Inday TrendingInday Trending
Walang Patid sa Pagtaya sa Lotto ng Napanaginipang mga Numero ang Ginoo; Ito pala ang Magiging Susi sa Yaman na Kaniyang Inaasam

Walang Patid sa Pagtaya sa Lotto ng Napanaginipang mga Numero ang Ginoo; Ito pala ang Magiging Susi sa Yaman na Kaniyang Inaasam

“Abner, kulang na naman ang panggastos natin para sa linggong ito. Darating pa ang mga bill ng kuryente at tubig. Pinuntahan na rin ako ni Ka Esther para singilin sa renta sa bahay. Saan ako kukuha ng lahat ng ipambabayad diyan kung kulang naman ang inuuwi mong pera?!” sigaw ni Mila sa mister na abala sa pagsusulat sa ticket ng lotto.

“Abner! Kanina pa ako talak nang talak sa iyo rito pero parang hindi ka naman nakikinig! Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko? Malapit na tayong palayasin sa bahay na ito pero parang wala lang sa iyo! Tigilan mo nga muna ang ginagawa mo at kausapin mo ako!” naiinis pang sigaw ng ginang.

“Ito naman, nagsusulat lang ako sa mga ticket. Hinahanda ko lang ang tatayaan kong numero sa lotto. Kapag nanalo ako rito ay hindi mo na kailangan pang mamroblema sa pera. Lahat ng problema natin sa pera ay matatapos din. Hindi na natin kailangan pang magrenta dahil bibilihan kita ng napakalaking bahay!” saad naman ni Abner.

“Ayan! Diyan ka magaling! Inaasa mo na lang ang buhay natin sa pagtaya mo sa lotto. Hanggang ngayon ba ay naniniwala ka pa ring mananalo ang alaga mong numero? Dalawampung taon na, Abner! Dalawampung taon mo na ring sinasabi sa akin ang bahay na iyan. Tumanda na tayo pero hanggang ngayon ay sorbertero ka pa rin. Hanggang ngayon ay hikahos pa rin tayo sa buhay!” bulyaw muli ni Mila.

“Ano ba ang gusto mong gawin ko, Mila? Ginagawa ko naman ang lahat upang kumita ako nang malaki. Anong magagawa ko at talagang bagyuhan. Hindi naman ako p’wedeng lumabas at magtinda ng sorbetes. Pumunta din naman ako sa ilang kaibigan ko para tingnan kung may makukuha akong pansamantalang trabaho pero wala talaga. Hayaan mo at gagawa ako ng paraan para mabayaran ang lahat ng iyan,” pilit na pinapakalma ni Abner ang kaniyang asawa.

“Alam mo kung inipon mo na lang sana ang araw-araw na bente pesos na tinataya mo sa lotto, ngayon sana ay may mahigit isang daang libong piso na tayo! Tigilan mo na ang pagtaya mo sa lotto, Abner. Bukod sa wala namang tinutulong iyan sa buhay natin ay lalo pa tayong nababaon. Tanggapin mo nang wala riyan ang swerte mo! Pati ang buhay natin ay minamalas dahil sa pag-aaksaya mo ng pera sa kakataya!” mariing sambit pa ng ginang.

Dalawampung taon na kasi ang nakakalipas nang makapanaginip si Abner ng mga numero. Sa kaniyang panaginip ay nanalo raw siya sa lotto ng napakalaking halaga. Labis ang kaniyang saya noon sa kaniyang panaginip.

Magmula noon ay inalagaan na niya ang mga numerong kaniyang napanaginipan. Halos araw-araw siyang nagtatabi ng bente pesos upang tayaan sa lotto ang mga napanaginipang numero.

Ngunit para sa asawang si Mila ay isang matinding kahibangan lamang ang paniniwala ng kaniyang asawa. Sa tagal kasi ng pagtaya sa lotto nitong si Abner ay hindi pa ito tumama kahit isang beses.

Lalo pang ikinagagalit ni Mila ay kulang na nga ang kinikita ng kaniyang mister ay nababawasan pa ito sa pagtaya-taya nito sa lotto.

Isang araw ay masakit na ang ulo nitong si Mila sa paghahagilap ng pera pambuno sa lahat ng kanilang bayarin. Gabi na nang makauwi itong si Abner dahil naghanap pa siya ng ibang pagkakakitaan.

