Pinagalitan ng Ina ang Kaniyang Batang Anak dahil Palagi Itong Nagpupuyat; Nadurog ang Puso niya sa Dahilan ng Bata

Nais ng mag-asawang sina EJ at Dyna na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang nag-iisang anak na si Angela. Kaya naman abala silang palagi sa kanilang paghahanapbuhay. Si Angela naman ay naiiwan sa kaniyang yaya.

“Angela, aalis na si mommy at daddy, behave ka dito kay yaya ha? Huwag matigas ang ulo,” paalam ni Dyna.

“Babye mommy, uwi kayo kaagad ha?” tanong ng paslit.

“Oo anak, bibilhan kita ng pasalubong.”

Lumilipas ang maghapon ng bata kakalaro at kakanood ng telebisyon. Sa mura niyang edad ay hindi pa niya naiintidihan na mas importante ang trabaho ng kaniyang mga magulang kaysa ang makipaglaro sa kaniya.

Lingid sa kaalaman ni Dyna na nagtatampo na ang anak.

“Angela, halika kain ka muna,” paanyaya ng kaniyang yaya.

“Yaya, love ba ako nina mommy?” tanong niya.

“Oo naman, love na love ka nila.”

“Hindi kasi sila nakikipaglaro sa akin, tapos palagi na lang silang ginagabi. “

Madalas ay pasado alas diyes na dumadating ang mag-asawa. Sa mga oras na iyon ay tulog na si Angela, sisilipin lang nila ito saglit sa kaniyang silid bago sila mamahinga.

“Kawawa naman yung anak natin, hindi man lang natin maipasyal, sa Sabado ay may seminar na naman ako,” wika ni Dyna.

“Kaya nga, di bale sa susunod na buwan ay maluwag na din ang iskedyul ko sa trabaho,” sagot ni EJ.

Isang gabi ay dinatnan ni Dyna ang anak na gising pa at nanonood ng telebisyon sa sala. Dali-dali niya itong nilapitan at sinigawan.

“Angela! Gabi na, bakit gising ka pa?” dala ng pagod ay napalo ni Dyna ang bata, dahilan upang umiyak ito.

“Ah ma’am sorry, kanina ko pa po siya pinapatulog kaso ayaw niyang sumunod,” paliwanag ng yaya,

Tatlong gabing dinatnan ni Dyna ang anak na nagpupuyat at sa tatlong gabing iyon ay napapalo niya rin ito. Ang buong akala niya ay tumitigas na ang ulo ni Angela.

“Ang tigas talaga ng ulo mo, pagod na ako sa trabaho tapos ayaw mo pang sumunod!” sigaw niya sa anak.

“Mommy tama na po, masakit!” sigaw ng bata.

Nang mapakalma ang sarili ay pinuntahan niya si Angela sa kaniyang silid. Humihikbi pa rin ito dahil sa pag-iyak.

“Angela? Anak, sorry ah, pagod lang talaga si mommy, ikaw naman kasi, bakit ayaw mong matulog kaagad? Masama sa bata ang nagpupuyat,” tanong niya.

“Mommy gusto sana kita makalaro eh tsaka si daddy, busy kasi kayo sa umaga tapos tulog na ako pag-uwi niyo, di na tayo nakakapag-play,” malungkot na tugon ng bata.

Tila kinurot ang puso ni Dyna sa paliwanag ng kaniyang anak. Hindi man lamang niya namalayan na naghahanap na pala ito ng kalinga ng mga magulang, labis nilang ibinuhos ang kanilang panahon sa paghahanap buhay at hindi na nila napagtuunan ng pansin ang anak.

“Anak, sorry. Ganito, promise ni mommy sayo next month pupunta tayo sa malayo, mamamasyal tayo, pero dapat matulog ka lagi on time para ready ka sa bakasyon natin, okay ba iyon?” wika niya.

“Talaga mommy? Kasama natin si daddy and yaya?” tanong niya.

“Oo siyempre kasama sila, kaya from now on be a good girl ha?”

Niyakap ni Dyna ang anak habang pinipigilan ang pagtulo ng kaniyang luha. Napagtanto niyang nangungulila na si Angela sa kaniyang mga magulang kaya’t kinausap niya si EJ.

“Love, nalaman ko kasi na si Angela ay nagpupuyat dahil sa kahihintay sa atin, alam mo bang gusto lang niyang makipaglaro sa atin kaya nilalabanan ang antok?” naiiyak na wika niya.

“Kaya pala ilang gabi na natin siyang nadadatnan sa sala, ang totoo niyan nung nakaraan nga ay binuhat ko na lang siya dahil doon na siya nakatulog.”

“Ituloy natin ang bakasyon sa susunod na buwan, gusto kong bumawi sa anak natin.”

Pinagpasiyahan ng mag-asawa na magpaalam sa kanilang mga boss at dalhin si Angela sa isang bakasyon kung saan ay mapagtutuunan nila ng atensyon ang anak.

“Mommy, ang ganda dito, tara habulan tayo, ikaw ang taya,” wika ng sabik na sabik na bata.

“Sige anak, tawagin mo na si daddy.”

Isang linggo silang namalagi doon at kitang kita nila ang kaligayahan ng kanilang anak. Yun nga lang ay kinailangan din nilang umuwi para muling maghanapbuhay. Ngunit simula noon ay ipinangako ng mag-asawa na palagi silang maglalaan ng isang araw sa isang linggo para makabonding ang kanilang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!