Nawili na ang Drayber na Manloko ng Pasahero, Tiklop Kaagad Ito Nang Makatapat ang Isa Pang Manggagantso

Mabait na ama si Robin. Matiyaga siyang pumapasada araw-araw upang may maiuwing pera para sa kanyang asawa at bagong panganak na supling. Kinailangan niya ring kumayod ng doble dahil nabigla siya na malaki pala ang gastos sa gatas at diaper ng bata.

Isang araw nang siya ay maagang namasada, napansin niyang hindi pa nagbabayad ang isang lalaki na kanina pa sumakay sa kanyang jeep. Dahil ayaw magulangan, agad niyang sinita ang pasahero.

“Totoy! Hindi ka pa nagbabayad, ah? Pare-pareho tayong naghahanap-buhay dito,” sigaw ni Robin sa kanyang pasahero.

“Manong, kanina ko pa ho inabot ang bayad ko. Bente pesos pa nga ho iyon, at sinuklian niyo pa ako ng dalawang piso!” paliwanag ng lalaki.

“Wala! Puro singkwenta ito at mga barya. O, tingnan mo!” tumataas na ang boses ng drayber.

“Ano ba naman ho kayo? Para sa maliit na halaga, gugulangan ko pa kayo?” pilit ipinagtatanggol ng lalaki ang kanyang sarili. Pinagtitinginan na rin kasi siya ng mga nagbubulungang pasahero.

“O, sige nga. May nakapansin ho ba sa inyo na nagbayad na siya?” tanong ni Robin sa iba pang pasahero. Ngunit ni isa ay walang sumagot dito. Lahat kasi ng nakakita sa pag-aabot ng bayad ng kawawang binata ay nakababa na.

“Tingnan mo! Magbayad ka! Pati isang hamak na jeepney drayber ginugulangan mo,” patuloy na pamamahiya ni Robin.

Advertisement

Napakamot na lamang ng ulo ang lalaking pasahero. Para lamang matigil na ang nakakahiyang eksena, nagbigay na siyang muli ng kanyang bayad at bumaba na.

“Ako pa ang gugulangan! Hindi ako magpapaloko. Kailangan kong buhayin ang mag-ina ko,” bubulong-bulong pa si Robin kahit nakababa na ang lalaki.

Nagpatuloy si Robin sa kanyang pamamasada. Maya-maya pa ay bigla siyang napatingin sa paanan niya dahil kanina pa may tumutusok sa kanyang binti.

Napahiya siya sa kanyang nakita. Isang bente pesos ang nakatupi at nahulog sa kanyang paanan. Bigla niyang naisip na tama ang sinasabi ng pasaherong ipinahiya kanina. Ngunit imbis na maawa sa pasahero, ay nakaisip pa ito ng kalokohan.

“Ayos to ah! Kung gawin ko ito paminsan-minsan, madadagdagan ang kita ko.”

Ginawa nga ni Robin ang naisip niya. Sinubukan niya muling gawin ito sa ilang bagong sakay na pasahero. Sinisiguro rin niya na bagong mukha ang bibiktimahin niya para walang makahalata sa panloloko niya.

Lumipas ang ilang linggo at pinagpatuloy ng drayber ang naisip niya. Tunay ngang nadagdagan ang kinikita niya. Tuwang-tuwa naman ito at galing na galing pa sa sarili niya.

Isang gabi, sumakay sa harap ng dyip ang isang matandang lalaki. Umiral na naman ang madumi nitong utak. Naisip niya na dahil matanda na, hindi ito magrereklamo kapag sinabihan niya nang hindi pa ito nakakabayad. Halata naman sa hitsura ng matanda na ito ay makakalimutin na.

Advertisement

Sampung minuto matapos magbayad ng matanda, nagsabi na ito na bababa na siya.

“Anak, diyan na lamang sa kanto.” wika ng matandang lalaki.

“Teka tatang, hindi pa ho kayo nagbabayad. Hindi naman ho pwede ‘yon,” sanay na sanay na sa pag-arte si Robin.

Ngunit hindi tulad ng iba niyang mga naloko, hindi na ito nakipagtalo. Humingi pa nga ng pasensiya ang matanda.

“Nako, anak. Pasensiya ka na. Makakalimutan na e. Heto na ang bayad ko, huwag mo nang suklian.”

Ngiting-ngiti si ang malokong drayber. Nang makababa ang matanda, agad itong hinarurot ng takbo ang kanyang dyip. Ngunit nang ilalagay na niya ang limampung pisong binayad ng matanda sa kanyang lalagyan, nanlaki ang mata nito nang makitang limas na ang lahat ng perang kinita niya buong araw.

“T*ngna!” napamura ng malakas si Robin. Agad naman siyang pinagtinginan ng mga pasahero.

“Kuya, kanina ko pa ho napapansin na panay ang hawak nung matanda diyan sa lalagyan niyo. Akala ko naman ho e napapakapit lang dahil ayaw masubsob sa bilis ng pagpapatakbo niyo,” wika ng isa sa mga pasahero niya.

Advertisement

“E, bakit hindi mo sinabi?!” galit na galit na sabi ni Robin. Inihinto niya ang jeep at tinanaw ang pinagbabaan ng matanda. Ngunit hindi na niya makita kung nasaan na ito.

Labis ang inis ni Robin. Hindi niya akalain na mauutakan pa siya ng isang matanda.

“Ayan! Nagantso ka, ‘no? Buti nga sa’yo. Nahanap mo ang katapat mo, ‘no?” tatawa-tawang sabi ng isang ginang na madalas naisasakay ni Robin. Napapansin na pala nito ang regular na panloloko ng drayber.

Wala nang nagawa ang lalaki. Imbis na malaki ang maiuuwi para sa kanyang mag-ina sa araw na iyon, limampung piso na lamang na nanggaling pa sa tusong matanda.

Magmula noon ay itinigil na ni Robin ang panloloko sa kanyang mga pasahero. Napagtanto niya na hindi tama ang kanyang mga ginagawa. Kaya naman sa halip na manloko ng kapwa upang dumoble ang kita, naghanap na lamang ito ng ibang tamang paraan. Naisip din kasi niya na baka mas matinding karma pa ang dumating sa kanya kapag itinuloy ang masamang gawa.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!