
Wala Raw Kasing Kuripot ang Panganay na Anak ng Ginang; Bandang Huli’y Magpapasalamat pa Sila Rito
“Myrna, kay aga-aga, bakit nakasimangot ka riyan? Ano na naman ba ang problema?” tanong ni Ador sa kaniyang misis.
“Hindi ba malapit na ang kaarawan ko? Kinakantiyawan ako ng mga kumare ko na maghanda raw ako at magsisipuntahan sila rito,” tugon naman ng ginang.
“Ano naman ang problema kung magpupuntahan sila dito? Siyempre, nais ka nilang makasama sa kaarawan mo. Kahit masikip ay malinis naman itong bahay at iilan lang naman kayo kaya p’wede mo naman silang patuluyin dito,” saad pa ni Ador.
“Ang problema ko nga, Ador, ay ‘yung ihahanda ko sa kaarawan ko. Alam mo naman ang anak mong si Bridget, hindi mo mahihingan ng sobra sa budget. Nahihiya ako kung konti lang ang ihahanda ko. ‘Yung isang kaibigan ko kasi ay kumuha pa talaga ng catering noong kaarawan n’ya. Gano’n din sana ang gusto ko para kahit paano naman ay walang masabi ang mga kumare ko,” pahayag pa ni Aida sa kaniyang asawa.
Kilala kasi nila Aida at Ador ang ugali ng anak nilang si Bridget. Noon pa man ay mahigpit na ito sa pera. Kapag may nais na bilhin ang kaniyang mga magulang ay kailangan pa nitong pag-isipan nang matindi. Kung hindi naman kabilang sa kanilang pangunahing pangangailangan ay hindi ito magbibigay.
Kaya gano’n na lamang ang pag-iisip ni Aida sa ihahanda niya sa darating niyang kaarawan. Alam kasi niyang kapag si Bridget ang maghahanda ay sapat lamang ito. Ngunit dahil wala rin namang pagkukuhaan ng pera ay minabuti na lamang ni Aida na maglambing sa dalaga.
“Baka naman kaya mo rin akong bigyan ng malaking birthday party, anak. Ito lang naman ang tanging hihilingin ko sa iyo,” saad ni Aida kay Bridget.
“Ilan po ba ang mga kumare n’yo, ‘nay? Hindi pa po ba sapat ang binigay ko sa inyong pera para sa panghanda n’yo?” pagtataka naman ng anak.
“Kasi nahihiya ako kung tatlong putahe lang ang ihahanda ko. Baka mamaya ay may masabi sila sa akin. Ihahambing na naman nila ako sa isa naming kumare na kakatapos lang ng kaarawan at bongga ang naging selebrasyon,” saad pa ng ginang.
“Hayaan n’yo po ang mga kumare n’yo, ‘nay, na may masabi sa inyo. Kung ganiyan lang din pala sila ay hindi po sila tunay na kaibigan. Dahil kung tunay po silang mga kaibigan ay malugod po nilang matatanggap kung ano ang ihahain n’yo. Pasensiya na po kayo at iyan lang talaga ang kaya kong ibigay. Sa katunayan nga po ay pinasobrahan ko pa ‘yan,” pahayag naman ni Bridget.
“Kahit kailan talaga ay hindi ako makapaglambing sa iyo. Minsan lang naman ang kaarawan ko at ito lang naman ang hinihingi ko sa iyo ay hindi mo pa mapagbigyan. Mabuti pa ang anak ng ilan kong kumare, basta para sa mga magulang nila ay bigay agad. Samantalang kapag sa iyo ay kailangan ko pa laging magmakaawa!” pagtatampo naman ng ina.
“Pasensiya na kayo, ‘nay, at hindi ako tulad ng mga anak ng kumare n’yo,” tanging nasambit lamang ni Bridget sa ina.
Lalong ikinainis ito ni Aida. Upang gumaan ang kaniyang sama ng loob ay agad niya itong kinuwento sa kaniyang asawa.
“Humihingi lang ako ng ekstra, ang sagot pa sa akin ay sobra pa nga raw ang ibinigay niya? Maganda naman ang trabaho niya at malaki ang kita. Bakit kahit kaunti ay hindi siya makapagbigay? Hindi naman siya makakatungtong sa kinalalagyan niya kung hindi natin siya pinag-aral,” paglalahad ni Aida ng kaniyang pagkainis sa anak.
“Hayaan mo na ang anak mo, Aida. Kailangan mong unawain ang sitwasyon. Saka tama naman ang anak mo. Hindi naman nasusukat sa handa ang pagkakaibigan n’yo. Magpasalamat ka na sa kung ano ang kayang ibigay ng anak natin dahil kung tutuusin ay hindi naman niya responsibilidad na buhayin tayo. Responsibilidad natin iyon sa kaniya,” paliwanag naman ni Ador.
“Kahit na, parang wala siyang utang na loob! Ang hirap talaga kapag wala kang sariling pera. Dapat talaga noon ay nag-ipon tayo para sa kinabukasan natin. Ang hirap nang nakaasa tayo sa isang makunat na tao!” inis pa ni Aling Aida.
