“Kakay, ano’t nakahiga ka pa diyan? Bumangon ka na at may pasok ka pa!” pasigaw na paggising ni Aling Sioni sa anak.
“Opo inay, babangon na po! Ano ba iyan, pasok na naman, pahirapan na naman!” pabulong na sabi ng bata.
Alas sais na ng umaga at kailangan na niyang gumising para hindi mahuli sa klase niya ng alas otso.
“Inay, puwede po ba na huwag muna akong pumasok ngayong araw?” pupungas-pungas na sabi ni Kakay sa ina.
“At bakit hindi ka papasok na bata ka? Masama ba ang pakiramdam mo?’ tanong ng ina sabay hipo sa kanyang leeg. “Wala ka namang lagnat, e. Naku tinatamad ka na naman ‘no?” anito.
“Pahirapan na naman po kasi, e!”
Nang biglang sumali sa usapan ng mag-ina ang kanyang amang si Mang Pablo.
“O, ano itong naririnig ko na ayaw mo na namang pumasok?” tanong ng ama.
“E, kasi itay. Pahirapan na naman po kasi sa pagpasok ko. Nahihirapan po kasi ang loob ko kapag nakikita ko kayo na inihahatid ako papuntang eskwelahan,” sabi ni Kakay.
“Pero anak, kailangan mong pumasok sa eskwela. Alam mo namang edukasyon lang ang tangi naming maipamamana sa inyo ng inay mo.”
“Pero, itay…”
“Sundin mo na ako anak. Balang araw ay pasasalamatan mo rin kami sa pagtutulak sa iyo na huwag mong susukuan ang pag-aaral.”
Matapos makapaligo at makakain ng agahan ay agad nang gumayak si Kakay para sa pagpasok sa eskwela. Kasama si Mang Pablo at Aling Sioni ay magkakasabay nilang tinahak ang daan papuntang ilog. Kahit maputik ang daan ay hindi iyon ininda ng mag-anak marating lang ang lugar kung saan nakatakdang tumawid si Kakay papasok sa eskwelahan. Ilang minuto lang ang lumipas at narating din nila ang pakay.
“O, narito na tayo. Sioni, ilabas mo nga ang plastik bag na pinadala ko sa iyo,” utos ni Mang Pablo sa asawa.
Inilabas ng babae ang nakatagong malaking plastik bag sa bulsa at iniabot sa mister .
“Ihanda mo na ang sarili mo, anak. Pasensya na kung nahihirapan ka sa sitwasyon, hayaan mo at may awa rin ang Diyos. Darating ang araw na hindi ka na mahihirapan ng ganito,” wika ni Mang Pablo.
Inayos ni Kakay ang suot na uniporme at ng handa na ay inutos ng ama na pumasok ang bata sa malaking plastik bag. Nang nasa loob na si Kakay ay binuhat siya ng ama at dahan-dahang tinawid ang mababaw pa noong ilog. Nang matawid ang ilog ay inalis agad ni Mang Pablo ang plastik bag na nakabalot sa anak.
“Nabasa ka ba, anak?’ tanong ng ama.
“Hindi naman po, itay,” sagot ng bata.
“Sige na, pumasok ka na! Mamayang hapon ay antayin mo ulit kami ng inay mo ha, dito sa ilog?”
“Opo.”
Ganoon palagi ang sitwasyon ni Kakay. Palagi siyang ibinabalot ng ama sa malaking plastik bag para hindi siya mabasa kapag tinatawid nila ang ilog na nag-iisang daanan niya sa tuwing pumapasok sa eskwelahan. Ang bahay kasi nila ay nasa sa bundok at walang ibang maaaring daanan papunta sa eskwelahan kundi ang maliit na ilog na kanilang pinagtitiyagaang tawirin sa araw-araw. Nakakatawid lang sila roon kapag mababaw ang tubig ngunit kapag sobra ang buhos ng ulan ay hindi siya nakakapasok dahil mataas ang tubig sa ilog at hindi sila makakatawid. Balak nga sanang gawan ng maliit na bangka o balsa ni Mang Pablo ang anak ngunit palaging hindi natutuloy dahil wala ring oras ang ama na gawin iyon dahil sa maghapon rin itong nagtatrabaho sa koprahan.
Pagkatapos nang maghapong klase ay gumayak na si Kakay pauwi sa kanila. Nagmamadali siyang pumunta sa ilog kung saan doon ay naghihintay na ang kanyang ama at ina.
“Uy, anak, diyan ka lang ha? Pupuntahan kita!” sigaw ng ama.
Nang makarating sa pampang ay agad na ibinalot ni Mang Pablo ang anak sa malaking plastik bag at binuhat ito. Tinawid ng ama ni Kakay ang ilog habang buhat-buhat siya hanggang sa marating ang kabilang dako.
Nang sumunod na araw, habang nasa klase ay pasigaw siyang tinawag ng isa niyang kaklase at may ipinakita ito sa cell phone at naka-post sa facebook.
“Diyos ko! Sino ang kumuha niyan?” gulat na tanong ni Kakay.
“Grabe, viral na ang pagtawid niyo ng tatay mo sa ilog, Kakay!” sabi ng kaklase.
Hindi siya makapaniwala sa video na naka-post sa facebook. Kitang-kita sa video ang pagtawid ng kanyang ama sa ilog at bitbit-bitbit siya nito habang nakabalot sa plastik. Inulan iyon ng sari-saring reaksyon mula sa mga taong nakapanood. Mayamaya ay ipinatawag siya ng punong-guro ng kanilang eskwelahan para siya ay kausapin.
“Ms. Del Mundo, nakita mo na siguro ang nag-viral niyong video na mag-ama. Ang totoo ay isa sa mga mag-aaral dito ang nakakita sa inyong mag-ama at kumuha ng video na ipinost naman niya sa facebook. Ginawa niya iyon dahil gusto niya kayong tulungan. Sa pamamagitan kasi ng social media ay maaaring may makatulong sa inyong suliranin. Ngayon, nais kong sabihin sa iyo na malapit nang matapos ang pagtawid niyo ng tatay mo sa ilog dahil may nagmagandang-loob na magpatayo ng tulay roon para maayos na ang pagpunta mo rito sa eskwelahan,” wika ng punong-guro.
Hindi makapaniwala at laking tuwa ni Kakay sa ibinalitang iyon sa kanya ng kanilang punong-guro. Labis-labis ang kanyang pasasalamat sa kung sino man ang nag-post ng video nila ng kanyang ama at sa taong nagpagawa ng tulay sa ilog. Sinabi ng punong-guro na ayaw nang magpakilala ng mga nagmagandang-loob sa kanya. Para sa mga ito ay sapat na ang makatulong sa kanilang mag-ama.
Di nagtagal ay naipagawa ang tulay sa may ilog at mula noon ay doon na tumatawid si Kakay kapag pumapasok siya sa eskwelahan. Tumaas man ang tubig sa ilog ay ligtas siyang makakaalis at makakauwi pabalik sa kanilang tahanan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!