Mabait at Matulungin ang Mayamang Negosyante; Kalaunan ay Babalik din sa Kaniya ang Kaniyang Kabutihan

Mabait at Matulungin ang Mayamang Negosyante; Kalaunan ay Babalik din sa Kaniya ang Kaniyang Kabutihan

InspiringKarmaStories

“Sir, excuse me po. May isang lalaki po kasing nagpupumilit kanina pa sa labas nitong opisina. Hinahanap po kayo. Kanina ko pa po pinapaalis pero nagmamatigas po. Kailangan lang daw po kayong makausap,” saad ni Rex sa amo niyang si Tony. 

“Sige, ako na ang bahala. Sabihin mo sa taong iyon na bababa rin ako saglit ngunit kailangan muna niyang ikalma ang kaniyang sarili,” bilin ng matandang amo. 

Panandaliang isinantabi ni Tony ang kaniyang ginagawa upang kausapin ang lalaking nagpupumilit na siya ay makita. 

Pagbaba niya sa labas ng tanggapan ay nakita niya ang basurerong si Mang Kadyo. 

“Sir Tony, pasensiya na po kayo. Hindi ko lang po kasi alam kung kanino pa po ako lalapit. Nasa ospital po ang anak ko at kailangan daw pong masalinan ng dugo dahil nagkadengue siya. Manghihingi lang po ako ng kaunting tulong sa inyo. Pasensiya na po kung naabala kayo pero hindi ko na talaga kasi alam kung kanino ako pupunta,” umiiyak na sambit ng ginoo. 

Agad na dumukot sa kaniyang bulsa ang matandang negosyante. 

“Ito ang sampung libo. Sana ay ayos na ‘yan para masalinan kaagad ng dugo ang anak mo. Kapag may kailangan ka pa ay bumalik ka lang dito at ipatawag mo ako,” saad pa ni Tony. 

Labis ang pasasalamat ni Mang Kadyo sa kabutihan ng matandang negosyante. 

Kilala kasi si Tony sa kaniyang pagiging mabait at matulungin sa kapwa. Madalas din siyang nabibigay ng pagkain at inumin sa mga pulubi na kaniyang nadadaanan. 

Isa si Mang Kadyo sa mga taong natulungan ni Tony. Kasa-kasama ni Mang Kadyo ang nag-iisa niyang anak na babae noon habang nagpupulot ng kalakal malapit sa tanggapan ng mayamang ginoo nang madaanan sila nito. Agad tinulungan ni Tony ang mag-ama at binigyan ito ng pambili ng kanilang pagkain. Minsan kapag nakikita sila nito ay binibigyan naman ng pagkain ang kaniyang anak. 

Kaya nang magkasakit ang anak ni Mang Kadyo at wala na siyang mahingan ng tulong ay agad niyang naisip ang mayamang negosyante. 

Nang makaalis si Kadyo sa tanggapan ay pumasok na rin sa kaniyang opisina si Tony. Labis ang pagtataka ni Rex sa ginawang ito ng kaniyang amo. 

“Boss, pasensiya na. Alam kong wala ako sa katayuan para magtanong. Pero hindi n’yo naman kilala masyado ang lalaking iyon. Hindi n’yo rin alam kung nagsasabi ba ng totoo sa inyo na may sakit nga ang anak niya. Paano kung niloloko n’ya lang kayo para makakuha ng pera? Mabilis na sampung libo ang kinita niya sa inyo ngayong araw!” tanong ni Rex sa kaniyang amo. 

“Alam mo kasi, Rex, kapag magbibigay ka ay kailangang bukal sa loob mo. Pera lang naman ang binigay ko sa kaniya. Kung totoo ang sinabi niya ay nakapagligtas ako ng buhay, kung hindi naman ay siya na ang magdadala nun. Pera lang ang nakuha niya sa akin at hindi ang aking buong pagkatao. Kayang kaya ko kitain ang sampung libo. Isa pa, ang responsableng ama ay hindi gagawa ng gano’ng kwento para lang magkaroon siya ng pera,” tugon naman ni Tony. 

Kumalat sa buong opisina ang nangyaring ito at agad na nakarating ito sa asawa ni Tony na si Glenda. 

