Inday TrendingInday Trending
Wala raw Karapatang Magkapera ang Dalaga dahil Wala Naman Itong Asawa; Nang Palayasin Siya ng Ina ay Maganda pa ang Nangyari sa Buhay Niya

Wala raw Karapatang Magkapera ang Dalaga dahil Wala Naman Itong Asawa; Nang Palayasin Siya ng Ina ay Maganda pa ang Nangyari sa Buhay Niya

Maaga pa lamang ay dinig na ni Liezel ang pagtatalo ng kaniyang inang si Mildred at ng kaniyang Kuya Ed. Pinagtatalunan na naman ng mga ito ang pambayad sa kuryente.

“Nay, kuya, bakit naman ang aga-aga ay nagtatalo na naman kayong dalawa?” pagtataka ng dalaga.

“Ito kasing kuya mo! Pinapasakit na naman niya ang ulo ko! Kailangan ko na kasing bayaran ang kuryente at baka maputulan na naman tayo!” sigaw ni Aling Mildred sa anak.

“Hindi ba, binigyan ko na po kayo ng pambayad sa kuryente? Bakit hinihingan n’yo pa po si kuya?” muling tanong ni Liezel.

“Sinisingil ko siya! Hiniram nitong kuya mo ang pambayad sa kuryente dahil may pinagkagastusan daw siya. Ang sabi niya ay ibabalik agad! Anong petsa na? Mapuputulan na tayo ng kuryente!” galit pang sambit ng ina.

“Anong magagawa ko, ‘nay? Wala pa talaga akong pera? Liezel, bigyan mo nga muna ulit si nanay at sa’yo ko na lang babayaran. Kaya lalo akong minamalas kasi ang aga-aga ay bunganga ni nanay ang bumubungad sa akin. Ginamit ko nga ang pera pambili ng gatas ng anak ko!” paliwanag naman ni Ed.

“P-pero, kuya, may pinag-iipunan kasi ako. Nais ko sana kasing-,” hindi pa man natatapos sa kaniyang pagsasalita si Liezel ay agad na siyang pinatigil ng kapatid.

“Huwag ka nang magdamot, Liezel. Sa atin, ikaw lang naman ang walang pananagutan. Single ka pa naman kaya wala kang masyadong responsibilidad. Bigyan mo na si nanay nang hindi na tayo maputulan pa ng kuryente!” utos pa ng nakatatandang kapatid.

Wala nang nagawa si Liezel dahil alam niyang kapag naputulan sila ng kuryente ay isisisi pa ito sa kaniya ng mga kamag-anak.

Muli ay nabawasan na naman ang kaniyang iniipon.

Nagtatrabaho bilang cashier itong si Liezel. Napahinto siya ng pag-aaral dahil nagkasakit ang kaniyang ama. Dahil dito ay kailangan niyang magtrabaho nang maaga upang suportahan ang kaniyang mga magulang. Ngunit malaki pa rin ang paghahangad niyang sana ay makatapos siya ng kolehiyo.

Ngayon ay nag-iipon siya ng pera para sana sa susunod na pasukan ay makabalik siya sa pag-aaral. Ngunit paano niya ito magagawa kung madalas manghingi sa kaniya ng pera ang kaniyang mga kapatid at ina? Bukod tangi kasi si Liezel na wala pang asawa sa kanilang tatlong magkakapatid.

Nakabukod na ang panganay nilang si Athena habang kasama naman niya at ng kaniyang mga magulang ang kaniyang Kuya Ed at ang pamilya nito.

Isang araw, bagong sweldo noon si Liezel nang lapitan siya ng kaniyang Kuya Ed.

“Pautang nga ako ng limang libong piso. Gusto ko lang mamuhunan kasi may plano akong pasukin na negosyo. Susubukan ko muna. Hayaan mo at ibabalik ko din kaagad sa’yo kapag nakabenta ako ng parehas na halaga,” saad ni Ed sa kapatid.

“Kuya, may pinaglalaanan na kasi ako ng pera. Hindi ba may trabaho naman kayong mag-asawa? Bakit hindi muna kayo mag-ipon saka mo na lang ituloy ang negosyo na naiisip mo? Kakabigay ko lang din kasi kay nanay ng panggastos para dito sa bahay, pambili ng gamot ni tatay, saka ‘yung para ulit sa kuryente at tubig. May utang ka pa nga ‘di ba?” maayos na pagpapaliwanag naman ni Liezel.

Ngunit nagpantig kaagad ang tenga nitong si Ed.

“Ang yabang mo naman porket hindi ako nakakapagbayad agad sa iyo at hindi kami nakakapagbigay dito sa bahay. Maayos akong nanghihiram sa’yo tapos ay hindi mo ako pauutangin. Wala ka namang pinagkakagastusan dahil wala ka pa namang sariling pamilya! Bakit ba ang damot mo?” bulyaw ng nakatatandang kapatid.

