Inday TrendingInday Trending
Ibibigay Ko ang Liwanag

Ibibigay Ko ang Liwanag

Magda-dalawang taon na ang pagsasama nina Kristoff at Genevieve bilang mag-asawa. Isang sikat na bokalista ng banda ang kanyang mister kaya habulin at lapitin ito ng mga babae. Hindi rin maipagkakaila ni Genevieve na guwapo ang kanyang asawa. Noong hindi pa sila ikinakasal ay kung sino-sinong babae ang nakikipagkilala rito. Dahil mabait at mapagbigay sa mga tagahanga ay pumapayag naman na makipagkilala ni Kristoff sa mga ito. Minsan nga ay naiinis siya dahil mas malambing pa ito sa mga babae nitong tagahanga kaysa sa kanya.

Naiinggit rin si Genevieve sa mga kaibigan niyang malalambing ang asawa, iyon tipong showy sa pagpapakita. Iyong niyayakap ang mga misis sa harap ng maraming tao at maglalambing. Hindi kasi ganoon si Kristoff sa kanya mula ng maging mag-asawa sila. Nararamdaman naman niya na mahal siya ng lalaki ngunit sa iisip niya ay parang may kulang.

Minsan ay kinausap niya ang mister.

“Darling, ano ang kaya mong gawin para maipakita o maipadama mo sa akin na mahal mo ako?” naglalambing na tanong niya habang nakahiga silang dalawa sa kama.

“Ibibigay ko sa iyo ang liwanag,” seryosong sagot ng lalaki.

“Ano bang sagot iyan? Kakainis, sa dinami-dami ng puwedeng isagot sa tanong ko ay wala pang kuwenta ang sinabi!” buwisit na sabi ni Genevieve sa sarili sabay simangot.

“O, bakit? Bakit ganyan ang mukha mo?” nakakunot ang noong wika ng mister nang makitang nakasimangot siya.

“Wala!” tangi niyang nasabi sabay bangon sa kama at pumasok sa banyo.

Nang sumunod na araw, habang nagluluto siya ng ulam para sa kanilang hapunan nang naisipan ni Genevieve na muling tanungin ang asawa, nagbabakasakali siyang mabago ang sagot nito kumpara sa isinagot nito noong una niya itong tanungin.

“Kristoff, ano ang kaya mong gawin para maipakita o maipadama mo sa akin na mahal mo ako?” ulit niyang tanong sa mister. Sa pagkakataong iyon ay naghihintay talaga siya ng magandang sagot ng kanyang asawa, iyong tipong kikiligin siya at malalaglag pati suot niyang underwear.

“Ibibigay ko sa iyo ang liwanag,” muling isinagot nito, tapos ay itinuloy ang paglalaro ng paborito nitong laro sa cell phone.

Napa-ismid na naman si Genevieve sa isinagot ng mister.

“Iyon na naman ang sagot ng mokong na ‘to? Naku, kung hindi lang kasalanang lasunin ang asawa ay ginawa ko na,” gigil na wika niya sa isip.

Minsan ay naglalakad si Genevieve pauwi galing sa palengke at hindi niya napansin ang parating na kotse. Sa bilis ng takbo nito ay di sinasadyang nahagip siya at nakaladkad. Humampas ang ulo niya sa semento na agad niyang ikinawalan ng malay. Mabilis siyang isinugod sa malapit na ospital ng lalaking nakabangga sa kanya at iba pang taong nakakita ng pangyayari. Agad siyang tiningnan ng mga doktor at ipinasok sa emergency room.

Nang magising ay biglang nag-iiyak si Genevieve dahil wala siyang makita.

“Diyos ko! Bakit wala akong makita?!” sigaw niya, naghihisterikal na ito sa kama at pilit na kinukusot ang mga mata.

“Darling, tama na iyan. Maghunusdili ka! Ako ito si Kristoff,” wika ng kanyang mister na naroon din sa ospital.

“Kristoff? Darling? Bakit wala akong makita? Ano bang nangyari?” mangiyak-ngiyak na sabi ng misis.

“Naaksidente ka kanina, nabangga ka ng kotse at nakaapekto iyon sa paningin mo. Huwag kang mag-alala, nakausap ko na ang doktor at ang sabi niya ay aayusin daw niya sa lalong madaling panahon ang mga mata mo. Kailangan mong dumaan sa operasyon para bumalik ang paningin mo,” sabi ni Kristoff.

“Sige, sige payag ko darling na operahan basta bumalik lang ang paningin ko,” pag-sang ayon ni Genevieve sa sinabi ng kanyang mister.

