
Hinusgahan ng Ginang na Bagong Lipat ang Matandang Kapitbahay; Labis na Kahihiyan ang Kaniyang Aabutin nang Malaman Niya ang Katotohanan sa Pagkatao Nito
“Nakakatuwa naman dito sa lugar kung saan kayo nakabili ng bahay, ate. Lahat ng bahay ay magaganda at halatang mayaman ang komunidad n’yo,” saad ni Becca sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Dolor.
“Oo nga, kaya pinag sumikapan talaga naming mabili ang bahay at lupa na ito. Perpekto na sana ang lugar na ito kung hindi lang dahil d’yan sa matandang babae na nakatira sa tabi ng bahay na ito. Nasilip mo ba ang bahay niya? Sobrang luma na. Natatakot nga ako baka mamaya ay kung anong mga hayop na ang naninirahan sa loob no’n,” tugon naman ng ginang.
Pilit na sinilip naman ni Becca ang bahay ng matandang kapitbahay. Nagulat siya nang biglang nahuli niyang nakatingin ito sa kaniya mula sa bintana ng lumang bahay nito.
“Hala, ate! Nakita ata ako ng matandang kapitbahay mo. Nakakatakot at nanlilisik ang mga mata niya. Hindi kaya may lahing mangkukulam ‘yun? Huwag kang magsasalita ng kahit anong masama sa kaniya baka mamaya ay kulamin ka niya, hindi mo rin alam!” pag-aalala naman ng nakababatang kapatid.
“Ano ka ba naman, Becca, nandito tayo sa Maynila. Hindi uso dito ang mga kulam at usog hindi katulad sa atin sa probinsiya. Pero talagang hindi maganda ang kutob ko riyan sa matandang ‘yan,” saad muli ni Dolor.
“Hindi kaya siya ang dahilan kung bakit ibinenta itong bahay sa inyo? Hala ka, ate. Baka mamaya nga ay may kapitbahay kang may sa maligno,” kantiyaw pa ni Becca.
Hindi naman naniniwala si Dolor sa mga sinasabi ng kapatid. Ang mas kinaiinisan niya ay masakit sa mata ang lumang bahay ng matanda. Kaya kinausap niya ang kaniyang asawa.
“Wala bang pamilya ‘yung matandang nasa tabi natin? Hindi ba p’wedeng kahit paano ay bakuran ang bahay niya? Lumang luma na ang bahay niya at madalas ko pa siyang makitang magluto gamit ang kahoy at apoy. Baka mamaya ay matupok ang bahay niya at madamay pa tayo. Saka noong isang araw ay may nakita akong daga sa likod bahay, sa tingin ko talaga ay galing iyon sa bahay ng matandang ‘yan!” saad pa ni Dolor sa asawa.
“Hayaan mo at kakausapin ko ang namamahala dito sa komunidad natin nang sa gayon ay sila na ang kumausap diyan sa matanda. Ayaw ko rin naman kasi magkaroon ng kaalitan dito saka baka sumama pa ang loob niya, matanda na siya,” pahayag ng asawa ni Dolor.
Paminsan-minsan ay hindi maiwasan ni Dolor ang sumilip sa bakuran ng matandang kapitbahay.
Isang araw ay nakita na naman niya ang matandang kapitbahay na nagpaparikit ng uling para sa gagawing pagluluto. Agad siyang nilapitan ni Dolor upang sitahin.
“Mawalang galang na po sa inyo, ako po si Dolor, ‘yung bagong lipat po dito sa magandang bahay. Napansin ko lang po na lagi kayong nagluluto gamit ang kahoy. Mausok po kasi at saka po delikado,” saad ni Dolor sa matanda.
“Pasensya na kayo kung mausok. Ito na kasi ang nakasanayan kong paraan sa pagluluto. Ako nga pala si Remy at kinagagalak kitang makilala,” wika naman ng matanda.
“Kahit na po iyan ang paraan n’yo ng pagluluto ay kailangan n’yo pong mag-adjust. Mausok po ang ginagawa niyong pagluluto gamit ang kahoy. Mahiya naman po kayo sa naiistorbo ninyong kapitbahay. Saka isa pa, baka mamaya ay pagmulan ng sunog ‘yan! Ayos lang sana kung ang bahay n’yo lang ang masusunog, paano naman kung madamay pa ‘yung bahay namin?” muling sita pa ni Dolor.
