Tinulungan ng Isang Librarian ang Batang Tampulan ng Tusko sa Paaralan; Lumipas ang Panahon at Ibabalik ng Dalaga ang Kabutihan ng Matanda

Tinulungan ng Isang Librarian ang Batang Tampulan ng Tusko sa Paaralan; Lumipas ang Panahon at Ibabalik ng Dalaga ang Kabutihan ng Matanda

InspiringStoriesSuccess

Malaking pagbabago para sa dalagitang si Sydney ang paglipat nila ng tirahan ng kaniyang ina. Sa loob kasi ng mahabang panahon ng [email protected] sa kanilang mag-ina ng padre de pamilya ay naglakas na ng loob ang inang si Mabel na tuluyang iwan ang asawa. 

Dahil walang tinapos is Mabel ay pinasok niya ang pagiging labandera at manikurista mabuhay lamang niya ang kaniyang anak. Para sa kanila ay wala nang mas hihirap pa sa buhay na sinapit nila sa dating haligi ng tahanan. 

Upang hindi matigil ng pag-aaral itong si Sydney ay pinasok siya ni Mabel sa isang pampublikong paaralan. Dahil mahiyain at hindi madalas makisalamuha ay nagiging tampulan ng tukso ang dalagita. Dumagdag pa riyan nang isang kaklase ang nagtsismis sa buong eskwela ng mga dinanas ni Sydney sa kamay ng malupit na ama. 

Naging dahilan ito upang lalong maging iwas sa tao si Sydney. 

“‘Nay, huminto na lang po kaya ako ng pag-aaral? Tutulong na lang po ako sa inyo sa paglalabada,” wika ni Sydney sa ina. 

“Bakit, anak, may nangyari ba sa eskwela? Meron ka bang hindi sinasabi sa akin?” tanong naman ng ina. 

“Wala naman po, ‘nay, naisip ko lang po na mas gagaan ang buhay n’yo kung hindi n’yo na po iintindihin pa ang pag-aaral ko,” saad muli ng dalagita. 

“Anak, hindi mabigat para sa akin ang pag-aralin ka. Responsibilidad ko iyon bilang magulang mo, ang bigyan ka ng magandang kinabukasan. Kung iyan lang ang bumabagabag sa iyo ay ayos lang naman ako. Kakayanin ko ang lahat para sa iyo. Ang kailangan mo lang gawin ay pagbutihin ang iyong pag-aaral dahil iyan ang magiging susi sa pag-alpas mo sa mahirap nating buhay,” sambit ni Mabel sa anak. 

Hindi lang masabi ni Mabel ang lahat ng kaniyang pinagdadaanan sa eskwelahan dahil ayaw pa niyang makadagdag sa alalahanin ng ina. 

Nagpatuloy sa pag-aaral itong si Mabel. Kahit na palagi siyang tampulan ng tukso ng mga kamag-aral ay sinasarili na lamang niya ang sama ng loob. Sa tuwing recess nga ay nagtatago na ito para lang hindi siya ma-bully ng kaniyang mga kaklase. 

Habang umiiyak sa ilalim ng puno ay may isang lalaki na nakapansin sa kaniya. 

“Ayos ka lang ba, hija? May problema ka ba? Madalas kong napapansin kasi na nag-iisa ka lang at laging malungkot. Ano ba ang dinaramdam mo?” tanong ni Ginoong Ricardo, ang librarian ng eskwelahan. 

“Lagi po kasi akong iniinis ng mga kaklase ko dahil po sa nakaraan ko. Lumipat nga po kami ng nanay ko dito para po makapagsimula ng panibagong buhay pero wala silang ginawa kung hindi ipaalala sa akin ang nakalipas. Hindi ko naman po masabi sa nanay ko dahil alam kong magdaramdam din siya. Ang hirap po pala kapag wala kang kakilala at wala kang malalapitang iba,” kwento ni Sydney. 

“Huwag kang mag-alala, hija. Sa tuwing wala kang matatakbuhan ay pwede mo akong puntahan sa silid-aklatan. Saka ituro mo sa akin kung sino ang mga kaklaseng nang-aabala sa iyo nang masabi ko sa ating prinsipal. Hindi kinukunsinti sa paaralang ito ang ganoong pag-uugali,” wika pa ng librarian. 

