Hinusgahan ng Magkumare ang Dalagang Magpapakasal sa Matandang Banyaga; Mapapahiya Sila sa Malalamang Katotohanan

Hinusgahan ng Magkumare ang Dalagang Magpapakasal sa Matandang Banyaga; Mapapahiya Sila sa Malalamang Katotohanan

KarmaLoveStories

“Priscilla, nabalitaan mo na ba ‘yung panganay na anak daw ni Mareng Medy na si Clarissa? Ikakasal na! Aba’y, matagal na palang may kasintahan ‘yun na taga-ibang bansa!” isang umaga’y balita ni Aling Tess sa kaniyang kumare at kapitbahay.

“Nakuwento nga sa akin ni Mareng Medy na may kasintahan daw sa ibang bansa ‘yung anak niya. Akalain mo at ang suwerte nga naman, ano? E ‘di siguradong yaman niyang si Mareng Medy. Baka dalhin pa ‘yan ng mapapangasawa ng anak niya sa ibang bansa!” wika naman ng ginang. 

“Oo, nga! Pero ang narinig ko kasing balita ay halos ka-edad na nga ni Mareng Medy ‘yung mapapangasawa ng anak niya. Talagang ang mga Pilipino, gagawin ang lahat para lang magkaroon ng magandang buhay. Kahit na pumatol pa sa matanda,” pahayag pa ni Tess. 

“Ano ba naman ‘yan! Ganyan bang ka-desperado ang anak ni Medy na makaahon sa kahirapan? Sabagay kung matanda ay mas mabilis utuin at mas madaling huthutan ng pera!” muling sambit nman ni Priscilla. 

“Sa isang araw daw ay darating na ‘yung matandang lalaki at dito ata sa Pilipinas ikakasal. Narinig ko rin na baka magpakasal din sa ibang bansa. Talagang sinisigurado ata nila ang pagpapakasal ni Clarissa sa matandang banyaga. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko dahil pumayag ‘yang si Medy na makapag-asawa ang anak niya ng matanda na!” napapailing na wika pa ng ginang. 

Ilang araw pa ang nakalipas ay tuluyan nang dumating sa kanilang lugar ang banyaga upang pormal na hingin ang kamay ng dalagang si Clarissa. Mula noon ay lalong naging laman ng usap-usapan ang pamilya ni Aling Medy. 

Isang araw ay nakita ni Aling Tess at Aling Priscilla kasama ng iba pa nilang kumare itong si Clarissa na naglalakad pauwi galing palengke. Tamang-tama at pinag-uusapan nila ang dalaga. Hindi na nakatiis pa si Aling Tess na sitahin itong si Clarissa. 

“Clarissa, totoo bang mapapangasawa mo ang matandang lalaking nand’yan sa bahay n’yo ngayon?” tanong ni Aling Tess sa dalaga. 

“Opo, siya po si Phil at taga-Canada po siya,” masayang tugon naman ni Clarissa. 

“Kailan naman ang kasal n’yo, Clarissa? Baka naman hindi n’yo kami imbitahin dito, a!” kantiyaw pa ng ginang. 

“Simpleng kasalan lang po ang magaganap. May kaunting handaan po pero siyempre hindi po namin makakalimutan na mag-abot ng handa sa inyo,” tugon pa ng dalaga. 

“Taga-saan nga uli ‘yung mapapangasawa mo? Aba’y biglang yaman ka niyan, Clarissa! Ambunan mo naman kami. Ituro mo rin sa mga anak namin kung paano mo nabihag ‘yang porener na ‘yan para hindi lang ikaw ang makaahon sa hirap,” wika pa ni Aling Tess. 

“Mawalang galang na po sa inyo, Aling Tess. Hindi ko po nagugustuhan ang tono ng pananalita n’yo. Maayos po ang samahan namin ni Phil at hindi po ganiyan ang intensyon ko sa kaniya,” paliwanag pa ng dalaga. 

“Huwag ka nang magmalinis, Clarissa. Alam naman nating lahat dito na ginamit mo lang ang utak mo. Ayos lang naman sa amin ‘yan! Kung hindi naman mapera ang lalaking iyan ay hindi mo masisikmurang pakisamahan ‘yang matandang porener na ‘yan! Hanga pa nga kami sa iyo dahil ginamit mo na lang ang utak mo! Hindi kagaya ng iba na puro pag-ibig ang alam, kalauna’y mahirap pa sila sa daga,” wika naman ni Aling Priscilla. 