Mula noon ay naging malamig na ang pakikitungo ni Aida sa kaniyang anak. Kahit na kinakausap siya ng dalaga ay hindi niya ito pinapansin. Madalas pa kung paringgan niya ang anak tungkol sa mga buhay ng anak ng kaniyang kumare.
“Mabuti pa ang anak ni Kumareng Ditas, handang mangutang ang mga anak niya maipaghanda lamang siya sa ika-anim na pung kaarawan niya. Minsan lang nga naman kasi iyon sa buhay ng isang tao. Maraming hindi umaabot sa gano’ng edad,” malakas na wika ni Aida.
Batid ni Bridget na siya ang pinariringgan ng ina. Ngunit nanahimik na lamang siya na tila wala siyang narinig. Lalo itong ikinainis ni Aida.
“Tingnan mo ‘yang anak mo, Ador, ni hindi man lang makaramdam, ano? Basta tungkol sa pera ay napakatigas ng puso! Akala naman niya ay madadala niya ang yaman niya sa kabilang buhay! Tapos ay kapag wala na tayo saka siya iiyak at saka siya manghihinayang!” wika pa ng ginang sa kaniyang mister.
“Tigilan mo nga ang mga sinasabi mo, Aida. Huwag mong pasakitan ang anak mo dahil ginagawa naman niya ang lahat para buhayin tayo. Hindi ka lang napagbigyan ay ganiyan ka nang makapagsalita. Tandaan mong anak mo ang pinagsasabihan mo ng masasama at sa atin siya nanggaling. Kung ano man ang sama ng kaniyang ugali ay marahil tayo ang may pagkukulang,” wika naman ni Ador.
“Wala sa pamilya namin ang makunat! Baka sa lahi n’yo! Grabe ‘yang si Bridget, sobrang kuripot!” inis pang sambit ni Aida.
Dumating na ang kaarawan ni Aida. Ginamit niya ang perang ibinigay sa kaniya ni Bridget upang magluto ng kaniyang ihahanda. Nakapagluto siya ng tatlong putahe bukod sa cake at panghimagas. Masayang nagdatingan at nagsikainan ang kaniyang mga bisita.
“Pasensiya na kayo sa handa ko, mga mare. Alam n’yo naman ang hirap kapag wala kang sariling pinagkakakitaan. Umaasa lang ako sa kung ano ang ibibigay ng anak ko. Tapos ‘yung anak ko pa ay ubod nang kuripot,” saad naman ni Aida.
“Ano ka ba, mare. Ayos lang naman sa amin. Ang importante ay magkakasama tayo!” saad ng isang kumare.
“Siya nga pala, ano ang regalo sa iyo ng anak mo bukod sa handa mo?” tanong naman ng isang ale.
“Hindi ko alam. Baka wala na kasi masama ang loob no’n sa akin. O baka wala talaga dahil ito na ngang inihanda ko ang regalo niya,” tugon naman ng ni Aida.
Ilang sandali pa ay nariyan na si Bridget hawak ang isang brown envelope.
“‘Nay, pagpasensyahan n’yo na po ang nakayanan ko. Ito po ang regalo ko para sa kaarawan n’yo,” saad pa ni Bridget.
Sa isip ni Aida ay isang kard lamang ang laman ng brown envelope. Pero laking gulat niya nang buksan niya ito.
“A-anong ibig sabihin nito, anak? Titulo ito saan?” pagtataka ni Aida.
“Iyan po ang dahilan kung bakit labis po akong nag-iipon. Nais ko po kasing makalipat na tayo sa mas malaking bahay. Bumili po ako ng bahay at lupa at anumang oras ay maaari na tayong lumipat, ‘nay. Saka pinagbuksan ko rin kayo ni tatay ng account sa banko. May mga naipon po akong pera para po sa oras ng pangangailangan ay may mahuhugot po tayo. Sana po ay maunawaan n’yo kung bakit ako nagkukuripot. Nais ko lang naman pong bigyan kayo ng mas maayos na buhay,” paliwanag ni Bridget sa ina.
Labis na naluha si Aida sa regalo ng anak. Lubos din ang kaniyang pagsisisi sa lahat ng masasakit na sinabi niya patungkol dito. Ngayon ay naunawaan na niya si Bridget at kung bakit wais ito pagdating sa pera.
“Patawarin mo ako, anak. Tama ang tatay mo, bilang magulang mo ay dapat mas inuunawa ka namin. Alam kong hindi ko na mababawi ang lahat ng sinabi ko kaya nais kong humingi ng kapatawaran. Sobra-sobra ang lahat ng ito, anak. Maraming salamat,” lumuluhang sambit ni Aida.
Isang mahigpit na yakap ang pumawi ng samaan ng loob ng mag-ina. Napayakap na rin si Mang Ador at labis din ang pasasalamat niya sa pagiging responsable ng kaniyang anak. Mula noon ay mas naunawaan na ni Aida ang ugali ni Bridget dahil ang tanging nais lamang nito ay isang magandang buhay para sa kanilang pamilya.

Tinatawanan ng Isang Grupo ang Binatang Nagtitinda ng Turon; Paglipas ng Panahon ay nasa Kaniya pala ang Matamis na Halakhak