“Bakit ngayon ka lang? Kanina pa nagpunta dito si Ka Esther. Kapag hindi pa raw tayo nakabayad sa makalawa ay palalayasin na nila tayo! Saan na lang tayo pupulutin, Abner? Gawan mo na ito ng paraan!” sambit ni Mila sa asawa.

“Nanghiram ako ng limang daan sa kumpare ko. Matumal talaga ang sorbetes kaya umekstra muna ako sa junk shop niya. Hayaan mo at gagawan ko ng paraan. Magtatanong din ako sa iba ko pang kumpare baka may iba pa silang pwedeng pasukan ko na trabaho kahit pagkakarpintero. Ito nga pala ‘yung nahiram kong pera,” wika ni Abner sa kaniyang asawa sabay abot ng pera.

Nang bilangin ito ni Mila ay hindi niya naiwasang mainis nang makitang apat na raan at walong piso lamang ito.

“Akala ko ba ay limang daan ang hiniram mo? Bakit kulang ito ng bente, Abner? Huwag mong sabihin sa akin na tumaya ka na naman ng lotto?” nanggigigil na wika ni Mila sa asawa.

“Huling beses na ito na sasabihin ko sa iyo, Abner! Kapag hindi ka pa tumigil sa kakataya mo sa lotto ay iiwan ka na namin ng mga anak mo. Hindi ako magdadalawang-isip na umalis dahil puro hirap lang din naman ang dinaranas namin. Responsableng padre de pamilya ang kailangan namin. Hindi ‘yung inaasa na lang ang lahat sa swerte!” dagdag pa ng ginang.

Nang gabing iyon ay hinawakan ni Abner ang ticket niya sa lotto. Ayaw rin kasi niyang iwan siya ng kaniyang pamilya kaya ipinangako niya sa kaniyang sarili na huling beses na niya itong tataya.

“Sana’y ito na talaga ang pinakahihintay kong sandali. Wala naman akong ibang gusto kung hindi bigyan ng magandang buhay ang asawa at mga anak ko. Pangako ay gagamitin ko ang pera sa mabuti,” pabulong na sambit ni Abner saka niya isinilid ang ticket sa kaniyang pitaka.

Dahil alam ni Abner na maliit ang tyansa na manalo pa siya ay hindi na niya pinanood pa sa telebisyon ang pagbola ng mga numero. Kinabukasan, habang naglalako siya ng sorbetes ay napansin niya ang umpukan sa tindahan ng dyaryo.

“Napakaswerte ng nanalo sa lotto. Akalain mo’t isang daang milyon ang kaniyang mapapanalunan at nag-iisa siya!” wika ng isang lalaki.

“Ano kaya ang gagawin mo sa napakaraming pera na ‘yon, ano? Aba’y ultimo mga apo ng apo mo ay mabubuhay mo na!” wika pa ng isang lalaki.

Palihim na sinulyapan ni Abner ang dyaryo kung saan naroon ang lumabas na numero sa lotto. Laking gulat niya nang makita niya ang lahat ng inaalagaan niyang numero ay lumabas! Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita.

Dahil sa kaniyang labis na tuwa na may kahalong kaba ay dali-dali siyang umuwi ng kanilang bahay. Naiwan na niya ang paninda niyang sorbetes.

Hindi pa man siya nakakapasok ng bahay ay panay na ang pagtawag niya sa asawang si Mila.

“Ano ba ‘yun, Abner? Ang dami kong ginagawa at natataranta ako sa sigaw mo!” inis na wika ng ginang.

“Mayaman na tayo, Mila! Mayaman na tayo!” galak na galak na sambit ni Abner.

“Anong mayaman na tayo? Anong pinagsasasabi mo riyan?” inis na wika muli ni Mila.

“Nanalo ang numerong inaalagaan ko sa lotto, Mila! Nanalo tayo sa lotto! At ang matindi pa roon ay nag-iisa lamang akong nanalo kaya sosolohin ko ang isang daang milyong piso!” wika pa ng ginoo.

Hindi makapaniwala si Mila sa ibinalita ng asawa. Hindi niya akalain na ang dalawampung taong pagtitiyaga ng kaniyang asawa na pagtaya sa lotto ay mayroon nang kinahantungan.

Sa isang iglap ay biglang nagbago ang buhay ng mag-anak. Nakabili na sila ng malaking bahay at nakabayad na rin sa lahat ng kanilang pagkakautang. Ginamit nila ang ibang pera sa pagtatayo ng negosyo.

Labis ang tuwa ni Abner sapagkat sa loob ng mahabang taon ay nakamtan na rin niya ang swerteng inaasam.

Advertisement