Kinaiinisan ang Dalagitang Hindi Nagbibigay Halaga sa mga Regalo ng Kaniyang Magulang; Nakahahabag Pala ang Dahilan Nito

Kinaiinisan ang Dalagitang Hindi Nagbibigay Halaga sa mga Regalo ng Kaniyang Magulang; Nakahahabag Pala ang Dahilan Nito

FamilyHeartbreakingStories

Hindi magkamayaw ang dami ng tao sa pagdiriwang ng kaarawan ng dalagitang si Annika. Isang oras bago ang kaniyang nakatakdang party sa hotel ay isa-isa nang nagdatingan ang mga bisita. Lahat ay glamorosa at suot ang kanilang pinakamagagandang damit. Lahat ay namamangha sa ayos at dekorasyon ng lugar. Kabilang na rito ang pinsan ni Annika na si Melissa at ang tiyahing si Amelia. 

“Talagang napakaswerte ni Annika, ano? Mantakin mo, lahat ng nais niya ay ibinibigay ng kaniyang mga magulang. Kinse anyos lang siya pero parang ikakasal na sa laki ng handaan. Paano pa kaya kung debut na niya,” saad ni Melissa sa kaniyang ina. 

“Sinabi mo pa! Ikaw ba naman magkaroon ng mga propesyunal na magulang sa ibang bansa ay hindi mo tamasahin ang lahat ng ito? Pero tingnan mo kahit na ibinigay na ng magulang niya ang lahat ng gusto ay hindi pa rin maipinta ang itsura niyang si Annika. Sa tuwing kaarawan na lang niya ay para bang inis na inis siya na hindi niya nakukuha ang lahat ng gusto!” wika naman ni Amelia habang pinagmamasdan si Annika na sinisigawan ang mga coordinators ng kaniyang party. 

“Kung alam lang niyang maraming tao ang nais makipagpalit sa kaniyang posisyon. Maging ako, ‘ma, talagang naiinggit ako sa lahat ng meron siya. Bukod kaya sa party na ito, ano pa kaya ang regalo sa kaniya ng mga magulang niya?” wika pa ng dalaga. 

“Hindi ko rin alam. Pero malaki ang hinala ko na ipapahiya na naman ni Annika ang mga magulang niya tulad ng mga nakaraang taon. Hay, ang hirap talaga kapag ibinigay mo ang lahat ng luho sa iyong anak. Malaki ang tyansa na lumaking sutil,” pahayag muli ni Amelia. 

Marami ang naiinis sa dalagitang si Annika. Naaawa nga ang lahat ng tao sa mga magulang nito dahil kahit ano ang ibigay nila sa anak ay hindi man lamang magawang matuwa ni Annika. Tila kahit anong garbo ng kanilang regalo o kahit gaano pa ang halaga nito ay ipaparamdam talaga ni Annika na hindi pa iyon sapat. 

Nang araw na iyon ay naroon ang lahat sa kaarawan ni Annika hindi para makisaya sa kaniya kung hindi patunayan sa kanilang mga sarili na wala talagang kwentang anak ang dalagita. 

Ilang sandali lang ay nagsimula na pagdiriwang. Lahat ay nagulat nang hindi man lamang sinuot ni Annika ang gown na pinagawa sa kaniya ng mga magulang. 

Kita ng lahat habang nagtatalo si Annika at ang yaya nitong si Selma sa gilid ng entablado. 

“Kaarawan ko ito kaya ako ang masusunod. Ayaw ko nga isuot ang gown na iyon dahil makati sa balat! Napakabigat pa!” naiinis na sigaw ng dalagita sa kaniyang tagapangalaga.

“Ilang buwang pinagawa ng mommy mo ang gown na iyon ayon sa paborito mong kulay. Napakaganda at napakamahal ng gown na iyon, Annika. Sige na at isuot mo na. Pagtyagaan mo lang kahit saglit,” giit naman ng kaniyang Yaya Selma. 

“Sinabi ko na ngang ayaw ko, hindi ba? Kung nanghihinayang ka, e ‘di ikaw ang magsuot!” pabalang na sambit muli ng dalagita. 

Humarap sa mga bisita itong si Annika na nakasuot lamang ng simpleng pang-alis. Maya-maya ay inaaya si Annika ng mga tagapagsalita sa party ngunit ayaw niyang paunlakan ang mga ito. 

“Kainan ito ‘di ba? Bakit may mga palaro pa? Pakainin n’yo na ang mga bisita. Akin na ang cake nang mahipan ko na nang makauwi na tayong lahat!” sambit pa ng dalagita. 

Dahil sa inaasal ni Annika ay muli siyang pinagsabihan ng kaniyang yaya. 

“Annika, huwag ka namang ganyan. Pinaghandaan talaga ng mga magulang mo ang birthday party mo na ito. Makisama ka naman kahit ngayong araw lang. Huwag mong ipakita sa kanila ang masama mong ugali,” pabulong na sita ni Yaya Selma. 

“Hayaan mo nga sila! Kumain na ang gustong kumain. Tapusin na natin ang pagdiriwang na ito,” giit pa ni Annika. 

