Inday TrendingInday Trending
Walang Pag-aalinlangang Binigyan ng Pera ng Isang OFW ang Banyagang Nanghihingi ng Tulong; Malaki pala ang Magiging Kapalit Nito

Walang Pag-aalinlangang Binigyan ng Pera ng Isang OFW ang Banyagang Nanghihingi ng Tulong; Malaki pala ang Magiging Kapalit Nito

Maaga pa lamang at wala nang patid ang pagtunog ng telepono ng domestic helper na si Ryssa. Tumatawag kasi ang matalik niyang kaibigang si Haydee, isang domestic helper din sa Hong Kong. May usapan kasi ang dalawa na magkikita ngayon sa plaza dahil mamimili sila ng kanilang ipapasalubong para sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.

“Nakagayak ka na ba, Ryssa? Paalis na ako, a! Huwag kang mahuhuli para hindi maaksaya ang oras natin. Isang araw lang ang off natin at ayaw ko itong masayang,” sambit ni Haydee sa kaniyang kaibigan.

“Oo, paalis na nga rin ako! O, siya, magkita na lang tayo sa plaza, sa dating tagpuan,” wika naman ni Ryssa.

Limang taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong ang magkaibigan at pangalawang beses pa lamang nila itong uuwi ng Pilipinas. Kay tagal din nilang hindi nakita ang kanilang mga kamag-anak kaya naman gano’n na lang ang kanilang pananabik na makapiling ang kani-kanilang mga pamilya.

Unang nakarating sa plaza itong si Haydee. Habang hinihintay niya si Ryssa ay nakipagkwentuhan muna siya sa ilang kapwa-Pilipino na naroon.

Ilang sandali pa ay nariyan na si Ryssa at humahangos na nagtungo sa kinaroroonan ni Haydee.

“Ang tagal mo! Naku, siguro nung tumawag ako sa’yo ay kagigising mo lang, ano? Ang dami na naming napagkwentuhan dito!” kantiyaw ni Haydee sa kaibigan.

“Hindi ‘no! Paalis na talaga ako no’n. May dinaanan lang ako sandali!” wika naman ni Ryssa.

“Huwag mong sabihin na dumaan ka na naman doon sa travel agency na sinasabi mo? Hay naku, Ryssa, kung ako sa iyo ay bilhin mo na ‘yung ticket na ‘yan nang makatulog ka na nang matiwasay sa gabi!” natatawang sambit muli ni Haydee.

“Pangarap ko kasi talagang makapunta ng Espanya. Pakiramdam ko kasi talaga ay naroon ang swerte ko. Saka bata pa lang ako ay nahihiwagaan na talaga ako kung ano ang itsura ng bansang iyon,” kwento ni Ryssa.

“Kung gano’n pala ay bakit hindi mo pa bilhin ang ticket papuntang Espanya? Regalo mo na rin sa sarili mo sa tiyaga mo sa pagtatrabaho dito sa ibang bansa,” pahayag pa ng kaibigan.

“Alam mo namang ako lang ang inaasahan ng mga magulang ko. Imposible na siguro para sa akin ang makapag-ipon ng pamasahe at ng panggastos para lang sa bakasyon sa Espanya. Hindi naman kalakihan din ang kinikita natin. Ito ngang pasalubong na bibilhin ko para sa kanila ay ilang buwan ko ring inipon,” tugon muli ni Ryssa.

“Napag-uusapan na rin lang natin ang mga pasalubong at pag-uwi natin ng Pilipinas, alam mo ba kanina sa plaza, nagkukwentuhan ang ilang Pinay doon. May isang Pilipina na raw kasing na-scam ng malaking pera. Sayang at pauwi na raw talaga ng Pilipinas ‘yun. Yung nakuhang pera sa kaniya ay gagamitin niya sana sa pagnenegosyo sa Pilipinas para hindi na magbalik pa dito sa Hong Kong. Ibang klase din ang mga kawatan, ano? Lahat ng pakulo ay gagawin para lang makakuha sila ng pera. Hindi na sila naawa do’n sa Pinay,” kwento ni Haydee sa kaibigan.

“Kaya maigi na talaga ang nag-iingat. Huwag kang basta-basta kumausap ng kung sino lang. Saka siguraduhin mong mapagkakatiwalaan ang kausap mo. Sa tingin ko nga ay alam ng kawatan siguro na malaki na ang ipon noong Pinay. Parang namanmanan na siguro ‘yun,” dagdag pa ng dalaga.

Hindi pa man nakakatapos sa kaniyang kwento itong si Haydee ay may isang babaeng banyaga ang lumapit sa kanila at pilit itong humihingi ng tulong.