Mabilis na isinagawa ang operasyon sa mga mata ni Genevieve at matagumpay rin itong natapos ngunit kinailangan niyang manatili sa ospital sa loob ng isang buwan para sa lubos niyang paggaling. Buti na lang at naroon din ang mga magulang nila upang umalalay sa dalawa.

Dumating ang araw na tatanggalin na ang benda sa mga mata ni Genevieve. Excited na ang babae na muling makakita. Laking pasasalamat niya dahil hindi siya tuluyang nabulag.

“Heto na, handa ka na ba hija? Tatanggalin na natin ha? O, ayan na! Pagbilang ko ng tatlo ay dahan-dahan mong imulat ang iyong mga mata,” sabi ng doktor.

Dahan-dahang iminulat ni Genevieve ang mga mata, sa una ay medyo malabo ang kanyang nakikita ngunit mayamaya ay unti-unti ng nagliliwanag ang paligid niya.

“Mommy, daddy!” agad na tawag niya sa dalawang may edad na mag-asawa na naroon na umiiyak habang nakamasid sa kanya. Agad siyang niyakap ng mga ito. Nakita rin niya na nasa loob din ng kwarto ng ospital ang kanyang mga biyenan.

“Darling, kumusta ang pakiramdam mo? Masaya ako at maayos ka na!” sabi ng pamilyar na boses ng kanyang mister. Dali-dali niyang hinanap ang pinanggalingan ng boses na iyon, na-miss niyang makita ang mukha ng pinakamamahal niyang asawa.

Nang mahagip ng kanyang paningin si Kristoff ay laking pagtataka niya dahil nakaupo lang ito sa gilid ng kwarto habang nakangiti.

“Teka, bakit nariyan ka, darling? Lapitan mo naman ako dito sa kama!” tanong niya rito.

Dahil sa sinabi niya ay dahan-dahan itong tumayo sa kinauupuan, ngunit inalalayan ito ng nurse na naroon sa loob ng kwarto. Napansin niya na umiiyak na ang lahat ng nakapaligid sa kanila. Pati ang doktor na nagtanggal ng benda sa mga mata niya ay di naiwasang maluha.

Nang makalapit si Kristoff sa gilid ng kanyang kama ay kinakapa-kapa pa nito ang paligid hanggang sa mahawakan na nito ang kanyang mga kamay. Mas nagulat si Genevieve nang muling magsalita ang doktor sa kanilang harapan.

“Mister Cruz, huwag mo munang pwersahin, masasanay ka rin sa dilim. Buti at nailipat agad ang mga mata mo sa iyong misis dahil kapag nagtagal na walang donor na dumating ay baka tuluyan na siyang hindi makakita,” wika nito.

“A-anong ibig sabihin nito?” naluluhang tanong ni Genevieve.

“Ang iyong mister ang nagbigay ng kanyang mga mata sa iyo, misis,” sagot ng doktor.

Hindi na napigilan ni Genevieve na mapahagulgol sa ginawang sakripisyo ni Kristoff para sa kanya.

“Di ba sabi ko na ibibigay ko sa iyo ang liwanag? Ayan na darling ko. Ganyan kita kamahal,” sabi ni Kristoff.

Ipinakita ng kanyang mister kung ano ang kaya nitong gawin para maipakita at maipadama sa kanya kung gaano siya nito kamahal. Kaya nitong ibigay ang sariling paningin para sa kanya. Ibinigay nito ang liwanag kapalit ng liwanag na kailan man ay hindi na nito makikita pa.

Natanggap naman ni Genevieve ang bago nilang sitwasyon na mag-asawa. Mas lalo niyang minahal ang kanyang mister dahil napatunayan niya kung gaano siya kamahal nito. Nawalan man ng paningin si Kristoff ay itinuloy pa rin ng lalaki ang pagiging bokalista ng banda nito. Kung dati ay marami siyang tagahanga, sa nangyari sa kanya ay mas lalong dumagsa ang mga taga-suporta niya. Hinangaan siya ng mga ito sa sobra niyang pagmamahal sa kanyang asawa. Sa kabila ng tagumpay ni Kristoff bilang mang-aawit ay todo rin ang suporta sa kanya ni Genevieve na palaging nasa tabi ng mister saan man ito magtanghal kasama ang mga ka-banda. Ipinangako ni Genevieve na habang buhay niyang susuportahan ang asawa sa pag-abot ng mga pangarap nito. Masaya rin siya dahil madadagdagan na ang miyembro ng kanilang pamilya. Dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang anak nila ni Kristoff.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement