
Hinamak ng Babae ang Kaklaseng Nagtitinda ng Yema para Magkaroon ng Baon; Paglipas ng Panahon ay Titingalain Pala Niya Ito
Sabik nang pumasok sa eskwela si Grace, labing isang taong gulang at kasalukuyang nasa ika-anim na baitang sa elementarya. Gabi pa lamang ay inayos na niya ang kaniyang mga gamit pati na rin ang kaniyang mga ititindang yema. Masaya siya sapagkat alam niyang mauubos na naman ang kaniyang tinda kaya hindi na kailangan pa ng kaniyang ina na bigyan siya ng babaunin sa araw na iyon.
Labandera kasi ang ina ni Grace na si Aling Dolores. Mag-isa lamang na binubuhay ng ginang ang kaniyang tatlong maliliit pang mga anak dahil maagang namayapa ang kaniyang asawang si Ramil. Hirap man sa buhay ay pilit niyang itinatawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang mga anak.
Dahil ayaw nang makadagdag pa sa alalahanin ng ina ay gumawa ng paraan itong si Grace para makatulong, at ito nga ang pagtitinda niya ng yema.
Maaga siyang pumasok sa paaralan ng araw na iyon dala-dala ang kaniyang mga paninda. Papasok na siya ng silid-aralan nang sadya siyang binangga ng kaklaseng si Sanya. Natapon ang panindang yema ni Grace sa sahig.
“Tumabi ka nga! Hindi ba sinabi ko na sa’yo na huwag kang haharang sa daraanan ko? Tingnan mo at nadumihan ang damit ko ng maputik mong balat!” sambit ni Sanya kay Grace.
Hagalpakan naman ang mga kaibigang kasama ni Sanya habang pinupulot ni Grace ang mga yema.
“Huwag mong sabihin sa akin na ititinda mo pa rin ‘yang maruming yema mo? Sabagay, kaya naman ng sikmura ng ilan nating kaklase ang dumi ng paninda mo! Lumayas ka nga sa harap ko at baka mamaya ay tuluyan na akong marumihan!” pagtataray pa ni Sanya.
Nang makita ng kaibigang si Marian ang nangyari kay Grace ay agad niya itong nilapitan at saka tinulungan.
“Malaki talaga ang inggit sa iyo niyang si Sanya. Palibhasa’y kahit ano ang gawin niya ay hindi niya makuha ang unang karangalan. Pabayaan mo na siya at papansin lang talaga ‘yang si Sanya. Hayaan mo at tutulungan kitang magtinda nitong yema mo. Hindi naman ito narumihan kasi may nakabalot naman,” nakangiting wika ni Marian sa kaibigan.
Maya-maya ay napansin ni Marian na lumuluha si Grace.
“Bakit ka umiiyak, Grace? May masakit ba sa’yo? Ano pa ba ang ginawa sa iyo ng grupo ni Sanya? Gusto mo ay isumbong na natin sa ating guro?” pag-aalala pa ng kaibigan.
“Hindi na kailangan, Marian. Naiiyak lang naman ako dahil akala ko’y hindi na pwede itong mga yema. Nais ko kasing kahit paano ay makatulong kay nanay,” patuloy sa pagluha si Grace.
“Huwag ka nang umiyak. Tara na at ibenta na natin ang mga yema habang walang klase,” dagdag pa ng kaibigan.
Dahil masarap ang gawang yema ni Grace ay marami pa rin ang bumili. Dahil din dito ay mayroon na siyang pambaon hanggang bukas. Binukod niya ang kaniyang puhunan nang sa gayon ay makagawa ulit siya ng yema.
Kahit na tampulan ng tukso itong si Grace dahil sa pagbebenta ng yema at dahil sa kahirapan ng kaniyang pamilya ay hindi niya ito ininda. Nag-aral siya nang mabuti hindi lamang para makakuha ng magandang marka at magkaroon ng karangalan kung hindi dahil batid niyang ang edukasyon ang magiging susi para maiahon niya ang kaniyang pamilya sa kahirapan.
Nang araw na iyon ay lumabas na ang resulta ng grado ng mag-aaral at laging tuwa ni Grace na siya pa rin ang nangunguna sa klase.
“Paano ba ‘yan, Sanya? Kahit na itinapon mo ang mga tindang yema ni Grace ay siya pa rin ang bida. Siya pa rin ang nangunguna sa klase. Hindi mo pa rin siya nauungusan,” wika ng ilang kaklase.
“Alam n’yo sa totoo lang ay hindi ko naman talaga nais na makipagkompetensya sa kaniya. Ano ngayon kung siya ang nangunguna sa klase? Alam naman nating lahat na kahit gaano siya kagaling ay hindi na siya makakapag-aral pa ng kolehiyo dahil wala silang pera. Labandera lang ang nanay niya. Paano makakapag-aral ng kolehiyo ang isang labandera? Ni wala ngang baon araw-araw iyang si Grace!” sambit pa ni Sanya.
Nasaktan si Grace sa sinabi ni Sanya tungkol sa kaniyang ina dahilan para pumalag na siya sa unang pagkakataon.
“Matitiis ko ang lahat ng pang-aalipusta mo, pero huwag na huwag mong idadamay ang nanay ko! Marangal ang trabaho niya at itinataguyod niya kaming magkakapatid. Wala kang karapatan para pagsabihan siya ng ganiyan!” galit na wika ni Grace.
“Bakit kasi hindi mo na lang tanggapin, Grace? Alam mo naman sa sarili mo na darating ang panahon na hihinto ka ng pag-aaral. Pupusta ako na pagdating ng araw ay magkikita tayong muli at tulad ka rin ng nanay mo na isang labandera!” wika pa ng kaklase.