Labis na inis ang naramdaman ni Clarissa sa mga kapitbahay ngunit mas pinili na lamang niyang huwag nang patulan ang mga ito. 

“Bahala po kayo sa gusto niyong isipin. Tutal kahit ano naman pong sabihin ko ay hindi kayo makikinig. Isa lang po ang masasabi ko sa inyo, sana’y hindi kayo nanghuhusga ng tao!” sambit ni Clarissa sabay talikod sa mga tsimosang kapitbahay. 

Lalong tumindi ang usap-usapan laban kay Clarissa lalo na nang makasagutan niya ang dalawang magkumare. Sa tuwing dadaan siya ay labis ang pagpaparinig ng mga ito. 

“Sabagay nga naman kung makakapag-asawa ka ng mayamang matanda ay hihintayin mo na lang ang oras niya tapos kapag nalipat na sa iyo ang kayamanan niya ay saka ka maghanap ng lalaking mahal mo. Sandali ka lang magtitiis pero habambuhay na maganda ang buhay mo!” pagpaparinig ni Aling Tess. 

Hindi na pinapatulan pa ni Clarissa ang kaniyang mga naririnig. Hanggang sa isang araw ay mismong si Aling Medy na ang nakarinig ng mga masasakit na salita na ibinabato ng mga kapitbahay sa kaniyang anak. Nang hindi na siya makatiis ay hinarap niya ang mga ito. 

“Hindi ba talaga kayo titigil sa mga sinasabi n’yo laban kay Clarissa? Wala naman siyang ginagawa sa inyo na masama, a? Bakit kailangan n’yo siyang pag-usapan lagi? Ang matindi pa dito ay ginagawan n’yo pa siya ng kwento,” sita ni Aling Medy sa mga kumare. 

“Totoo naman ang lahat ng sinasabi namin, Medy. Siyempre ipagtatanggol mo ang anak mo dahil damay ka sa biyaya na makukuha niya. Dapat nga ay mahiya ka dahil pinayagan mong maikasal ang anak mo sa lalaking halos kaedad mo na! Lahat ‘yan ay kaya mong sikmurain sa ngalan ng pera!” tugon naman ni Aling Tess. 

“Ano ba ang pinagsasasabi n’yo riyan? Oo, taga-ibang bansa nga ang mapapangasawa ng anak ko at malaki ang agwat ng kanilang edad. Pero tunay ang pagmamahal na nararamdaman nila sa isa’t isa. Matagal na silang magkaibigan. At taliwas sa akala niyo ay hindi mayaman si Phil. Retirado na siya pero hindi gano’n kalaki ang pera niya. Pagpunta ni Clarissa sa ibang bansa ay kailangan niyang magtrabaho para sa bubuuin nilang pamilya. Lahat yan ay kaya niyang titiisin makasama lang niya ang mahal niyang si Phil!” pahayag pa ni Aling Medy. 

Sa una ay hindi naniniwala sina Aling Tess at Aling Priscilla sa tinuran ni Aling Medy hanggang sa makita mismo nila kung paano alagaan at asikasuhin ni Clarissa ang mapapangasawa. 

Nang mkausap pa nila ang banyaga ay labis nitong ipinagmamalaki na damang-dama niya ang pagmamahal ni Clarissa dahil kahit kailan ay hindi ito nanghingi ng kahit anong materyal na bagay sa kaniya. Madalas pa nga ay si Clarissa pa ang nagreregalo kay Phil. 

Napahiya ang dalawang magkumare dahil napatunayan ni Clarissa na hindi gano’ng kababaw ang pagmamahal nito kay Phil. Nanghingi naman ng paumanhin sina Aling Tess at Aling Priscilla sa lahat ng nasabi nilang masama laban sa dalaga. 

Tuluyan nang naikasal sina Clarissa at Phil. Ilang buwan matapos ang kasal ay lumipad na patungong ibang bansa ang mag-asawa. Doon ay magsisimula silang bumuo ng kanilang masayang pamilya. 

More Stories