“Sa itsura niya ay mukhang hindi naman talaga siya nangangailangan ng tulong. Baka mamaya ay tulad din iyan ng nangyari sa kinukwento ko sa iyo. Huwag mo na lang pansinin, Ryssa, magpatuloy lang tayo sa paglalakad,” sambit ni Haydee.

Ngunit ayaw silang tantanan ng babae. Pilit itong humihingi ng tulong sa kanila. Hirap man sa pag-iingles ang babaeng banyaga ay pinipilit nitong makipag-usap sa kanila.

“Please, I beg you. Everything was stolen from me. I am not from here. I really do not have money right now. I am hungry and tired. Please, spare me some money so I could go to the embassy and help me go back to my country. I promise to give it back to you,” pagmamakaawa ng babae.

Dahil awang-awa na si Ryssa sa itsura ng babae ay hindi na siya nagdalawang-isip pa na abutan ito ng pera.

“Here, I hope this can help you. I am sorry I do not have plenty of money. This is all I have,” tugon naman ni Ryssa sabay abot ng pera.

Agad siyang piniligilan ni Haydee.

“Nahihibang ka na ba, Ryssa? Huwag mong sayangin ang pera mo sa pakulo ng babaeng iyan. Maraming manloloko dito at huwag kang magpabiktima. Hindi ‘yan nagsasabi ng totoo!” saad pa ng kaibigan.

“Nakakaawa talaga siya, Haydee. Malay mo nabiktima talaga siya dito sa Hong Kong. May natira pa naman akong pera kahit paano ay makakabili pa rin ako ng pasalubong para sa pamilya ko. Hayaan mo na at para makauwi na siya,” tugon naman ng dalaga.

Labis ang pasasalamat ng babaeng banyaga kay Ryssa. Bago sila maghiwalay ng landas ay kinuha ng babae ang numero ng selpon ni Ryssa sa pangakong babayaran nito ang nahiram na pera pagbalik sa kaniyang bansa. Ibinigay naman ito ni Ryssa ngunit hindi na siya umaasa na makakabalik pa sa kaniya ang perang kaniyang ibinigay.

“Uto-uto ka talaga! Paano ka niyan makakapag-ipon para sa pamilya mo o kaya para sa sarili mong kaligayahan? Dapat binilhan mo na lang ng kahit ano ang sarili mo! Nagpaloko ka pa sa babaeng ‘yun!” sita ni Haydee kay Ryssa.

Lumipas ang isang linggo at tuluyan nang lumipad pauwing Pilipinas ang dalawang magkaibigan. Habang nasa paliparan ang dalawa at naghihintay ng sundo ng mga kamag-anak ay tumunog ang telepono nitong si Ryssa.

Nang sagutin ni Ryssa ang telepono ay laking gulat niya nang magpakilala na ito raw ang babaeng kaniyang pinautang ng pera. Handa na itong magbayad dahil nakauwi na ito sa kaniyang bansa.

“Add daw niya ako sa peysbuk dahil may gusto daw siyang ibigay sa akin. Binigay niya sa akin ang account niya para doon daw kami magpalitan ng mensahe,” kwento ni Ryssa sa kaniyang kaibigan.

Nang hanapin nila sa peysbuk ang naturang babae ay laking gulat nila nang malaman na taga-Espanya ito at totoo ang lahat ng kaniyang sinasabi na ninakawan siya sa Hong Kong. Mula ang naturang babae sa isang prominenteng pamilya sa naturang bansa at nasa balita ang masamang karanasan nito sa Hong Kong.

Ikinagulat pa ng dalawa ang natanggap na mensahe ni Ryssa mula sa babae.

“Padadalhan daw niya ako ng limang daang libong piso, Haydee, bilang kabayaran sa pinautang ko sa kaniya. Pasasalamat na rin daw dahil nakauwi siya sa kanilang bansa! Ang matindi pa doon ay kung nais ko raw dumalaw sa kanilang bansa ay padadalhan niya ako ng ticket. Siya na ang magbabayad ng lahat pati na rin sa accomodation ko at mga pasalubong!” pahayag pa ni Ryssa.

Labis ang tuwa ni Ryssa sa natanggap na balita. Hindi niya akalain na sa munting tulong na kaniyang nagawa ay malaki ang babalik sa kaniya. Ngayon ay makakapunta pa siya sa bansang kaniyang pinapangarap at lahat ay libre!

“Talagang nakalaan para sa iyo ang swerte na natamo mo. Ganti iyan sa iyo dahil sa pagiging mabuti ng kalooban mo. Lagi mong inuuna ang iba kaysa sa iyong sarili! Natutuwa ako para sa’yo, Ryssa!” pagbati ng kaibigang si Haydee.

“Hayaan mo, isasama kita sa Espanya pagpunta ko do’n dahil mas masaya kapag kasama ka!” saad naman ni Ryssa sa matalik niyang kaibigan.

Advertisement