Hindi na nakasagot pa si Grace dahil ayaw niya ng away. Ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang kaniyang ina. Ngunit may parte sa kaniyang isip na nakakaramdam ng takot dahil hindi malayong mangyari na hindi siya makapagkolehiyo dahil sa kanilang kahirapan.
Ngunit hindi tumigil sa pagsusumikap itong si Grace.
Labing limang taon ang nakalipas wala nang balita si Sanya sa dating kaklaseng si Grace. Nakapagtapos na ng pag-aaral itong si Sanya at kasalukuyang nagtatrabaho bilang head nurse sa isang pribadong ospital.
Isang araw, pagpasok niya sa pinagtatrabahuhang ospital ay napansin niyang walang patid sa pag-uusap ang mga nars.
“A-anong kaguluhan ito? Bakit hindi kayo nagtatrabaho? Tapos na ba ang duty n’yo?” pagtataray ni Sanya sa mga kapwa nars.
“Mayroon kasing memo na dumating sa atin. Kailangan daw nating paghandaan dahil may darating na doktor na mag-oobserba sa atin. Galing daw sa ibang bansa ‘yung doktor na ‘yun at talagang magaling. Saka bata pa raw,” wika pa ng isang nars.
“O ano pa ang ginagawa n’yo riyan? Bakit nagdadaldalan pa kayo? Maghanda na kayo! Pinapasakit n’yo ang ulo ko!” dagdag pa ni Sanya.
Habang nag-aayos itong si Sanya ay may isang babae na lumapit sa kaniya.
“Nurse, excuse me, magtatanong lang sa na ako kung saan ang office ni Dr. Mendoza. ‘Yung presidente ng ospital na ito,” magalang na sambit ng isang dalaga.
Pagtingin ni Sanya ay namukhaan niya ang nagtatanong na babae.
“Grace, ikaw ba ‘yan?” tanong ni Sanya.
“Ano naman ang kailangan ng isang tulad mo sa presidente ng ospital na ito? Mayroon ka bang appointment sa kaniya? Kasi kung mayro’n ay hindi ka na magtatanong dito, ano? Siguro ay narito ka para humingi ng diskwento sa bill n’yo dito sa ospital,” wika pa ni Sanya.
Nais magpaliwanag ni Grace ngunit hindi siya makasingit sa pagtuloy na pagsasalita nitong si Sanya.
“Kumusta ka na ba, Grace? Hindi ko akalain na dito pa tayo magkikita. Nakatapos ka ba ng pag-aaral? Sa tingin ko naman ay kahit paano’y nakapag-aral ka. Ang laki na ng pinagbago mo, e. Pero tiyak kong hindi kasing tayog ng naabot ko. Ako nga lang naman ang pinakabatang head nurse sa eksklusibong ospital na ito. Tanging magagaling lang ang kinukuha nila rito. Hindi ko akalain na kaya mong magpaospital dito!” panghahamak pa ng dalaga.
Maya-maya ay bigla na lamang dumating ang ilang doktor upang asistehin itong si Grace.
“Dr. Grace Soriano? Ikinagagalak po namin ang pagpunta n’yo rito. Isang malaking karangalan sa amin na kayo mismo ang tumingin ng mga pasilidad ng aming ospital. Kung mamarapatin po ninyo ay sasamahan ko na po kayo sa tanggapan ni Dr. Mendoza,” wika ng pinakapinuno ng mga doktor sa ospital na iyon.
“Sige, susunod na ako. Nais ko lang kumustahin ang dati kong kaklase. Dito pala siya nagtatrabaho bilang isang head nurse. Hindi ko akalain kasi na dito ko siya muling makikita,” saad naman ni Grace.
Labis ang pagkagulat ni Sanya nang malaman na ang tanyag at mahusay na doktor na kanilang hinihintay ay walang iba kung hindi si Grace.
“Hindi kita masisisi dahil hindi kasi ako nakauniporme kaya hindi mo nalaman na isa na akong doktor. Masaya akong nakita kita ulit, Sanya. Alam mo, tama ka, hindi naging madali para sa nanay kong isang labandera na magpaaral ng isang anak sa kolehiyo. Pero nagsumikap ako at hindi ako bumitaw sa aking mga pangarap. Nang matapos ako ng hayskul ay nag-apply ako ng iskolarship sa ibang bansa. Pinalad naman akong makapasa. Pinagsabay ko ang pagtatrabaho sa unibersidad at ang pag-aaral. Hindi naging madali ngunit heto na ako ngayon, isang ganap na doktor. At hindi lang basta isang doktor, isang mahusay at tinitingalang doktor. Narito lang ako dahil nais kong mamahagi ng aking mga pinag-aralan sa ibang bansa. Pagkatapos ay babalik akong muli sa Amerika upang ipagpatuloy ang aking propesyon. ‘Yung labanderang nanay ko, naroon na rin sa Amerika kasama ang aking mga kapatid. Maraming salamat sa mga tulad mong nanghamak sa akin sapagkat dahil sa inyo ay lalo akong tumatag at nagsumikap,” pahayag ni Grace sa dating kaklase.
Halos hindi na alam ni Sanya ang gagawin sa labis napagkapahiya. Hindi niya kasi akalain na malayo na pala ang narating ng dating hinahamak na kaklase. Tumalikod si Grace na may malaking ngiti sa kaniyang mukha dahil sa wakas ay naiganti na rin niya ang kaniyang ina sa pangmamaliit noon ni Sanya.
Sadyang hindi natin alam ang takbo ng mundo kaya hindi tayo dapat manghusga ng kapwa. Isang patunay ang kwento ni Grace na walang pangarap na imposibleng makamtan kung ito’y iyong pagsusumikapan.