
Kasabay ng Pagkalugi ng Kompanya nila ay Pagkawasak ng Kanilang Pamilya, Ngunit Hindi Ito Naging Hadlang Para Maabot ng Dalaga ang Tagumpay
Hapon na at kumukulo na naman ang kalamnan ng sikmura ni Lily. Hindi pa kasi siya kumakain simula kaninang umaga pagkagising niya hanggang ngayong malapit nang lumubog ang araw.
Muntik na kasi siyang ma-late sa klase niya kaninang umaga dahil madaling araw na naman siyang nakauwi galing sa trabaho niya. Kaya naman hindi nakapagtataka na nanghihina na siya ngayon sa gutom, may trabaho pa naman ulit siya ngayon.
“Hoy, hindi ka na naman kumain ‘no? Sinasabi ko na nga ba eh. Ito oh binilhan na kita ng makakain. Kainin mo na baka mamaya mahimatay ka pa. Hay naku, ano na lang kaya ang gagawin mo no kung wala ako?” may halong birong pangaral ni Elaine sa matalik na kaibigan.
“Ikaw ha Lily, aminin mo nga sa’kin, gusto mo na bang sumakabilang buhay? Ganun ka na ba kapagod sa mundong ‘to? Dahil sa ginagawa mo, malamang hindi malayong mangyari ‘yun,” dugtong pa nito.
Kahit na madalas siyang talakan ng kaibigan ay mahal na mahal pa rin ni Lily si Elaine. Dahil alam niyang concern lang talaga sa kaniya ang dalaga. Sa katunayan ay ito lang ang hindi nagbago sa pakikitungo sa kaniya simula ng bumagsak ang kanilang kompanya at naghirap sila.
Simula pagkabata ay matalik na silang magkaibigan at hindi siya nito iniwan kahit kailanman. Lalo na sa mga araw na sobra siyang nahihirapan.
“Maraming salamat bes ha? Hulog ka talaga ng langit sa’kin,” sinserong pasasalamat niya sa kaibigan. Natawa naman siya ng bigla itong ngumiwi.
“Sh*t, stop it okay? Ang drama mo talaga kahit kailan,” kunwaring nandidiri pa ito sa kaniya. Ito ang gusto niya sa kaibigan, napakagaang kausap at kasama.
“Pero kidding aside bes, nandito lang ako always para sa’yo. You know that naman ‘di ba?” madamdaming pahayag nito.
“Thank you as always, bes. Ako rin. Kung kailangan mo ng tulong o kasama, nandito lang ako parati sa’yo,” sagot niya sa kaibigan.
“Pero just so you know, madrama ka rin,” natatawa niyang dugtong.
“I guess that’s why we’re best friends,” natatawa ding sagot nito sa kaniya.
“Pero bes, bakit parang mas pumayat ka na naman at pagod na pagod ‘yang mga mata mo,” biglang nagbago ang tono ng mananalita nito nang mapansin itsura niya. Mga isang linggo na rin kasi simula ng huli silang magkita dahil may inaasikaso itong thesis. Hinawakan pa ni Elaine ang mukha niya para tingnan mabuti ang mga mata niya.
“Ah eh, tatlo bes. Pero mga part-time lang naman. Kailangan ko lang kasi talaga eh,” sagot niya pa sa kaibigan. Nanlaki naman ang mata ni Elaine sa narinig.
“Ano?! What the hell?! Seryoso ka ba?! Paano ka pa nag-aaral niyan? Natutulog ka pa ba?” pasigaw at hindi makapaniwalang tanong sa kaniya ni Elaine.
“Kinakaya. Pero huwag kang mag-alala bes, kaya ko ‘to. Kakayanin ko lahat. Ako pa, malakas ako ‘di ba? O siya, aalis na ako at may trabaho ako,” paalam ni Lliy sa matalik na kaibigan. Napabuntong hininga na lamang si Elaine habang nakatanaw sa papaalis na kaibigan.
Sobrang naawa si Elaine sa matalik na kaibigan. Simula kasi nang bumagsak ang kanilang kompanya at naghirap sila ay naglugmok na sa alak ang kanilang ama at iniwan naman sila ng kanilang ina at sumama sa ibang lalaki.
Dahil siya ang panganay ay walang naging pagpipilian si Lily kundi akuin ang lahat ng responsibilidad ng kanilang mga magulang. Siya na ang nagpapaaral sa kaniyang sarili at sa kaniyang bunsong kapatid. Siya na rin ang nagbabayad ng lahat ng bayarin sa kanilang bahay at pati na rin sa gamot ng kanilang ama na wala na rin namang ibang ginawa kundi magkulong sa kaniyang kwarto at mag-inom.
Kasabay ng pagkawala ng kanilang kompanya at ari-arian ay ang pagkawala ng kanilang mga magulang. Si Lily na ang pumasan ng lahat. Kaya labis din siyang humahanga sa matalik na kaibigan. Hindi nga niya alam kung paano pa nito nagagawang tumawa sa hirap ng pinagdadaanan.
Labis na nahihirapan ang dalaga sa araw-araw niyang mga ginagawa. Pagod na pagod na nga ang kaniyang utak sa pag-aaral, pagod pa ang kaniyang katawan dahil parating bugbog ito sa trabaho, at napapagod pa siya kakaalala sa kaniyang ama at kapatid.
“O Diyos ko, kayo na po ang bahala sa’kin at sa pamilya ko. Bigyan Niyo pa po sana ako ng lakas para patuloy na lumaban sa mga pagsubok sa buhay. Huwag Niyo po ako sanang pababayaan. Isinusuko ko na po ang lahat sa Inyo. Kayo na po ang bahala,” taimtim na dalangin ni Lily sa Panginoon.
Bago kasi umuwi sa tuwing biyernes ng gabi ay dumadaan siya sa simbahang malapit sa kanila. Pakiramdam kasi ng dalaga ay bibigay na ang katawan ang isip niya sa sobrang pagod na nararamdaman niya. Ang Diyos na lamang ang kaniyang nagiging sandalan sa lahat ng hirap na kaniyang pinagdadaanan. Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa na balang araw ay maayos din ang lahat. Naniniwala siyang hindi sila pababayaan ng Diyos.
Dumaan ang mga taon at patuloy na nagsikap si Lily hanggang sa nagawa niyang makapagtapos. Agad din naman siyang nakapasok sa isang malaking kompanya, at dahil sa likas na masipag at magaling sa kaniyang ginagawang trabaho ay mabilis din agad na na-promote si Lily. Labis labis ang kaniyang pasasalamat dahil sa ngayon ay hindi na sila naghihirap. Napapag-aral niya na at naibibigay ang lahat ng kailangan ng kaniyang kapatid at ama.
Hindi naman na bumalik ang ina nila pero lubos pa rin ang pasasalamat ni Lily sa lahat ng biyayang kaniyang natanggap. Lalo na ngayong magtatapos na rin ang kaniyang kapatid at muli ng nakabangon ang kanilang ama. Umayos na ito at nagsimulang magtrabaho ulit gaya ng dati.
Nahirapan mang magsimula ulit, sa huli ay nagawa rin nilang maging masaya gaya ng dati. Puno man ng pagsubok ang buhay, hindi naman nagpatalo si Lily at patuloy lamang sa paglaban hanggang sa magtagumpay sa buhay. Nawa’y gaya niya ay magpakatatag tayo at manalig lamang sa Diyos upang tayo ay kaniyang gabayan sa buhay.