Upang maiba ang mood sa naturang party ay inilabas na ng mga tagapangasiwa ang cake ni Annika. Pati na rin ang mga regalong ipinadala ng kaniyang mga magulang. Habang kinakantahan si Annika ng mga bisita ay halata dito ang pagkabugnot. 

Hinipan niya ang kandila sa kaniyang cake at saka iniabot ng mga coordinators ang kaniyang mga regalo. 

“Buksan mo ang mga regalo ng magulang mo, Annika, tapos ay ngumiti ka para lamang sa video at sa mga larawan,” saad ng isang tagapangasiwa. 

Tinabig ni Annika ang regalo ng mga magulan at saka humablot ng isang regalo na mula sa ilang bisita. Pagkatapos buksan ay umalis na agad ang dalaga. Agad naman siyang sinundan ng kaniyang yaya. 

“Annika, hindi tama ang inaasal mo. Ano ba ang problema mo at lagi ka na lamang nagkakaganito? Kung naiinis ka dahil hindi pinadala ng mommy at daddy mo ang nais mong selpon ay buksan mo muna kasi ang mga regalo mo mula sa kanila,” wika ng yaya. 

“Wala nga akon gana, yaya. Kaarawan ko naman ito kaya gagawin ko kung ano ang gusto ko!” saad naman ni Annika. 

Habang nangyayari ang lahat ng ito ay hindi na maiwasan ng mga bisita ang pag-usapan ang masamang ugali ni Annika. 

“O hindi ba, sinabi ko sa iyo na hindi man lang niya bubuksan ang regalo ng mga magulang niya. Siguro ay umaasa na bibigyan ng magarang sasakyan. Ano pa ba kasi ang hindi naibibigay sa kaniya ng mga magulang niya?” saad ni Amelia sa anak. 

Ngunit tila may iba nang nararamdaman si Melissa sa inaasal ng kaniyang pinsan. 

Maya-maya ay bigla na lamang tumayo ang isang tiyahin ni Annika upang ipahiya ang dalagita. 

“Ikaw talagang bata ka, wala kang utang na loob sa mga magulang mo! Naghihirap sila sa ibang bansa para lang ibigay ang lahat ng gusto mo pero ganito ka pa. Sinasayang mo lang ang pinaghihirapan ng mga magulang mo! Wala ka pang nararating sa buhay ay ubod ka na nang yabang!” wika ng isang tiyahin ni Annika. 

Ilang sandali pa ay nagsalita na rin ang lola ng bata. 

“Hindi ko inanak ang mommy mo para bastusin mo lang, Annika! Umayos ka dahil alam na ng lahat ang pagiging matigas ng ulo mo. Ikinahihiya ka namin dahil walang kasing sama ang ugali mo. Nagpapakahirap ang mga magulang mo sa ibang bansa pero wala man lamang pasasalamat sa puso mo?!” dagdag pa ng matanda. 

Habang nangyayari ang lahat ng ito ay pinakatititigan lang ni Melissa ang kaniyang pinsan. Dahil hindi na siya makatiis ay inawat niya ang mga matatandang kamag-anak sa pagsasalita ng masakit sa kaniyang pinsan. 

“Sandali lang po, huwag n’yo munang husgahan si Annika. Hindi naman natin alam kung ano talaga ang kwento sa likod ng lahat ng ito,” saad ni Melissa sa mga kamag-anak. 

“Pinsan, bakit ba nagkakaganito ka? Bakit laging hindi mo binubuksan ang mga regalo ng mga magulang mo? Bakit kahit na sobrang garbo ng birthday party mo taon-taon ay hindi mo man lamang magawang maging masaya?” tanong naman ng pinsan kay Annika. 

“Hindi ko naman hinihingi ang lahat ng ito. Wala akong pakialam kung gaano man kabongga ang party na kaya nilang ibigay. Isa lang naman ang pinakahihiling ko sa mga magulang ko, walang iba kung hindi makapiling ko sila sa pinakamahalagang araw sa buhay ko. ‘Yung kahit isang araw ay iparamdam talaga nila sa akin na mahalaga ako. Simula bata pa lang ako ay wala na akong hiniling kung hindi umuwi sila sa kaarawan ko ngunit kahit kailan ay hindi nila ako napagbigyan. Lagi na lang nilang dinadaan sa pera, sa regalo, sa mga mamahaling bagay. Pero hindi ang mga ito ang kailangan ko. Kailangan ko ang mga magulang ko!” hindi na napigilan pa ni Annika na umiyak. 

“Nagpapasalamat ako sa magandang buhay na ibinibigay ng mga magulang ko. Pero aanhin ko ang lahat ng ito kung hindi ko rin naman sila nakakapiling? Madali para sa inyo na husgahan ako dahil sa tingin n’yo ay swerte ako dahil sa mga materyal na bagay na mayroon ako. Pero para sa akin ay hindi ito ang tunay na kaligayahan,” dagdag pa ng dalagita. 

Lahat ay nagulat sa dahilan ni Annika. Napahiya sila sa ginawang panghuhusga sa dalagita. Ngayon ay naunawaan na ng lahat kung ano ang tanging nais ni Annika. Walang iba kung hindi makapiling ang mga magulang na matagal na niyang hindi nakakasama. 

More Stories