Isang OFW si Patrick, matagal nang pumanaw ang kanyang asawa kaya ang susundo sa kanya sa airport ay ang dalawang anak na si Vincent at Pia.
“Welcome home, Papa.” masayang wika ni Pia nang makita ang ama.
“Salamat anak,” sagot naman ni Patrick sa babae.
“Kumusta naman ang buhay niyo sa Saudi Papa? Mukhang hiyang kayo doon ah, kasi naging blooming kayo,” biro pa ng panganay niyang si Vincent.
“Marami kasing pagkain doon anak at masarap ang mga putahe,” nakangiti niyang tugon.
“Sana Papa nagdala ka,” wika ni Pia dahilan upang magtawanan sila.
“E ‘di napanis na ang karne no’n pagdating dito sa Pinas,” sagot naman ni Vincent. “Hayaan niyo, sa susunod kong balik.”
Lumipas ang mga araw. Kahit silang tatlo lamang ay masaya silang magkakasama, laging nagtatawanan, nagtutulungan at madalas magbiruan.
Isang araw ay biglang umuwi si Vincent na sabog ang kabilang pisngi tanda ng pagkakasuntok rito nang malakas.
“Anong nangyari sa mukha mo Vincent?” tanong ni Patrick sa anak na dugaan ang buong mukha.
“Napag-tripan ako Pa. Pinagselosan ako, kasi si Sandra ayaw nang lumapit kay Kurt, at sa’kin nagpapatulong para layuan na siya ng lalaking iyon. Nambubugbog raw kasi at sawang-sawa na siya.
Nakikipaghiwalay siya’y ayaw ni Kurt pumayag. Hinarang nila ako ng mga barkada niya at pinagbubugbog at binantaang pap*tayin kapag nakita pa nila ulit akong kasama si Sandra,” humihikbing sumbong nito sa ama.
“Kilala mo ba kung sino ang gumawa nito sa’yo?”
“Opo.”
“Ituro mo sa’kin,” anito.
“Sige po Pa.”
Walang kaalam-alam si Vincent sa tumatakbo ngayon sa isipan ng kanyang Papa. Itinuro nga niya ang taong nambugbog sa kanya, wala sa isip kung ano ang plano ng ama sa lalaking may atraso sa kanya.
Nagtaka si Pia kung bakit nag-iisa lang siya sa bahay. Buong gabing hindi nakauwi ang kanyang kuya at papa.
Saan kaya sila nagpunta? Imposible naman na hindi umuwi ang mga iyon,takang tanong niya sa sarili. Ah.. baka naman maaga lang namalengke ang dalawa, sagot din niya sa sarili.
Tuwing umaga ay naka-toka sa kanya ang pagsasaing at paglilinis kaya sinimulan na niya ang kanyang gawain. Nang biglang may nagsisigaw sa labas at tinatawag ang pangalan niya.
“Pia! Pia!”
“Bakit? May sunog ba?” natataranta naman siyang lumabas ng bahay nila.
“Pia! Nakita mo ba ang palabas sa balita. Ang kuya mo at ang papa mo may binaril–”
“Ano!” Bigla siyang nanlamig sa sinabi nito. “Bakit? Anong nangyari? Saan sila?” Hindi na niya alam kung anong sasabihin, kung saan pupunta kung anong unang gawin. Natutuliro siya!
Nang malaman kung saan kinulong ang papa niya at ang kuya niya’y agad niyang pinuntahan ang address na sinabi ng kapitbahay nila. Naabutan niya ang dalawa na nakaposas, habang ang mukha ng papa niya ay puno ng bugbog.
Nais niyang umiyak nang makita ang itsura ng kanyang mahal na ama, ngunit agad din iyong pinigilan nang sumenyas itong huwag siyang luluha. Hindi umiiyak ang mga mata niya, pero iyak na nang iyak ang kanyang puso.
“Patawad Pia,” hagulhol ng kuya niya.
“Papa, anong nangyari?” Pumipiyok ang boses niya habang pinipigilan ang luha.
“Ma’am! Hindi niyo pa pwedeng makausap ang Papa at Kuya mo. Sa labas kana muna maghintay!” sita sa kanya ng pulis na may hawak sa dalawang lalaking mahal niya.
Nap*aslang nga ng Papa niya ang lalaking bumugbog sa kanyang Kuya kaya naiakyat ang kaso sa piskal at nasintesyahan ang dalawa, gusto ng tatay niya na solohin ang sala at ito nalang ang makulong.
Ngunit mariin naman iyong tinanggihan ng kanyang kapatid, dahil kung hindi daw dahil sa kanya ay hindi makukulong ang kanilang padre de pamilya. Nandito siya ngayon sa city jail, nagtatyaga sa init at pila upang madalaw lamang ang dalawang mahal niya na nakakulong.
“Papa, Kuya kumain kayo ng marami. Maaga akong nagising para mamalengke atsaka sinarapan ko na’yan,”
Tumawa naman ang dalawa.
“Kahit anong luto mo anak. Basta ikaw ang nagluto masarap na iyon sa’min,” wika ng Papa niya.
“Tama!” sang-ayon naman ng kuya niya.
“Patawarin ninyo ako, kung masyado akong nagpadalus-dalos sa aking desisyon. Walang ama ang kayang hayaan ang anak na malagay sa kapahamakan. Nang sinabi ng kuya mo na pinagbantaan siyang pap*tayin ay naalarma ako. Kaya lang ay nakagawa ako ng napakalaking kasalanan. Di bale na, kaya kong himasin ang rehas kapalit ang buhay ninyo mga anak. Iisa lang ang naging maling desisyon ko. Inilagay ko sa kamay ko ang batas. Nakaimutan ko ang batas dahil ama ako, kaya patawarin niyo ako.”
Hindi napigilan ng dalawa ang maiyak sa sinabi ng Papa nila. Tumayo si Pia upang yakapin ng mahigpit ang Papa niya at gano’n din si Vincent.
“Malalagpasan ‘to Pa, tiwala lang.” Sabay na wika ng dalawa.
Normal lang sa isang ama ang naisin na protektahan ang anak. Normal lang na makaramdam ng galit sa sino mang susubok na apihin ang kanyang mga supling. Pero huwag kalilimutan na may batas tayo, huwag nating pangunahan upang hindi tayo magsisi sa bandang huli.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!