Hindi Maialis ng Ama ang Masamang Kutob sa Kaniyang Manugang; Bandang Huli’y Nakakapanlumo ang Sasapitin ng Sarili Niyang Anak

Hindi Maialis ng Ama ang Masamang Kutob sa Kaniyang Manugang; Bandang Huli’y Nakakapanlumo ang Sasapitin ng Sarili Niyang Anak

FamilyHeartbreakingStories

“Celine, kumain ka na, anak. Huwag ka nang magmukmok pa dito sa kwarto mo. Hindi tama ang ginagawa mong pagmamalaki sa daddy mo dahil ang gusto lang naman niya ay ang ikabubuti mo,” saad ni Alice sa kaniyang anak. 

“‘Ma, bakit hindi n’yo maintindihan na si Joey ang mahal ko? Siya ang nais kong pakasalan. Nasa hustong edad naman na ako kaya p’wede na akong magpakasal. Bakit ayaw n’yo pa kaming bigyan ng basbas n’yo?!” wika naman ni Celine na sobra ang sama ng loob sa mga magulang. 

“Intindihin mo ang daddy mo. Noon pa man ay wala na siyang tiwala diyan kay Joey, ‘di ba? Natatakot lang ang daddy mo na masira ang buhay mo nang dahil lang diyan kay Joey. Ilang beses ka na ba niyang niloko at pinaiyak, anak? Ilang beses ka na niyang binigyan ng sama ng loob? Bakit siya pa rin ang gusto mo? Nag-aalala kami ng daddy mo para sa kalagayan mo!” pahayag pa ng ina. 

“Dahil siya ang mahal ko! Malaki na ang pinagbago ni Joey pero hindi n’yo ‘yun nakikita dahil tinitignan n’yo lang ang mga nagawa n’ya dati. Kung hindi n’yo kami hahayaang magpakasal ay kalimutan n’yo na lang din na anak n’yo ako!” wika pa ng dalaga. 

Ang hindi alam ng dalawa ay kanina pa nakikinig ang amang si Greg sa kanilang pag-uusap. Labis ang sama ng loob din nito sa tinuran ng kaniyang anak kaya hindi na niya naiwasan pang pagsalitaan si Celine. 

“Ang laki na ng pinagbago mo, Celine, simula nang napalapit ka diyan kay Joey. Pinangangalagaan ka lang namin ng mommy mo. Pero kung mas pipiliin mo siya kaysa sa pamilyang ito ay bahala ka. Baka nga mas mainam pang talikuran mo na lang kami para masunod ang gusto ng puso mo!” mariing sambit ng ama. 

Dahil sa sinabing iyon ni Greg ay nagpasya si Celine na talikuran na ang kanilang pamilya at tuluyang magpakasal kay Joey. 

Noon pa man ay hindi na pabor ang mag-asawang Greg at Alice sa karelasyon ng kanilang kaisa-isang anak na si Celine. Hindi naman sa hinuhusgahan nila ang pamilya ng binata ngunit taliwas kasi sa pagpapalaki nila sa anak ang mga kaugalian ng pamilya ni Joey. Dumagdag pa dito ang palaging pag-iyak ng dalaga dahil sa mga panloloko at panggagamit ni Joey kay Celine. Ngunit walang magawa ang mag-asawa. Kahit ilang beses nang pagsabihan ang anak ay si Joey talaga ang gusto nito. 

Kaya isang matinding pagtatalo ang naganap nang sabihin ni Celine na magpapakasal na ito sa nobyo. Hindi matanggap ng mag-asawa ang desisyon ng anak dahilan para magkaroon sila ng samaan ng loob. 

Lumipas ang ilang buwan at hindi matiis ni Greg at Alice ang kanilang anak. Kaya nagpasya sila na sila na mismo ang lalapit dito. Ngunit hindi pa rin nagbabago ang tingin ng mag-asawa kay Joey lalo na si Greg. Wala pa rin siyang tiwala dito. 

“Dad, handa naman si Joey na patunayan na mabuti siyang asawa. Kaya sana naman ay hayaan n’yo na siya,” pakiusap ni Celine sa ama. 

“Greg, mukha naman ding ayos ang pagsasama nila Celine at Joey kaya hayaan mo na. Tanggapin mo na si Joey bilang anak din natin dahil mahal siya ni Celine,” wika naman ni Alice. 

“Patawarin mo ako, anak, pero hindi talaga maalis sa isip ko na hindi magtiwala sa kaniya. Hindi ko rin alam kung saan nanggagaling ang masamang pakiramdam ko sa kaniya,” wika naman ni Greg. 