Sa mga sandaling iyon ay nakaramdam si Sydney ng kapayapaan sa kaniyang dibdib. Muli niyang naramdaman na ligtas siya at may magtatanggol sa kaniya. 

Ginawan ng paraan ni Ginoong Ricardo na maparusahan ang mga kabataan na nangbu-bully kay Sydney. Natigil na rin ang mga tsismis na kumakalat tungkol sa dalagita. At kapag madalas ay nakakaramdam ng lungkot at pag-iisa itong si Sydney ay pumupunta lamang siya sa silid-aklatan. 

“Marami kang librong maaaring basahin dito. Sa mga kwento sa aklat ay hindi mo mararamdaman na nag-iisa ka lamang. Maaaliw ka na, matututo ka pa!” saad ni Ginoong Ricardo. 

Sa mga oras na walang ginagawa itong si Sydney ay palagi mo siyang makikita sa silid-aklatan na nagbabasa. Minsan ay tumutulong din siya kay Ginoong Ricardo sa pagsasalansan ng mga aklat. 

Nakatapos ng hayskul itong si Sydney at tuluyang nilisan ang paaralan. Dahil sa angking talino ay nakakuha rin siya ng iskolarsyip sa isang prestihiyosong paaralan sa bansa. 

Lumipas ang maraming taon, dahil na rin sa pagsusumikap at pagpupursigi ni Sydney ay nakatapos siya sa pag-aaral. Nakahanap ng trabaho sa ibang bansa at tuluyan nang nagbago ang kanilang buhay. 

Isang araw pagbalik niya sa Pilipinas ay naisipan niyang dalawin ang librarian na si Ginoong Ricardo. Ngunit nalungkot siya nang malamang matagal na pala itong hindi nagtatrabaho dahil sa pagkakai-stroke. Agad niyang hinanap ang matandang ginoo at napakasaklap na nakita niya ito sa gilid ng kalsada na nagtitinda ng mga lumang babasahin. 

Hindi maiwasan ni Sydney ang maluha nang makita niya ang kalagayan ng dating librarian. 

Unti-unting nilapitan ni Sydney ang ginoo. 

“Magkano po ba ang mga aklat na ito? Bibilhin ko na pong lahat,” saad ni Sydney sa matanda. 

“Hindi ko pinagbibili ang mga ‘yan, hija. Maaari mong hiramin at isauli mo rin sa akin para maraming kabataan ang makabasa,” saad pa ng matanda. 

Halata ni Sydney na hindi na siya natatandaan ng matandang ginoo. 

“Sir Ricardo, ako po ito, si Sydney. Natatandaan pa po ba ninyo ako? Pasensya na po at ngayon ko lang kayo napuntahan ulit. Madami na po ang nangyari sa buhay at isa po kayo sa mga dahilan kung bakit ko narating kung ano man ako ngayon,” nangingilid ang luha ni Sydney habang kinakausap ang matanda. 

Isang matamis na ngiti ang isinukli sa kaniya ni Ginoong Ricardo. 

“Masaya ako sa kinalabasan ng pagpupursigi mo sa buhay, hija. Hindi ko akalain na ikaw na pala ‘yan! Ang laki na ng ipinagbago mo. Hindi ka na nila ngayon makukutya pa,” masayang wika ni Mang Ricardo. 

Umupo si Sydney sa tabi ng matanda at sandali silang nagkwentuhan. 

Pagkatapos noon ay inayos agad ni Sydney ang kalagayan ng ginoo. Inilipat niya ito sa mas maayos na tirahan. Binigyan niya ito ng kabuhayan. Buwan-buwan din siyang nagpapadala ng pera sa matanda upang may pambili ito ng gamot at pampa-check up. Madalas din niya itong padalhan ng mga libro dahil alam ni Sydney na ito ang kaligayahan ng matanda.

Hindi naman inakala ni Ginoong Ricardo ang babalik sa kaniyang kabutihan. Napakasaya niya sapagkat nilingon siya ng isang batang dating kaniyang natulungan. 

Habambuhay namang tatanawin ni Sydney kay Ginoong Ricardo ang malaking ambag nito sa pagbabago ng kaniyang buhay. 

More Stories