Inday TrendingInday Trending
Tara, Tahiin Natin!

Tara, Tahiin Natin!

Mula nang pumanaw ang mga magulang ay si Ditas na ang tumayong magulang sa kanyang dalawang kapatid na sina Richie at Erika. Ang ikinabubuhay nila ay ang pananahi ng dalaga. Mahusay manahi si Ditas, sa katunayan ay siya ang pinakamagaling manahi sa kanilang barrio kaya naman mahal siyang maningil sa mga pinapatahi sa kanya.

“Ditas, magpapagawa sana ako ng gown para sa anak ko. Malapit na kasi ang debut niya at kailangan na may maisuot siyang magandang gown,” wika ng kapitbahay niyang si Nora.

“Depende iyan sa ibabayad mo. Kung mas Malaki ang bayad ay mas maganda ang tatahiin kong gown para sa debut ng anak mo,”sabi ni Ditas.

“Ay, magkano ba? Hanggang dalawang libo lang kasi ang budget ko e,” anito.

“E, di pang dalawang libo lang ang kalidad ng gagawin kong gown. Kung magkano ang ibabayad mo ay iyon lang ang kalidad nang tatahiin ko,” paliwanag ng dalaga.

Para kay Ditas ay mahalaga ang pera kaya hinding-hindi siya malalamangan ng sinuman lalo na ng kanyang mga kustomer.

Isang araw ay lumapit sa kanya ang kanyang kapitbahay na si Vicky, kaarawan kasi ng anak nito sa susunod na linggo. Nakiusap ito na baka kung puwede ay maitahi siya ng damit ni Ditas para sa bunsong anak nitong babae ngunit iyon ay utang muna, saka na lang daw nito babayaran kapag dumating na ang perang hinihintay galing sa asawang nasa ibang bansa. Noong nakaraang linggo ay nasunugan sina Vicky at walang naisalbang gamit kahit isa. Mabuti na lamang at malapit lang ang bahay ng mag-iina sa bahay ng mga magulang kaya doon muna ito nakikituloy kasama ang mga anak.

“Pakiusap, Ditas. Babayaran ko rin agad kapag dumating ang pera na ipapadala ng mister ko. Gusto ko lang kasing mabigyan ng regalo ang bunso ko sa kaarawan niya,” pagsusumamo ni Vicky.

“Aba, may patakaran ako sa aking patahian na kailangan munang magbayad kahit kalahati bago ako manahi. Pasensya na pero hindi kita mapagbibigyan,” wika ng dalaga.

Lulugo-lugong lumabas sa patahian si Vicky nang tanggihan siya ni Ditas.

Nang sumunod na araw ay lumapit naman sa kanya ang kapitbahay niyang si Pacing at nanghihigi ng mga pinagtabasang tela. Gagamitin daw ng anak nito sa proyekto sa eskwelahan.

“Baka naman puwedeng makahingi ng mga pinagtabasan mong tela, Ditas kahit ilang piraso lang. Kailangan lang kasi ng anak ko sa ginagawa niyang proyekto,” sabi ng babae.

“Naku, may paggagamitan pa ako ng mga pinagtabasang tela. Sa iba ka na lang manghingi,” pagtanggi ng dalaga.

Hindi lang pagtanggi sa mga simpleng pakiusap ng kapitbahay ang ginagawa ni Ditas, kahit ang paghingi ng kaunting tulong ng kanyang mga kapitbahay ay tinatanggihan niya. Isang araw ay may babaeng kustomer na pumunta sa kanyang patahian para magpatahi ng damit.

“Maaari mo ba akong tahian ng tatlong gown? Isusuot ko iyan para sa isang mahalagang okasyon. Gusto ko ay maganda ang pagkakatahi ha? Kailangan na matapos mo iyan sa loob ng isang linggo,” anito.

“Pero teka po, baka po hindi kayanin ng isang linggo ang pinapagawa niyong tatlong gown. Masyado pong mabusisi ang paggawa nitong mga gown niyo lalo pa at kailangan na mamahalin ang tela at mga palamuting gagamitin,”paliwanag ni Ditas.

Nag-iba ang timpla ng babae sa sinabi niya.

“Nagpunta ako dito dahil nabalitaan ko na ikaw raw ang pinakamagaling na mamanahi sa lugar na ito, tapos ay sasabihin mo hindi mo kayang gawin? Niloloko mo ba ako? Nakahanda kong bayaran ng buo ngayon din ang ipapagawa ko sa iyo!” pagsusungit ng babae na mukhang mayaman sa suot na damit.

“Hindi naman po sa ganoon, kaso po…”

“Ang ayoko sa lahat ay napapahiya ako. Kaya mo bang gawin iyan? O baka naman gusto mong siraan ko itong patahian mo. Ipagkakalat ko na hindi maganda ang sebisyo rito?” pagbabanta ng kustomer.

“Naku, pasensya na po máam. Huwag niyo naman po gawin iyan. S-sige po, gagawin ko po ang pinagagawa niyo,” aniya.

