Si Heart ay trenta’y singko anyos na at hanggang ngayon ay hawak parin niya ang tropeyong No Boyfriend Since Birth. Hindi naman siya panget, hindi niya pa lang talaga matagpuan ang lalaking magpapatibok sa kanyang puso. Walang spark sa mga manliligaw niya eh.
Isang araw ay may nag-imbita sa kanya. Isang kaibigan na nag-secelebrate ng kanilang wedding anniversary. Hindi pa man siya nakakapasok nang tuluyan sa venue ay sinalubong na siya ng kamalasan dahil tumilapon sa kanyang damit ang dala-dalang juice ng waiter. Nais man niyang umatras ay sayang naman at nakakahiya sa kaibigan niyang nag-imbita sa kanya.
Ngayon nga ay nagsimula na ang inuman. Hindi pa naman sila gano’n ka-lasing pero may kaunting tama na.
“Heart, kung ako sa’yo ay manatili kana lamang na single. Mahirap ang may asawa promise,” wika ni Kim, ang kanyang matalik na kaibigang nagse-celebrate ng wedding annivesary. Lumingon pa ito sa paligid upang masigurong hindi ito maririnig ng mister.
“Okay lang ‘yan Kim atleast nakikita ko naman na masaya ka,” kaunting kibot ng bibig ay tawa na siya nang tawa. Ang babaw na ng kaligayahan niya, kasalanan ng alak.
“Atleast! Cheers,” sabay-sabay nilang tinungga ang laman ng mga baso nila.
Lumipas ang oras at pakiramdam niya’y lasing na siya. Kaya nagdesisyon na muna siyang pumunta sa banyo upang umihi at magpahinga. Lasing na siya, ramdam na niya iyon dahil umiikot na ang mundo niya. Isang oras din siyang nagpahinga sa loob ng CR saka nagpasyang lumabas nang mabangga sa katawan ng tao.
“Ay! Sorry sorry,” hinging paumanhin niya at gano’n din naman ang lalaki. Ano bang meron sa araw na ito at lagi nalang siyang nababangga sa isang tao?
“Ayos ka lang ba Miss?” natunugan naman niya ang pag-aalala sa boses ng lalaki. Kaya pilit niyang inaaninag ang mukha nito sa madilim na parte ng beach resort.
“Ayos lang. No problem,” nagthumbs-up pa siya at matamis na ngumiti.
Hindi niya namamalayan na kanina pa pala siya sinusundan nito. Kahit saan siya magpunta ay nasa likuran niya ito lagi mula nang dumating siya sa resort. Nagulat pa siya nang makitang nakaupo rin ang lalaki kung saan ang cottage nila.
“Oy! Ikaw ‘yong nakabanggaan ko sa CR di ba?” Lalamya-lamya niyang tanong dahil sa kalasingan.
Tumango naman ito at tumawa ng matipid. “Oo, kaibigan ko kasi ang asawa ni Kim at kanina pa nga ako rito. Halos magkasabay nga lang ang dating natin e.” Hindi ito tunog lasing. Uminom ba ang binata?
“Ah, ngayon lang kasi kita napansin.”
“Alvin,” pakilala nito.
“Heart.” Hindi na nga siya nakalipat pa sa ibang pwesto dahil si Alvin nalang ang nakakausap niya. Masaya kasi itong kakwentuhan.
Kinabukasan ay nagising nalang siyang katabi ang lalaki sa iisang kama, walang kung anong saplot ang naiwan sa mga katawan nila.
“Anong nangyari?” Naghi-hysterical niyang tanong sa binata. “M-may nangyari ba sa’tin?” gusto na lamang niyang mawala sa mundo ngayon din.
“Wala din akong maaalala,” anito habang sapu-sapo ng dalawang kamay ang ulo.
Sabay pa silang napalingon nang may kumatok sa labas. Nagmamadali silang magbihis saka binuksan ng lalaki ang pintuan.
“Heart, anong nangyari?” bungad na tanong ni Kim.
“Tignan niyo. May ibinigay sa’kin ang staff ng resort na ito. Marriage certificate ninyong dalawa. Malinaw na malinaw na nakasulat ang pangalan niyo at ang nagkasal sa inyo.”
“Paano nangyari ito Heart?” muling tanong ni Kim sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa kaibigan.
“Anong nangyari Alvin?” tanong naman ni Ryan sa kaibigan nitong blankong nakatingin sa kanya. “Sino ba kasi ang may pakanang maikasal kayo?”
“Hindi ko na din alam. Sobrang lasing na kasi kami no’n at wala na kaming kontrol sa sarili namin, ang gusto ko nalang malaman ay kung legit ba ang kasal na iyan.”
