Inday TrendingInday Trending
Labis ang Tiwala sa Sarili ng Isang Hambog na May-Ari ng Negosyo; Pagsisisihan Niya ang Lahat sa Pagbagsak ng Kaniyang Kompanya

Labis ang Tiwala sa Sarili ng Isang Hambog na May-Ari ng Negosyo; Pagsisisihan Niya ang Lahat sa Pagbagsak ng Kaniyang Kompanya

“Randy, ano pa ang ginagawa mo riyan? Hindi ba dapat ay naghahanda ka para sa presentation mo bukas sa mga bagong investors? Ang balita ko ay makakalaban mo ang kompanya ni Hector. Hindi ba dapat ay mas lalo kang maghanda?” sambit ng ginang na si Cristine sa kaniyang asawa.

“Kaya nga pumepetiks na lang ako. Alam ko kung gaano kahina ang kompanya niyang si Hector. Sigurado ako na sa akin papanig ang mga investors. Kaya kung ako sa iyo ay magrerelaks na lang din ako dahil sigurado na ang lalong pag-angat ng negosyo natin. Sa katunayan nga ay nag-order na ako ng masarap na alak para sa celebration bukas,” wika pa ni Randy.

Napapailing na lamang si Cristine sa sobrang pagkakampante ng kaniyang asawa.

Dating magkasosyo ang matalik na magkaibigang Randy at Hector. Pero dahil nag-asam si Randy ng mas malaking kita at sa paniniwala na rin na dapat ay mas malaki ang napupunta sa kaniyang pera ay humiwalay siya kay Hector at nagtayo ng parehong kompanya ngunit sarili niya itong pag-aari.

Siniraan niya ang kompanya ni Hector kaya sa paggawa niya ng sariling negosyo ay akay niya ang maraming kliyente ng dating kompanya.

Sa loob ng maraming tao ay maghaharap muli ang dating magkaibigan. Ilang beses na rin tinalo ni Randy ang kompanya ni Hector sa mga bidding at sa pagkuha ng mga investors kaya malakas ang loob niya ngayon na gano’n pa rin ang kahihinatnan na resulta.

Kinabukasan ay nagulat si Cristine nang makita ang asawa na naroon pa sa kanilang bahay.

“Akala ko ay alas diyes ang meeting mo? Alas nuwebe na at narito ka pa rin? Hindi ba dapat kanina ka pa umalis?” pag-aalala ng ginang.

“Hayaan mo sila. Mas kailangan nila ako kaysa kailangan ko sila. Saka mauuna naman talagang mag-present si Hector. Pabayaan ko na sa kaniya ang pagkakataon na ‘yun,” saad pa ni Randy.

“Alam mo, Randy, kung ako sa iyo ay hindi ako masyadong magpapakampante. Hindi mo alam baka sa pagkakataong ito ay mas pinaghandaan ni Hector ang kaniyang presentasyon. Sayang dahil malaking pera pa naman ang nakataya dito,” sambit pa ni Cristine.

“Tumigil ka nga riyan, Cristine. Kilala ko si Hector. Wala siyang kahit anong produkto na maipiprisinta sa mga inventors na sadyang ikakagulat nila. Kaya nga mas namayagpag ang negosyo ko kaysa sa kaniya,” dagdag naman ng ginoo.

“O siya, aalis na ako. Ihanda mo na ang mga pagkain at ang mamahaling alak na inorder ko sa ibang bansa dahil malaking selebrasyon ito,” saad muli ni Randy.

Nagtungo na si Randy sa opisina kung saan niya kikitain ang mga investors. Tama lamang ang kaniyang dating dahil magsisimula pa lang ang meeting. Bago pumasok sa conference room ay nakaharap niyang muli ang dating matalik na kaibigan.

“Tulad ng dati, Hector, huwag kang masasaktan sa ano mang maging resulta. Alam mo naman na walang laban ang kompanya mo sa kompanya ko. Hindi ko nga alam kung bakit lumalaban ka pa. Pero mas maganda na rin ang ginawa mo nang sa gayon ay kahit paano’y may maramdaman naman akong kompetensya,” pagyayabang ni Randy.

Hindi na umimik si Hector. Sanay na rin naman siya sa pagiging hambog ng dating kaibigan.

Ilang sandali pa ay nagsimula na ang pagpupulong. Kaniya-kaniya silang pag-aangat sa kanilang kompanya at mga produkto. Malaki ang potensyal ni Randy na makuha ang deal sa mga investors.

Pagkatapos ng kanilang mga presentations ay saka pinagpulungan ng mga investors ang kanilang sagot.

“Magaling pareho ang inyong ipinrisinta sa amin. Kailangan pa namin ng ilang araw pa para makapagdesisyon,” saad ng isang ginoo.

Natapos ang pagpupulong at kaniya-kaniya na silang alis sa naturang tanggapan.

Paalis na sana si Hector nang bigla siyang kinausap muli ni Randy.

