
Nagpatong-patong na ang mga Kasinungalingan ni Misis Mula nang Isang Beses Siyang Magloko sa Asawa; Hanggang Kailan pa Kaya Niya ito Maililihim kay Mister?
Nagising na lamang si Edlyn na masakit pa ang ulo’t katawan. Nakita niya ang bintana sa tapat niya na sikat na ang araw at nangangahulugan itong tanghaling tapat na at kailangan na niyang maghanda dahil uuwi na ang kaniyang mister mula abroad. Subalit nang magkaroon na siya ng malay, idinilat niya ang mata nang malaki matapos mapansin ang kakaibang kwarto kung nasaan siya. Higit pa dito, hubo’t hubad siya na nakahilata sa kama.
Nagmadali siyang kinuha ang mga gamit, nag-ayos ng sarili at nagmatyag kung mayroong ibang tao sa paligid. Parang isang suspek na nagtatago ng kaniyang mukha ang kaniyang ginagawa habang siya’y palabas ng hotel. Nang makarating sa kaniyang bahay, kabado ang siya na baka may makakita sa kaniyang pauwi pa lamang ng bahay.
Narating na niya ang bahay at tiningnan ang napakaraming mensahe at mga hindi nasagot na tawag mula sa asawa. Inalala niya maigi kung ano nga ba ang nangyari kagabi. Alam niyang pumunta siya sa reunion ng kanilang batch at nakipagkwentuhan sa kaniyang dating nobyo noong siya ay nasa high school pa lamang. At naalala din niya, ang pinakamalalang kasalanan na nagawa niya. Sumama siya ritong pumunta sa isang hotel at natulog kasama ang lalaki.
Hinawakan niya ang kaniyang ulo, hindi lamang dahil masakit iyon dahil sa ininom niyang alak kagabi kundi pati ang laki ng kaniyang pagsisisi sa nagawa. Alam niyang hinding hindi iyon matatanggap ni Alex na kaniyang asawa. At kahit naman siya ang nasa posisyon ni Alex, hindi niya rin iyon mapapatawad.
Muling tumunog ang kaniyang cellphone dahil nalalapit na ang oras ng kanilang alis para sunduin ang asawa sa airport. Madali siyang naligo at nagbihis upang salubungin ang kaniyang asawa na umuwi galing abroad.
Habang nasa airport, isang mahigpit na yakap ang kaniyang natanggap mula sa asawa. Tuwang-tuwa siya dahil dalawang taon na rin niya itong hindi nayayakap. Naluha-luha pa siya nang muli niyang maalala ang ginawa niyang kasalanan kagabi. Hindi man niya sadya, subalit alam niyang makakasakit iyon nang labis kay Alex.
Ilang araw na rin matapos ang pag-uwi ni Alex sa ‘Pinas. Masaya silang inaayos ang bahay pati ang kanilang bubuksang negosyo. Pala-kwento kasi talaga si Alex at sobrang lambing na asawa. Araw-araw, bawat umaga na lamang ay pinaglulutuan niya ng almusal si Edlyn.
“Nga pala, sabi mo noong isang araw pupunta ka ng reunion ‘di ba? Ano nga pala nangyari? Kumusta na sila? Nakita mo ba sila Nicole doon?” sunod sunod na tanong ni Alex.
“H-ha? Wala si Nicole! Siya pa naman pinunta ko doon. Kaya ayun, ang boring. Aga ko nga umuwi natulog na rin ako. Hindi ko talaga nagustuhan promise. Nakakabagot talaga!” pautal-utal pang sagot ni Edlyn sa asawa.
“Ganoon ba? Naku. Sayang naman pala! Gusto mo ba hanapin natin si Nicole? Sayang naman siya pa naman ang BFF mo noong high school!” imbita ni Alex sa asawa.
Subalit matindi itong sinalungat ni Edlyn. Dahil ang totoo ay nagkita naman talaga sila doon. Kapag nalaman niyang nandoon si Nicole, maaaring magkwento ang kaibigan niya kung kaya naman hindi maaaring mag-usap ang dalawa.
Nasunod naman siya at napatigil si Alex sa pagtatanong tungkol sa reunion. Subalit hindi pa rin mawala sa kaniyang dibdib ang halong kaba at takot na maisiwalat ang katotohanan sa asawa. Ayaw niyang maging biyuda nang maaga at isa pa, mahal niya si Alex at isa lang malaking pagkakamali ang kaniyang ginawa.
Isang araw, sumapit ang anibersaryo nila bilang ganap na kasal na mag-asawa. At siyempre, dahil napakalambing nga ni Alex, naghanda ito ng sorpresa para kay Edlyn. Nang gabi na iyon, akala ni Edlyn ay tapos na ang kanilang selebrasyon dahil maghapon silang nasa mall at namimili ng mga gusto niya. Subalit bigla na naman siyang kinabahan ng tumigil ang sasakyan sa parehong hotel kung saan nangyari ang kaniyang panloloko sa asawa.
Nabalutan siya ng takot at lungkot ng mga oras na iyon. Marahil nga kasi ay nalaman na ni Alex ang katotohanan. Ayaw niya halos bumaba ng sasakyan at hindi makangiti. Nang pagbuksan siya ng asawa ng pinto, nakangiti itong inaantay na hawakan ang kaniyang kamay para bumaba. Nang makababa sa sasakyan, nilagyan siya ng takip sa mata at saka inalalayan ni Alex sa paglalakad papasok sa hotel.
“Ano na naman ba ‘to, mahal?” pakipot niyang tanong sa asawa.
“Basta, trust me…” malambing na tinig ni Alex.
Nang tanggalin ang takip sa mata, isang lamesa sa may roof top ng hotel na iyon ang inihanda ni Alex para kay Edlyn!
“Hindi ako magsasawang paligayahin ka buong buhay natin. Happy anniversary, mahal ko!” mga malalambing na tinig ng kaniyang asawa habang nakatayo ito sa may lamesa at nakangiti sa kaniya.
Habang sila ay kumakain, napaluha na lamang si Edlyn habang tinititigan ang kaniyang mahal na asawa. Tumayo siya at niyakap nang mahigpit si Alex.
“Hindi kita deserve! Hindi ako karapat-dapat na maging asawa mo…” patuloy na atungal ni Edlyn kay Alex.
Kahit na hiyang-hiya, tapat na inilahad ni Edlyn ang buong katotohanan ng gabing iyon. Patuloy ang kaniyang paghingi ng tawad at lumuhod pa sa harapan ni Alex. Ngunit itinayo siya nito, nakangiti, at niyakap siya nang mahigpit. Alam na pala ni Alex ang buong katotohanan, sinusubukan lamang siya kung magiging tapat siya o itatago ang kasalanan.
Mas lalong naging matatag ang pagmamahalang Alex at Edlyn dahil sa pangyayaring iyon sa kanilang buhay. Buti na lamang ay naging matapat si Edlyn sa kaniyang pagkakamali at naging mapagpatawad si Alex sa asawa. Dahil ito naman talaga ang susi sa isang tunay at tapat na pag-ibig.

Kasabay ng Pagkalugi ng Kompanya nila ay Pagkawasak ng Kanilang Pamilya, Ngunit Hindi Ito Naging Hadlang Para Maabot ng Dalaga ang Tagumpay