“Pina-check namin kanina sabi legit,” sagot ni Kim sa tanong ni Alvin. “Heart, sabi ko naman sa’yo ‘di ba na mahirap mag-asawa. Tapos ito pa, nagpakasal ka ng hindi mo pa gano’n ka kilala si Alvin.”
Gusto niyang umiyak sa sinabi ni Kim. Tama ito, sa sobrang pihikan at mapili niya’y magpapakasal lang siya sa isang pitik at lasing pa. Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan. “Hindi ko alam kung anong sasabihin ko Kim.”
“Alvin, baka ikaw may gusto kang sabihin?” sita ni Ryan sa kaibigan.
Nagtanggal muna ito ng bara sa lalamunan saka siya nilingon at nagsalita. “Kung hihingin mo ang opiniyon ko, mas maiging ituloy nalang natin kung ano ang nasimulan.”
“Ano! Nahihibang kana ba?” agad niyang sagot.
“Legal ang ginawa nating kasal. Walang diborsiyo dito sa Pinas. Para sa’kin kahit naman hindi pa natin gano’n kakilala ang isa’t-isa wala naman akong nakikitang problema. Kilalanin mo ako, kikilalanin kita ngayong kasal na tayo.
Hindi naman ang pagkilatis sa tao ang pinapatagal kundi ang relasyon. Atsaka, kahit lasing ako kagabi alam ko naman na hindi labag sa loob ko ang ginawa natin,” anito dahilan upang magsalubong ang kilay niya.
“Paano mo naman nasabi iyon?”
“Lasing lang ako pero wala akong amnesia. Siguro nga wala na tayong kontrol sa nararamdaman natin noon. Kaya no’ng inaya kitang pakasalan ako kagabi ay pumayag ka kaagad. Minsan kasi lumalabas ang tunay nating nararamdaman sa tuwing nalalasing tayo.”
Wala siyang mahagilap na sasabihin rito. May punto ang lahat ng sinabi ng lalaki, hindi panliligaw o pagkilatis sa isang tao ang pinapatagal kundi ang relasyon. Pero, sobrang biglaan naman na para bang pakiramdam niya’y binabangungot lamang siya at nagising nalang siyang totoo palang nangyayari ang lahat.
“Linawin mo kaya ang sinasabi mo Alvin!” wika ni Kim.
“Sinasabi ko lang, tutal nandito nalang din naman kami. Languyin nalang namin nang tuluyan ang nasimulan naming dalawa.”
“Ang ibig sabihin?” sabat naman ni Ryan.
“Ipagpatuloy nalang namin ang kasal na nangyari kagabi.”
“Bakit? Mahal mo ba ang kaibigan ko?” wika ni Kim.
Tumingin muna ito sa kanya. “Una ko pa lang siyang nakita kagabi ay nakuha na niya ang atensyon ko. Sa ngayon ay hindi ko pa masasabing mahal ko na siya, ayoko lang talagang magpaka-ipokrito. Pero alam kong kapag nakilala ko na siya ng lubusan ay mamahalin ko siya.”
“Sige. Ganito nalang, tutal asawa na kita pero hindi pa kita boyfriend. Isa nalang ang pakiusap ko, ligawan mo nalang ako at doon kita kikilalanin nang lubusan. Tama ka, siguro nga may potensiyal din na pwede kitang mahalin. Ang bilis lang siguro ng lahat ng pangyayari, pero malay mo. Baka mapanindigan natin ito ng tama.”
“Oo nga, gano’n na nga lang. Tutal nagsimula narin naman kayo sa mali, itama niyo nalang. Boto naman ako kay Alvin para sa’yo Heart.” Nakangiting wika ni Kim. “Congratulations pa rin Friend, sana lang maging maayos ang lahat sa inyo. At saka ikaw Alvin! Hindi por que kaibigan ka ng asawa ko’y palalampasin na kita kapag sinaktan mo ang kaibigan ko.”
Imbes na matakot ito’y natawa ito ng malakas at saka hinawakan ang kamay niya.
“Nagsimula man kami sa mabilisan, hindi naman kami magtatapos ng gano’n-gano’n nalang.”
Tinotoo ni Alvin ang pangako nito, hanggang sa mahulog na ang loob nila sa isa’t isa. Aba, sino ang makapagsasabi na kahit ngayong 25 years na silang nagsasama ay araw-araw pa rin siyang nililigawan ng mister? Ang pag ibig talaga, parang kidlat. Bigla na lamang tatama sa puso.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!