Inday TrendingInday Trending
Wala na raw Tatanggap sa Ginang Ayon sa Kaniyang Asawa; Malaking Dagok sa Kaniya nang Makita ang Kinahantungan ng Buhay ng Dating Misis

Wala na raw Tatanggap sa Ginang Ayon sa Kaniyang Asawa; Malaking Dagok sa Kaniya nang Makita ang Kinahantungan ng Buhay ng Dating Misis

“Sarah naman! Hindi ba sinabihan na kita na mag-iinuman kami dito ng mga kumapre ko? Bakit hindi ka man lang naghanda ng pulutan namin?” galit na sambit ni George sa kaniyang misis.

“Pasensya ka na at nakalimutan ko. Ang sama kasi ng pakiramdam ko kanina pa,” tugon naman ni Sarah.

“O, ano pa ang tinutunganga mo riyan? Ipaghanda mo na kami ng maiinom saka ng pulutan! ‘Yan ang hirap sa’yo hindi ka na nga nagtatrabaho, ikaw pa ang palaging pagod! Wala talaga akong pakinabang sa iyo!” sambit pa ni Sarah.

Kahit masama pa rin ang pakiramdam ay sinunod ni Sarah ang kaniyang asawa.

Inabot na ng madaling araw ang inuman ng asawa at ng kaniyang mga kumpare. Si Sarah pa ang naglinis ng kanilang mga kalat.

Kinabukasan ay maaga pa lamang at naroon na ang hipag ni Sarah na si Emma. Nahalata nito na bagong gising lang si Sarah.

“Akala ko ba ay sasamahan kita sa appointment mo sa doktor mo? Bakit hindi ka pa nakagayak?” tanong ng hipag.

“Mag-uumaga na kasi ako nakatulog. Hinintay ko pang matapos ang inuman ng asawa ko at mga kaibigan niya. Bigyan mo lang ako ng ilang minuto. Ihahanda ko lang ang pagkain ng asawa ko tapos ay magbibihis na ako,” tugon naman ni Sarah.

“Bakit ikaw pa ang gumagawa ng lahat ng ‘yan? Hindi ba alam ng asawa mo na masama ang pakiramdam mo? Hayaan mo na siya at magpunta na tayo ng ospital,” giit ni Emma.

“Sandali lang talaga, Ate Emma. Ayaw ko kasing mag-away kami ni George nang dahil lang sa ‘di ko pag-aasikaso sa kaniya ngayong umaga,” wika pa ng ginang.

Habang pinagsisilbihan ni Sarah ang kaniyang asawa ay hindi niya maiwasang isipin ang simula ng kanilang relasyon. Maayos naman ang lahat at sa katunayan nga ay maganda ang pangarap ni George para sa bubuuin nilang pamilya. Ngunit dumaan sa malaking pagsubok ang mag-asawa.

Nawalan ng trabaho si Sarah at ang pinakamasakit pa doon ay nawalan rin siya ng kakayahan na bigyan ng anak ang kaniyang mister. Hanggang sa tuluyan nang nanlamig itong si George.

Matagal nang nagtitiis itong si Sarah ngunit hindi rin naman niya magawang hiwalayan si George dahil sa kaniyang pagmamahal dito.

Hindi pa man din nakakaalis itong sina Sarah at Emma patungong ospital ay nagising na si George.

“At saan ka pupunta, Sarah? Kasama mo pa ‘tong asawa ng kapatid mo? Ang dami-daming kailangang gawin dito sa bahay saka ka aalis!” saad ng mister.

“Sinabi ko na ito sa iyo noong isang araw. Hindi ba palaging sumasama ang pakiramdam ko? Nais ko sanang magpatingin sa doktor baka kasi kung ano na naman ito,” saad ni Sarah sa asawa.

“Gastos na naman ‘yan, Sarah! Alam mo kung ano ‘yang nararamdaman mo? Kaartehan lang ‘yan! Baka nagkukulang ka na naman sa pansin. Saka nagpapasulsol ka na naman dito sa hipag mo! E, puro kaartehan din ang alam niyan!” wika pa ni George.

“Kung makapagsalita ka naman ay mas importante pa sa iyo ang pera kaysa sa nararamdaman nitong asawa mo! Kahit kailan ay tau-tauhan lang ang tingin mo sa kaniya at hindi isang asawa! Hindi ba’t ikaw nga ang dapat kasama niya at hindi ako? Tara na nga, Sarah, umalis na tayo at baka kung ano pa ang masabi ko sa asawa mo!” saad pa ni Emma.

Si Sarah na ang nagpasensya sa inasal ng kaniyang asawa.

“Ewan ko ba sa’yo, Sarah. Dapat ay hiwalayan mo na ang asawa mo! Kung naghihintay ka pa ng senyales ay ito na ‘yun! Huwag mong hayaang hawakan ka sa leeg ng asawa mo! Kaunti na lang talaga ay sasabihin ko na sa kuya mo ang lahat ng nangyayari sa’yo!” wika pa ni Emma.

“Pakiusap, Ate Emma, huwag mo nang sabihin sa kuya ko at sasabihin niya sa mga magulang namin ang lahat. Ayaw ko na silang magkaroon pa ng sakit ng ulo nang dahil lang sa akin,” pag-aalala ni Sarah.

Nang makarating na sa ospital ang dalawa ay agad na sinuri si Sarah. Kinakabahan ang ginang sa magiging resulta. Baka kasi may malubha siyang karamdaman.