“Nakakasama naman ng loob ‘yang sinasabi mo, kuya! Ngayon lang naman kita hindi mapahiram dahil wala na talagang natitira sa sahod ko dahil lahat ay inilalaan ko sa inyo. Tapos ako pa ang madamot?” tugon naman ni Liezel.

“Talaga namang madamot ka! Ano bang pinaglalaanan mo ng pera mo, ha? Siguro ay may nobyo ka at ikaw pa ang gumagastos, ‘no?! Anong klase kang babae?” muling sambit ni Ed.

Dahil sa mga sinabing ito ng nakatatandang kapatid ay hindi na maiwasan ni Liezel na maiyak. Nasaktan masyado ang kaniyang damdamin.

Nang sabihin naman niya sa kaniyang ina ang nangyari ay hindi pa siya nito kinampihan.

“Baka naman kasi may nasabi ka sa kuya mo na hindi tama. Unawain mo na ang kuya mo dahil marami talaga siyang pinagkakagastusan,” wika pa ng ina.

Nararamdaman ni Liezel na parang wala siyang karapatang magkapera dahil nga single siya. At parang wala nang sumusuporta sa kaniyang pangarap na makabalik ng kaniyang pag-aaral.

Dahil sa sulsol ng ina ay pinahiram na rin ni Liezel ng pera ang kaniyang Kuya Ed.

Isang gabi habang pauwi itong si Liezel ay narinig niya ang ilang kalalakihan na nagkukwentuhan tungkol sa sabong. Narinig niya ang pangalan ng kaniyang Kuya Ed kaya hindi na naiwasan pa ng dalaga na magtanong sa mga ito.

“Napakalaki ng utang ng kuya mo sa sabungan! Napakalaki kasi niyang tumaya! Malamang nga namin ay hindi na makakapagpakita pa ‘yan sa sabungan dahil maraming maniningil sa kaniya,” saad ng isang lalaki.

Labis na ikinainis ni Liezel ang kaniyang nalaman. Kaya pag-uwi niya sa bahay ay agad niyang sinita ang kaniyang kuya.

“Kaya pala wala kang ginawa kung hindi kunin ang pera ko dahil lulong ka sa sabong! Pinapatalo mo lang ang pera mo sa kakasugal mo! Tapos ikaw pa ang galit?” bungad ni Liezel sa kaniyang Kuya Ed.

“Ano na naman ang pinagsasasabi mo riyan, Liezel?” pagmamalinis ni Ed.

“Huwag ka nang magkaila, kuya, dahil ‘yong mga kasama mo sa sabungan ang nagsabi sa akin! Tinitipid ko ang sarili ko tapos ay nagsusugal ka lang pala!” galit pang sambit muli ng dalaga.

“Naglilibang lang naman ako! Saka babayaran kita! Kung makasumbat ka akala mo naman ay ikaw na ang nagpapakain sa amin! Napakayabang mo!” bulyaw naman ng nakatatandang kapatid.

“Hindi ba ako? Ako na nga ang may sagot sa lahat ng gastusin dito. Pati nga sa ibang gastusin para sa mga anak mo. Kahit minsan ay hindi mo naman ako binayaran. Ang katuwiran n’yo ay wala akong karapatan magkapera dahil single naman ako at walang ibang responsibilidad!” pahayag pa ni Liezel.

Dahil sa pagtatalo na iyon ay pumagitna na ang inang si Mildred.

“Tigilan mo ang pagsigaw sa kuya mo! Kung makapagsalita ka ay para kang walang pinag-aralan!” pigil ng ina.

“Isa pa kayo, ‘nay! Lagi n’yo na lang kinakampihan si kuya! Hindi n’yo na inisip ang kalagayan ko. Simula ngayon, bahala na kayo sa buhay n’yo. Uunahin ko naman ang sarili ko!” wika ni Liezel.

Dahil sa pagsagot na iyon ni Liezel ay hindi napigilan ni Aling Mildred na pagbuhatan ng kamay ang anak. Nasampal niya ito at sa galit ay napalayas pa ito.

Masakit man sa kalooban ni Liezel ang nangyari ay naisip niyang magandang paraan na rin ito para mapagtuunan din niya ang sarili at ang kaniyang pangarap na makabalik sa pag-aaral.

Sandaling nakituloy si Liezel sa bahay ng matalik niyang kaibigan hanggang sa makahanap siya ng kaniyang malilipatan.

Dahil sa nangyari ay mas nakaipon itong si Liezel at naging mas makatotohanan na ang pangarap niyang makabalik sa pag-aaral.

Sapagkat matagal na ring wala si Liezel sa kanilang bahay ay wala nang maasahan ang kaniyang ina sa mga gastusin. Napilitan itong si Ed na maghanap ng mas maayos na trabaho at tulungan ang kanilang pamilya.

Unti-unti nang inaabot ni Liezel ang kaniyang mga pangarap. Kapag siya ay nakapagtapos ng pag-aaral ay nais niyang makahanap ng mas magandang trabaho nang sa gayon, kapag naman siya ang nagbuo ng sariling pamilya ay hindi niya kailangan pang umasa sa iba.

Advertisement