Ngunit dahil sa pagmamahal ni Greg sa anak ay sinubukan nitong makisama kay Joey. 

Ayos naman ang lahat hanggang isang araw ay bigla na lamang ginulantang ang lahat ng masamang balita. Inatake daw sa puso itong si Celine at hindi na umabot pa sa ospital nang buhay. 

Dali-daling napasugod si Greg at si Alice sa ospital kung nasaan ang katawan ng kanilang anak. 

“A-ano ang nangyari sa anak ko, Joey? Bakit mo siya pinabayaan?” sigaw ni Greg kay Joey dahil hindi nito matanggap ang pangyayari. 

“Wala pong may gusto ng nangyari. Bigla na lang po siyang inatake sa puso. Maging ako ay nagulat!” saad pa ng manugang. 

Ngunit hindi kumbinsido si Greg sa sinasabi ni Joey. Kahit na sinasabi ng mga doktor na lumaki nga ang butas sa puso ni Celine at saka ito inatake sa puso. 

Dahil dito ay kumuha ng sariling imbestigador si Greg. Pinaimbestigahan at pinasundan niya ang asawa ng kaniyang anak. 

Labis ang pagdadalamhati ng mag-asawa sa maagang pagkawala ng kaisa-isa nilang anak. 

Mabilis na nagkaroon ng resulta ang pagpapaimbestiga na ginawa ni Greg. Nakita na bago pa man nangyari ang lahat ng ito ay madalas na ang pag-aaway ng mag-asawa. Marami ang nakakarinig ng kanilang alitan. At marami rin ang nakakaalam na may ibang babae itong si Joey. 

Ang hindi matanggap ni Greg ay nalaglagan pala ng anak itong si Celine nang minsang nag-away sila ni Joey at itinulak ito sa hagdan. Ang nakakapanlumo pa ay pinalakihan ni Joey ang insurance ng kaniyang asawa ilang buwan bago mangyari ang pagkakaatake nito sa puso. 

Dito na napag tagni-tagni ni Greg ang lahat. Marahil ay dati pa lamang ay tinitiis na ng kaniyang anak ang lahat ng pasakit na dulot ni Joey. Hindi lamang ito makapagsabi sa kanila dahil nga si Celine ang namilit na magpakasal sa lalaki. Marahil ay inatake din ito dahil sa sama ng loob sa asawa. At sa tingin ni Greg ay sinasadya ito ni Joey upang makuha niya ang malaking halaga sa insurance ni Celine. 

Napaiyak na lamang si Greg habang tinitingnan ang nakalagak na katawan ng anak. Hindi niya akalain na sa ganito hahantong ang lahat. Labis ang kaniyang pagsisisi. 

“Sana ay inilayo na lang kita sa asawa mo. Sana ay hindi ko na hinayaan na magpakasal kayo, kahit pa ikagalit mo sa akin. Patawad, anak ko,” pagtangis ni Greg. 

Ilang sandali pa ay nariyan na si Joey upang tingnan din ang nakaburol na asawa. Batid ni Greg na umaarte lamang ito dahil pagkasawi pa lamang ng kaniyang anak ay inaayos na nito agad ang perang makukuha niya sa insurance ng asawa. 

“Umalis ka na sa harapan ko, Joey. Hindi ko na hahayaan na hanggang sa huli ay gamitin mo ang anak ko. Gagawin ko ang lahat para ni isang kusing ay hindi ka makinabang sa perang naiwan ni Celine,” sambit ni Greg sa manugang. 

“W-wala akong kinalaman sa pagkawala ni Celine. Kukunin ko kung ano ang nararapat na para sa akin!” sambit naman ni Joey. 

“Subukan mo lang, Joey! Subukan mong gamitin pa ang anak ko at dito mismo sa harapan ng [email protected] ng anak ko ay kukunin mo ang buhay mo. Wala akong pakialam kahit na makulong pa ako, titiyakin ko na may makakasama ang anak ko sa kabilang buhay!” sambit pa ni Greg. 

Sa takot ni Joey ay hindi na niya tinuloy pa ang pagkuha ng pera mula sa insurance ni Celine. Hindi na rin ito nagpakita pa sa mag-asawa sa takot na ipakulong siya ng mga ito. 

Inihatid na ng mag-asawa ang kanilang anak sa huli nitong hantungan. Wala na atang mas sasakit pa sa paglilibing ng magulang sa sarili nilang anak. 

Patuloy ang pagdadalamhati nina Greg at Alice sa kinahantungan ng kanilang anak na si Celine. Kung maibabalik lang nila ang panahon ay hindi na nila hahayaan na magkatuluyan pa ang anak at ang walang pusong si Joey.

More Stories