Inday TrendingInday Trending
Sinubukan ng Ginang ang Dalawang Batang Inampon Niya Noon at Inalagaan; Sino kaya sa mga Ito ang Kaniyang Maaasahan Kapag Siya ay Nangailangan?

Sinubukan ng Ginang ang Dalawang Batang Inampon Niya Noon at Inalagaan; Sino kaya sa mga Ito ang Kaniyang Maaasahan Kapag Siya ay Nangailangan?

Matamang pinagmasdan ng ginang ang kaniyang sarili sa malaking salamin, sa loob ng kaniyang kwarto. Hinagod niya ang sariling kasuotan at napangiti nang mapagtantong ngayon na lamang ulit siya nakapagsuot ng ganoon kapayak na mga damit, lalo’t kinakailangan niyang palaging maging presentable sa harap ng mga nakakakilala sa kaniya.

Si Doniya Minerva Salvacion ay mula sa pamilya ng mayayamang mga negosyante. Ngunit kung inaakala ng lahat na masaya ang buhay niya dahil namuhay siya na lahat ng layaw na gustuhin niya ay nagkakamali sila.

Tumanda na lamang si Doniya Minerva na halos lahat yata ng mga taong nakapaligid sa kaniya, ang habol lamang ay pera. Ni hindi siya nagkaroon kahit ng mga tunay na kaibigang hindi aabusuhin ang kaniyang katayuan sa buhay, at iyon din ang dahilan kung bakit siya ay hindi na rin nag-asawa pa.

Upang ibsan ang lungkot ay ibinuhos ni Doniya Minerva ang lahat ng atensyon sa pagpapalaki noon ng dalawang batang lalaking inampon niya. Anak ito ng kaniyang mga katulong na pawang hindi kayang buhayin ang kanilang mga sarili’t mga anak dahil parehong iniwan ng mga lalaking nakabuntis sa kanila. Magkaibang panahon, ngunit pareho ng sitwasyon.

Ngayon ay malalaki na ang mga batang iyon. Pareho nang nakapagtapos ng kolehiyo at pareho na ring may kani-kaniyang landas na tinatahak sa buhay. Minsan na nga lang kung sila ay magkita-kita’t magkaharap kaya naman talagang nasasabik na siya sa mga itinuring na sariling anak.

“Hello, ’ma?” Sinagot ng kaniyang panganay na si Paul ang kaniyang tawag.

“Anak…”

“May problema ka ba, ’ma?”

“Anak, lugi na ang aking kompanya. Wala na rin ang lahat ng ari-arian ko. Ang tanging natira na lamang sa akin ay ang bahay.”

Ilang sandaling katahimikan ang biglang namayani sa pagitan nila ng kaniyang anak na si Paul. Maliit pa lamang ang mga ito ay ipinapangako na niya na sa dalawa mapupunta ang lahat ng kaniyang ari-arian at tila ba ngayon ay dismayado si Paul sa nalaman. Nauna nang tawagin ng doniya ang bunsong si Eric at ganoon din ang naging reaksyon nito.

“’Ma, I’ll call you later, may patient lang ako,” biglang pagpapaalam ni Paul. Isa kasi itong doktor habang si Eric naman ay isang arkitekto.

Matapos ibaba nito ang tawag ay talagang nakaramdam ng lungkot si Doniya Minerva. Muukhang wala siyang aasahan sa kaniyang mga anak. Mukhang kailangan niyang magtiis na maging mag-isa hangga’t siya ay nabubuhay pa.

Pasalampak na humiga ang donya sa kaniyang malambot na kama. Ipinikit niya ang mga mata habang dinaramdam ang pagkadurog ng kaniyang puso dahil sa naging asal ng kaniyang mga anak.

Matagal nang nasa ganoon posisyon ang doniya nang siya ay makarinig ng magkasunod na pagdating ng mga sasakyan sa bakuran ng kaniyang tahanan. Agad na nagtaka ang donya dahil wala naman siyang inaasahang bisita ngayon.

Tumayo siya sa kaniyang kama at sumilip sa bintana ng kaniyang kwarto, at gan’on na lang ang gulat niya nang makita niya ang sasakyan nina Paul at Eric!

“Mama? Nandito na kami!”

“Ayos ka lang po ba, ’ma?”

Halos magtatalon sa sobrang tuwa ang kaniyang puso nang makita ang mukha ng dalawang anak. Alam niyang parehong abala ang mga ito ngunit mas pinili nilang iwan ang kanilang mga trabaho para sa kaniya.

“Nag-aalala kami sa ’yo, ’ma. Alam namin kung gaano kahalaga sa inyo ang kompanya kaya sumugod kami kaagad ni Eric dito. Huwag kang mag-alala, ’ma. Kami ang bahala sa ’yo. Hindi ka namin pababayaan,” makabagbag damdaming ani Paul kay Doniya Minerva habang hawak nito ang kaniyang kamay.

“Oo nga po, mama. Oras na para gantihan namin ang kabutihan mo sa amin ni Kuya Paul. Mahal ka namin, ’ma. Kahit mawala na ang lahat ng yaman mo, hinding-hindi kami mawawala ni kuya sa ’yo,” saad naman ni Eric na noon ay nakayakap sa kaniyang baywang.

Halos maluha ang matanda sa narinig na mga tinuran ng kaniyang mga anak. Nagkamali siya nang akalain niyang pawang wala nang pakialam ang mga ito sa kaniya. Siguro’y dala na rin ng katandaan kung kaya’t ganito siya maging kaemosyonal.

“Ang totoo, hindi naman talaga nalugi ang kompanya. Sinabi ko lang ’yon para may dahilan akong tawagan kayo dahil pareho na kayong abala. Nahihiya akong humingi ng oras n’yo, mga anak, kaya gumawa na lang ako ng idadahilan.”

Pawang mga nalukot ang ekspresyon ng dalawa nang umamin ang matanda… ngunit agad din iyong napawi nang pareho silang tumawa.

“Mama naman! Tawagan n’yo lang kami kapag kailangan n’yo ng lambing namin at darating kami agad. Nag-alala po kami sa inyo,” sabi pa ng mga ito kaya’t natawa na rin ang donya. Masaya siya dahil tunay ngang hindi siya nagkamali sa pag-aaruga sa dalawang binatang ito.

Advertisement