“Ano itong naririg ko, Tony? Nagbigay ka raw ng sampung libong piso sa isang lalaking nagpapanggap na may sakit ang anak? Kaya madalas kang lokohin ng mga tao dahil napakabait mo! Hindi ako magtataka kung isang araw ay mauubos na lang ang pera mo!” sita ng asawang si Glenda. 

“May sakit ang anak niya at mababanaag mo naman sa kaniyang mga mata na nagsasabi siya ng totoo. Wala nang panahon para imbestigahan ko pa dahil oras na ang kalaban ng lalaki para sa buhay ng kaniyang anak. Hayaan mo na ako sa ginagawa ko, Glenda. Hindi ko naman madadala sa aking hukay ang pera,” wika naman ni Tony. 

“Hindi mo nga madadala pero pwede mong ipamana! Tandaan mong may pamilya ka pa, Tony. Tingnan mo, dahil sa ginawa mo ay babalik-balikan ka ng lalaking iyon para humingi ng tulong sa iyo! Sa susunod na my humingi ng tulong sa’yo ay ikonsulta mo muna sa akin!” saad pa ng ginang. 

Makalipas ang ilang araw ay muling nagbalik si Mang Kadyo sa tanggapan ng ginoo. Ngunit hindi si Tony ang kaniyang nakausap kung hindi ang asawa nitong si Glenda. 

“Narito ka na naman siguro para huthutan ang asawa ko? Porket alam mong mabait si Tony ay aabusuhin mo na! Umalis ka na dahil wala kang mapapala dito!” pagtataboy ni Glenda sa lalaki. 

“Pasensiya na po. Narito lang po ako para magpasalamat po sa ginawa ni Sir Tony sa akin at sa anak ko po. Nakalabas na po kasi ng ospital ang anak ko,” nakayukong sambit naman ni Kadyo. 

“O, sige na! Nakalabas naman na pala! Ano pa ang ginagawa mo rito? Umalis ka na, umuwi ka at alagaan mo ang anak mo! Maghanapbuhay ka rin nang hindi kung kani-kanino ka nanghihingi ng pera!” panunumbat pa ng ginang. 

Hiyang hiya si Kadyo na tumalikod sa ginang.

Lumipas ang ilang buwan ay biglang nagkasakit itong si Tony. Nagkaroon ito ng komplikasyon sa bato at kailangan na itong maoperahan kung hindi ay maaari itong maging sanhi ng kaniyang pagkasawi. 

Ngunit wala silang mahanap na magdo-donate sa kaniya ng bato. 

Nang malaman ni Kadyo ang nangyari sa negosyante ay agad siyang nagtungo sa ospital upang makibalita. 

“Ano na naman ang ginagawa mo rito? Malala ang kondisyon ni Tony! Tantanan mo siya dahil wala siyang maibibigay na tulong sa iyo!” muling pantataboy ni Glenda. 

“Narinig ko po kasi ang nangyari sa asawa n’yo. Nais ko pong tumulong. Handa po akong ibigay ang isang bato ko para lamang po mailigtas ang buhay ni Sir Tony. Utang ko po sa kaniya ang buhay ng aking anak. Nais ko pong bayaran ito sa pagliligtas din ng kaniyang buhay,” wika ng ginoo. 

Nagulat si Glenda sa pahayag na ito ni Kadyo. Hindi niya akalaing kayang ibuwis ng lalaking ito ang sarili para lamang kay Tony. 

“Napakabait po ni Sir Tony hindi lamang po sa akin kung hindi po sa maraming katulad kong mahirap. Pagkakataon ko na po ito para gumanti sa kaniyang kabutihan,” dagdag pa ni Kadyo. 

Agad na isinagawa ang operasyon kay Tony at kay Kadyo. Dahil sa isang bato ni Kadyo ay nailigtas sa tiyak na kapahamakan ang mayamang negosyante. 

Labis ang pasasalamat ni Tony kay Mang Kadyo dahil sa pagdudugtong nito sa kaniyang buhay. Mula noon ay nagkaroon ng magandang samahan ang dalawa. Binigyan ng trabaho ni Tony si Kadyo sa kaniyang tanggapan bilang isang messenger. Bilang ganti naman ay pinaghusayan ni Kadyo ang magandang pagkakataon na ibinigay sa kaniya ng ginoo.

More Stories