“Huwag ka nang umasa na ikaw ang tatawagan, Hector. Nakita mo naman kung gaano kaganda ang mga produkto na ipinakita ko sa kanila. Hindi tulad mo na puro lumang ideya na. Parang hindi mo pinaghandaan! Hindi na ako magtataka kung isang araw ay pulutin na lang ang negosyo mo sa kangkungan!” natatawang pagmamayabang muli ni Randy.

“Hindi ko alam kung saan na napunta ang dati kong matalik na kaibigan. Napakalaki ng pinagbago mo, Randy. Pero tandaan mo, ang mga mapagmataas ay ibababa at ang mga nagpapakababa ay itinataas ng Diyos,” tanging nasabi ni Hector sa dating kaibigan.

Mas malakas na tawa ang naging sagot lamang ni Randy.

Bago umuwi si Randy ay dumaan muna siya sa kaniyang opisina. Hindi pa man nakakarating ang kaniyang sasakyan sa tapat ng tanggapan ay galit na galit na siya nang makita niya ang isang matandang babae na nagtitinda ng mga basahan at mga kakanin.

Hinarurot niya ang kaniyang sasakyan at dali-daling bumaba. Agad niyang tinungo ang matandang tindera at pinagsisisigawan niya ito.

“At sino ang nagsabi sa’yo na p’wede kang magtinda sa harap ng opisina ko? Umalis kang matanda ka! Layas!” bulyaw ni Randy sa matanda.

“Hindi naman ako nagtitinda sa tapat ng opisina mo. umupo lang ako saglit dahil malilim dito at pagod na pagod na ako. Pasensiya na. Baka p’wede mo pang bigyan ng konting sandali ang matandang ito na makapagpahinga. Pangako, aalis din ako kaagad,” pagmamakaawa ng ale.

Ngunit walang puso talaga itong si Randy. Imbis na hayaan na lamang niya ang matanda ay binitbit nito ang paninda ng ale at saka niya ito itinapon palayo.

“Umalis ka sa harapan ng tanggapan ko kung hindi ay ipapapulis kita. Walang puwang ang kagaya mo rito dahil nakakairita ka sa mata! Umalis ka na, tanda!” muling sigaw pa ni Randy.

Maging ang mga gwardya ay pinagalitan din nitong si Randy dahil sa pagpayag na maupo sa tapat ng kanilang tanggapan ang matandang ale.

Ang hindi alam ni Randy ay naroon din ang representante ng mga investors. Nais na sanang tuluyan nang pumirma nito ng kontrata dahil nakakapagpasya na ang mga investors. Ngunit nang makita niyang walang puso itong si Randy ay agad niyang sinabi ito sa mga iba pang investors.

Agad na nagtungo ang naturang ginoo sa tanggapan ni Hector. Doon ay nakita niya na maayos ang lahat ng mga empleyado at kahit maliit lang ang kompanya ay maganda naman ang pakikitungo nila sa isa’t isa.

Halatang mahal ng mga empleyado ang kanilang amo.

Dahil dito ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa desisyon ng mga investors.

Gabi ng araw na iyon ay nagdiwang na si Randy kasama ang ilang kaibigan. Kinabukasan ay laking gulat niya ng taliwas sa kaniyang inaasahan ang naging resulta.

“Paanong si Hector ang nakakuha ng deal? Ni wala ngang maganda sa iprinisinta niya!” galit na sambit ni Randy.

Agad niyang tinawagan ang mga investors at kinuwestiyon niya ang naging desisyon nito. Pilit pa niyang sinisiraan ang kompanya ni Hector ngunit wala na siyang nagawa pa. Buo na ang desisyon ng mga ito.

“Sa mundong ito, hindi lahat ay nakatuon lamang sa pera. Mas naniniwala kaming kikita kami dahil may puso ang kompanyang pinaglaan namin. Nakita mismo ng mga mata ko kung paano ka makitungo sa tao at sa iyong empleyado. Nais kitang bigyan ng payo, subukan mong maging mabuti dahil kung hindi ay kahit ano ang tayog ng lipad mo ay ganoon din ang taas ng ibabagsak mo,” wika ng representante ng mga investors.

Labis na pagkapahiya at galit ang naramdaman ni Randy. Hindi niya akalain na sa unang pagkakataon ay matatalo pa siya ng dating kaibigan. Malaki ang nawala kay Randy sa pagkakataong ito dahil sa kaniyang pagiging kampante at pagiging mapagmataas.

Dahil hindi nagbago ang ugali ni Randy ay unti-unti nang umalis sa kaniyang kompanya ang mga kliyente maging ang ilang investors na nakuha niya. Lahat sila ay lumipat na sa negosyo ni Hector.

Hindi nagtagal ay nalugi na ang kompanya ni Randy at tuluyan na itong nagsara. Labis ang pagsisisi ng ginoo. Doon pa lamang natutunan ni Randy ang matinding aral ng kaniyang buhay.

Advertisement