwan ang anak sa pangangalaga ng kaniyang mga magulang at nagtrabaho bilang kasambahay sa Maynila. 

“Pangako ko sa inyo, nanay at tatay, gagawin ko ang lahat para maiahon ko kayo sa hirap. Kahit lumusot ako sa butas ng karayom ay gagawin ko matupad ko lang ang pangako ko sa inyo,” saad ni Gina sa kaniyang mga magulang. 

Maging ang kaniyang anak ay ginawa niyang inspirasyon para makaangat sa buhay.

Nang makaipon ng kaunti ay sinubukan ni Gina na pumasok bilang domestic helper sa Singapore. Doon ay nakatagpo siya ng mabait na amo at hinayaan siyang makapag-aral sa gabi habang nagtatrabaho sa umaga. 

Nang makatapos ng pag-aaral ay sinubukan naman niyang humanap ng trabaho sa Australia. Doon ay pinagsabay niya ang dalawang trabaho habang kumukuha ng masteral. Hindi siya huminto hanggang sa makamit niya ang tagumpay. 

Makalipas ang ilang taon ng pagpupursige at pagtitiyaga ay muling umuwi ng kanilang probinsiya si Gina baon ang isang malaking surpresa para sa kaniyang pamilya. 

“‘Nay, nakapagpatayo na po ako ng isang maliit na kompanya sa ibang bansa. Kukunin ko na po kayo upang doon na tayo lahat manirahan,” saad ni Gina sa kaniyang mga magulang. 

Sa tagal ng panahon ay muli ding nayakap ni Gina ang nag-iisang anak. 

“Hindi na tayo magkakahiwalay pa, anak. Mula ngayon ay ako na rin ang mag-aalaga sa iyo,” saad pa ng dalagang ina. 

Labis ang pasasalamat ni Gina sa kaniyang ina at ama na naging gabay at sandalan niya. 

Ngunit mas labis ang pasasalamat ng mag-asawang Salome at Kadyo dahil hindi kinalimutan ni Gina ang kaniyang pangako sa kanila na iaahon sila nito sa hirap. 

“Kayo ang naging inspirasyon ko para bumangon at lumaban sa buhay na ito. Hindi ako nagsisisi na pinagdaanan ko lahat ng hirap na dinanas ko sapagkat dahil doon ay mas matamis ang tagumpay na aking nakamtan,” saad pa ni Gina. 

Tuluyang nagbago ang buhay ni Gina at ng kaniyang pamilya. Lahat sila ay lumipad patungong Australia at doon na nagsimula ng panibagong buhay.

More Stories