“Mabuti naman! Babalikan ko iyan pagkaraan ng isang linggo,”sabi pa nito sabay bigay sa kanya ng sketch ng mga gagawin niyang gown.

Pagkaalis ng babae ay agad na sinimulan ni Ditas na mamili ng mga materyales na gagamitin sa tatahiin niyang gown. Pagkatapos ay sinimulan na niya ang pagtatahi ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay nagkasakit ang dalaga at hindi niya maipagpatuloy ang paggawa ng gown sa taas ng kanyang lagnat.

Habang pauwi sa bahay ang magkapatid na Richie at Erika galing sa botika ay nakasalubong nila si Vicky.

“Magandang araw po, Aling Vicky!” bati ng magkapatid.

“Magandang araw naman mga bata! Teka, saan kayo galing at bakit hindi ko nakikitang lumalabas ang ate niyo?” tanong ng babae.

“May trangkaso po si Ate Ditas, hindi po siya makapagtahi. Nag-aalala nga po kami, kasi po ilang araw na lang at babalikan na po nung nagpapatahi sa kanya iyong tatlong gown na pinagagawa sa kanya. Sabi raw po asi nung kustomer ay isang linggo lang ay dapat na tapos na kundi po gagawin ni atw ay sisiraan daw po ang patahian namin,” sabi ni Richie.

“Diyos ko, isang linggo sa tatlong gown? Nasisiraan na ba ng bait ang kustomer na iyon? Kawawa naman ang Ate Ditas niyo, hayaan niyo at gagawa tayo ng paraan. Kakausapin ko ang mga babae nating kapitbahay na tulungan ang ate niyo sa pagtatahi sa gown,” wika ni Vicky.

Agad na pinuntahan ni Vicky ang bahay ni Pacing at iba pa nilang kapitbahay. Pinaalam niya sa mga ito ang gagawing pagtulong kay Ditas. Nagmamadaling nagtungo ang mga kababaihan sa kanilang barrio sa bahay nina Ditas at doon ay nagtulung-tulong ang mga ito na tahiin ang tatlong gown na pinagagawa sa dalaga. Alam nila na mas magaling manahi si Ditas ngunit nang magsama-sama sila ay tila ba minamani lang nila ang pagtahi sa mga gown. Nakita ni Ditas ang pagtulong na ginawa sa kanya ng kanyang mga kapitbahay. Pinilit niyang bumangon sa pagkakahiga at tinulungan ang mga ito sa paggawa ng gown. Ilang araw nilang tinulungan si Ditas sa pagtatahi hanggang dumating ang takdang araw at natapos nga ang tatlong gown na iba’t iba ang kulay at disenyo.

“Hindi ko akalain na tutulungan niyo ako sa kabila ng hindi ko pagbibigay ng pabor at pagtulong sa iba sa inyo. Maraming salamat sa inyo, tatanawin ko itong malaking utang na loob,” pasasalamat ni Ditas sa mga kapitbahay.

“Naku, wala iyon, Ditas! Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong magka-kapitbahay di ba?” wika ni Pacing.

“Huwag muna alalahanin iyon. Naiintindihan ka namin, alam namin na mahalaga sa iyo ang kita dahil para iyon sa ikabubuhay niyong magkakapatid. Hinahangaan ka nga namin dahil sa mura mong edad ay kaya mong itaguyod ang mga kapatid mo. Kaya nga nang malaman namin ang kalagayan mo ay di kami nagdalawang-isip na tumulong,” sabi ni Vicky.

Nang araw na iyon ay dumating nga ang babaeng nagpapagawa ng gown. Nang makita nito ang mga pinatahi niya ay laking tuwa nito. Nagustuhan ng babae ang tatlong gown na sama-sama nilang tinahi at dahil masaya ito sa kinalabasan ng kanyang pinatahi ay nagbayad ito ng dobleng halaga sa pinagawa nito.

Tuwang-tuwa naman si Ditas sa tagumpay nila kaya bilang ganti sa ginawang pagtulong sa kanya ng mga kapitbahay ay ipinagluto niya ang mga ito ng masasarap na pagkain at sama-sama nila itong pinagsaluhan.

“Hayaan niyong makabawi ako sa inyo. Aling Vicky, pakibigay sa akin ang mga detalye tungkol sa pinatatahi niyong damit para sa anak niyo. Aling Pacing, mamaya ay bibigyan ko kayo ng mga retasong kailangan niyo. Aling Nora, iyong tungkol po sa gown na pinagagawa niyo ay pag-usapan din po natin,” aniya .

Natuwa at nagpasalamat naman ang mga ito sa tinuran niya.

Napagtanto ni Ditas na mayroon palang mga tao na nakahandang tumulong ng walang hinihintay na kapalit. Mula noon ay naging mabuti na ang pakikitungo niya sa kanyang mga kapitbahay. Naging bukas na rin ang kanyang puso sa mga nangangailangan ng tulong.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement