
Iniwan ng Ina ang Kaniyang mga Anak sa Poder ng Kanilang Lola; Iyon pa Pala ang Maghahatid ng Ginhawa sa mga Bata
Halos manlumo ang matandang si Aling Nenita matapos mabasa ang sulat ng kaniyang anak. Sabi roon ay ipinauubaya na raw nito ang dalawa nitong anak sa kaniyang pag-aalaga. Sawa na raw ito sa pag-aalaga sa dalawang anak nitong parehong ipinanganak na may kapansanang panghabambuhay. Wala na ang mga gamit nito sa kaniyang aparador… talagang umalis na ito.
Nilingon ni Aling Nenita ang mga apong mahimbing pang natutulog nang sandaling ito dahil alas kwatro pa lamang naman ng madaling araw. Tumulo ang kaniyang luha habang pinagmamasdan ang kanilang inosenteng mga mukha at ang mga mata nilang kailan man ay hindi maisisilayan ang ganda ng mundo dahil permanente nilang hindi maimumulat ang kanilang mga mata, habambuhay.
Matanda na si Aling Nenita. Paralisado na rin ang halos kalahati ng kaniyang katawan. Hindi niya alam kung papaano niya bubuhayin ang kaniyang mga apo ngayong siya na lamang nag-iisa ang nag-aalaga sa mga ito.
Isang linggo ang lumipas at tanging sa pagtitinda lamang ng samalamig niya binubuhay ang kaniyang mga apo. Halos isang kahig at isang tuka sila sa loob ng isang linggong iyon at puro na lamang pagdidildil ng asin ang kanilang ipinanglalamang-tiyan.
Hanggang isang araw, isang grupo ng mga reporter ang naparaan sa kanilang lugar habang papunta ang mga ito sa nagaganap na sunog sa isang mall na malapit sa lugar na tinitirhan nina Aling Nenita.
Bumaba ang isang lalaking may hawak na camera sa sinasakyang van ng mga ito at lumapit sa kanilang tindahan.
“Pabili nga po ng gulaman, ale,” anito sa kaniya. Agad namang tumayo si Aling Nenita sa kaniyang kinauupuan upang ipagsandok ito.
“Paralisado po kayo?” tila naaawang tanong naman ng naturang lalaki. Payak namang tumango lamang si Aling Nenita bilang tugon.
“E, bakit nagtatrabaho pa kayo? Dapat po, nagpapahinga na lang kayo, e,” tila nabibiglang sagot naman ng lalaki.
“Naku, hijo, hindi p’wede. Nilayasan nga ako ng anak ko at iniwan sa akin ang mga anak niyang may permanenteng kapansanan sa mga mata. Hindi sila makakakita kaya hindi nila kakayanin kapag hindi ko sila inasikaso,” malungkot na paliwanag naman ni Aling Nenita sa lalaki.
“Ho? Bakit ho? Naku, nakakaawa pala kayo, Aling…?” Saglit itong huminto at hinintay na sabihin ni Aling Nenita ang kaniyang pangalan.
“Nenita… ako si Nenita Flores,” saad niya.
“Aling Nenita, p’wede ko ba kayong kuhanan ng litrato kasama ang mga apo n’yo? Sigurado akong maraming mag-aabot ng tulong sa inyo kapag nai-post ko ito sa social media,” anang lalaki. Dahil doon ay desperadong tumango si Aling Nenita. Agad naman silang kinuhanan ng litrato.
Kaunting tipa, isang click at agad na nai-post ang kanilang litrato. Hindi akalain ni Aling Nenita na ang lalaking nakausap pala niya ay isang bago pa lamang nakikilalang reporter. Dahil doon ay mabilis na kumalat ang kanilang sitwasyon.
“Aling Nenita! Aling Nenita!”
Humahangos na katok ng reporter na si Harold sa barung-barong na tinitirhan nina Aling Nenita at ng kaniyang mga apo.
“Oh, hijo, bakit tila yata’t humahangos ka?” takang tanong naman ng matandang paralisado pagkabukas pa lamang nito sa trapal na nagsisilbing pintuan ng kanilang kubo.
“Aling Nenita, siguradong matutuwa kayo sa ibabalita ko…” Kinuha ng lalaki ang kaniyang telepono sa bulsa. “Nag-viral ho ang kwento ng buhay n’yo na kalakip ng litratong ipinaskil ko sa social media! Dahil ho roon, maraming gustong magpaabot ng tulong sa inyo! At naalala n’yo ho ba ’yong bank account na inasikaso natin nang ilang araw? Ngayon ho, Aling Nenita, halos dagsain ’yon ng napakaraming tulong mula sa mga taong naantig sa inyong kwento!”
Nasapo ni Aling Nenita ang kaniyang bibig sa sobrang gulat. Agad ding nag-ulap ang kaniyang mga mata! Nang marinig ng mga bata ang ibinalitang iyon ni Harold ay nagpapalakpak ang mga ito at paulit-ulit na nagsambit ng pasasalamat sa anghel na ipinadala ng langit upang sila ay matulungan!
May mga taong gustong ipaayos ang kanilang tahanan, tutal naman at ang kapirasong lupang kinatitirikan niyon ay pagmamay-ari ng yumaong asawa ni Aling Nenita. Agad na sinimulan ang pagpapaganda at pagpapatibay niyon upang mas maging ligtas itong tirahan.
Nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral ang dalawang bata. Dahil din sa mga tulong na dumating sa kanila ay nakaipon sila ng pangkapital upang makapagtayo ng kahit na maliit lang na tindahan na maaari nilang pagkuhanan ng pangkain sa araw-araw.
Hindi inaasahan ni Aling Nenita at ng dalawa niyang apo na ang pang-iiwan pa pala sa kanila ng ina ng mga ito ang magiging daan upang makamit nila ang kaginhawaan, kahit papaano.