Ngunit laking gulat ng dalawa nang makita nila ang resulta.

“B-buntis ako? Hindi ito maaari sapagkat wala na akong kakayahan na magkaanak!” pagtataka ni Sarah.

Ngunit hindi nagkamali ang mga doktor. Talagang nagdadalantao si Sarah.

Wala na sigurong mas sasaya pa kay Sarah. Naisip niyang baka ito na rin ang paraan para manumbalik ang pagmamahalan nilang mag-asawa.

“Itataon ko sa anibersaryo namin ang pagsasabi kay George ng pagbubuntis ko. Naniniwala ako na babalik na ang lahat sa dati,” saad ni Sarah.

Hindi na makapaghintay si Sarah na sabihin ang lahat kay George. Sabik na rin siyang makita ang kaniyang anak. Ngunit ilang araw bago ang anibersaryo nilang mag-asawa ay nahuli ni Sarah si George na mayroong kalaguyo. Ang malala pa doon ay tuluyan nang inuwi ni George ang babae sa kanilang bahay.

“George, ganito na bang kababa ang tingin mo sakin? Bakit mo inuwi dito ang babae mo?” pagtangis ni Sarah sa asawa.

“Nagdadalantao si Krisha. Kailangan niya ng mag-aalaga sa kaniya. Tutal hindi mo naman ako mabigyan ng anak, ‘di ba? Ikaw na ang mag-alaga kay Krisha. Wala kang karapatang tumanggi dahil ikaw ang nagkulang sa relasyon natin,” wika pa ni George.

Labis ang sama ng loob ni Sarah sa kaniyang asawa. Habang iniisip niya ang kalagayan ng kanilang relasyon at ng kaniyang pagbubuntis ay narito si George at nag-uwi ng ibang babae sa sarili nilang pamamahay.

Dahil sa sama ng loob ay dinugo si Sarah. Agad namang sumaklolo si Emma sa kaniyang hipag. Doon ay nalaman ni Emma ang lahat ng kalokohan ni George.

“Wala ka talagang kwentang tao! Ikaw ang dahilan kung bakit nalaglagan si Sarah! Buhay ka pa pero sinusunog na ang kaluluwa mo sa impyerno!” saad ni Emma sa kaniyang bayaw.

“A-anong pinagsasasabi mo riyan?” sigaw ni George.

“Buntis ang asawa mo, George! Matagal nang buntis si Sarah! At nawala ang anak n’yo nang dahil sa kagagawan mo!” galit naman na tugon muli ni Emma.

Labis na nagulantang si George sa mga inamin sa kaniya ng ginang. Ngunit si Sarah ay labis pa rin ang pagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang anak.

“Ito na ang huling pasakit na gagawin mo sa akin, George. Nagpasya na akong tuluyang putulin ang relasyon natin. Hindi ko na makakayanan pa ang lahat ng ginagawa mo sa akin. Hindi asawa ang kailangan mo kung hindi isang alipin na magiging sunod-sunuran sa lahat ng gusto mo!” umiiyak na wika ni Sarah.

“Sino ang pinagmamalaki mo, Sarah? Tandaan mong wala nang lalaking tatanggap sa iyo dahil sa lahat ng nangyari sa buhay mo! Swerte ka at tinanggap pa kita!” bulyaw naman ni George.

Iyon na rin ang huling pagkikita ng mag-asawa. Pinilit ni Sarah na bumangon mula sa masaklap na pangyayaring ito.

Makalipas ng maraming taon ay marami na ang nangyari. Nagsampa ng kaso si Sarah laban kay George at pinanigan naman siya ng korte. Napunta sa kaniya ang bahay at iba pang ari-arian.

Dahil malaya na rin si Sarah ay muli siyang nagtrabaho. Doon ay nakilala niya ang isang lalaking iibig sa kaniya nang totoo. Hindi nagtagal ay nagpakasal muli si Sarah.

Sa loob ng maraming taon ay muling nagkita ang dating mag-asawa. Laking gulat ni George nang makita si Sarah na mas maganda na ang katayuan sa buhay. Mas maganda na rin ito kaysa dati at higit sa lahat ay mayroon na itong dalawang anak.

“Paano mo nagawa ang lahat ng ito? Hindi ko akalain na kaya mo pang bumangon sa kabila ng lahat ng ginawa ko sa iyo,” sambit ni George sa dating asawa.

“Hindi madali pero kinaya ko. Minahal ko ang sarili ko kaya may nagbigay din sa akin ng tunay na pagmamahal. Ngunit ang pinakaunang hakbang ay ang palayain ang sarili ko mula sa taong humihila sa akin pababa. Walang iba kung hindi ikaw. Matagal na kitang pinatawad, George. Matagal ko nang kinalimutan ang lahat ng namagitan sa atin. Para sabihin ko sa’yo, mali ka, may lalaki pa ring tumanggap sa akin at minahal ako nang lubos sa kabila ng lahat. Sana ay mahanap mo na rin ang kaligayahan mo sa buhay dahil nahanap ko na ang sa akin,” maligayang sambit ni Sarah kay George.

Labis na panghihinayang ang naramdaman ni George. Ngunit huli na ang lahat. Labis man siyang magsisi ay wala na siyang magagawa pa dahil si Sarah ngayon ay nasa piling na ng bago nitong asawa at ng masaya nitong pamilya.

Advertisement