Panay hingi ng pasensya ng matanda. Ngunit labis pa rin ang inis ni Dolor. Hanggang sa isang kapitbahay na ang lumapit sa kanila.
“Ano po ba ang nangyayari dito? Hindi po ba kayo ang bagong lipat d’yan sa malaking bahay? Bakit n’yo po pinagsasalitaan nang ganiyan si Aling Remy?’ sunud-sunod na tanong ng kapitbahay na si Pilar.
“Nakakaperwisyo ang ginagawa niyang pagluluto. Hindi ba niya kayang bumili ng sarili niyang kalan? Pinapaalala ko lang sa kaniya na mayroon silang kapitbahay na naaabala dahil sa usok! Saka baka mamaya ay magkasunog pa at madamay kami. Tapos sa tanda ng bahay niya ay halata namang inaanay na ito. Baka nga mamaya ay may mga daga pa riyan. Nakakatakot at baka mamaya ay kakabili lang namin ng bahay tapos ay masira lang din dahil lang sa bahay niya! Wala bang anak ang matandang iyan nang sa gayon ay makausap ko dahil sa perwisyong dala nila?” galit na sambit ni Dolor sa ginang.
Napailing na lamang si Pilar dahil sa sama ng ugali nitong si Dolor.
“Nauunawaan ko ang nais mong sabihin, ginang. Ngunit hindi tama na pagsalitaan mo nang ganiyan ang matanda dahil hindi mo naman siya lubusang kilala. Luma man ang bahay niya ay tinitiyak naman niyang malinis ito. Saka kaya nga diyan siya sa labas nagluluto ay dahil alam niyang delikado. Sa tagal niyang ginagawa ‘yan ay wala pa namang nagreklamo sa kaniya. Hindi naman gano’n kalakas ang usok na nanggagaling sa kaniyang lutuan,” pagtatanggol ni Pilar.
“Isa pa, malaki ang kailangan mong ipagpasalamat sa kaniya. Kung hindi dahil d’yan kay Aling Remy ay hindi gaganda ang komunidad na ito. Noon ay hindi patag ang daan dito sa atin. Walang ilaw ang mga poste. Kabi-kabila ang mga nakawan dito. Kahit na i-report namin sa kinauukulan ay wala silang ginagawa. Kaya siya na lang ang kumilos. Lahat ng pera na nakuha niya sa kaniyang pagreretiro ay ginamit niya upang ipang pagawa ng kalsada at upang mapailawan ang lugar na ito. Simula noon ay nagsumikap ang lahat ng mga taga-rito upang mapanatili ang ganda ng lugar na ito. Mas pinili ng matandang iyan na mabuhay sa hirap para lamang sa nakararami. Kaya kung aapihin mo ang matandang iyan ay hindi namin pahihintulutan!” dagdag pa ng ginang.
Napahiya si Dolor sa lahat ng tinuran ng kapitbahay. Hindi niya akalain na ganito pala kalaki ang nagawa ng matanda. Tila sampal sa kaniyang mukha ang lahat ng sakripisyo na ginawa ni Aling Remy.
“Patawarin n’yo ako sa lahat ng masasamang nasabi ko. Hindi ko po akalain na napakalaki pala ng nagawa n’yo para sa lugar na ito. Kahit kailan ay hindi ko kayang gawin ang ginawa n’yo,” paghingi ni Dolor ng paumanhin.
“Ayos lang. Nauunawaan kita. Sa katunayan ay hindi naman ako nagsisisi sa aking ginawa. Wala din naman akong pamilya kaya mabuti pang ilaan ko na lang sa mabuti ang pera ko,” wika ni Aling Remy.
Napalitan ng paghanga ang inis na nararamdaman ni Dolor kay Aling Remy. Mula noon ay mas naunawaan na ng ginang ang matanda. Naging maayos na rin ang pakikitungo ni Dolor dito. Sa katunayan nga ay madalas na niya itong bigyan ng kaniyang mga nilulutong pagkain.
Naging aral kay Dolor ang panghuhusgang kaniyang ginawa kay Aling Remy. At simula noon ay hindi na niya nagsalita pa ng masama laban sa kaniyang kapwa.
Palagi pa ring tinatanaw ni Dolor ang kapitbahay na si Aling Remy mula sa kaniyang bintana ngunit ngayon ay napalitan na ng labis na paghanga ang kaniyang nararamdaman sa matanda.