Pilit na Pagmamahal
Isang OFW si Nelly, sa kakakayod ay nakalimutan na niyang isipin ang kanyang buhay pag-ibig. Kaya noong minsang nakauwi siya ng Pinas ay may nanligaw sa kanya, si Jonathan, ay hindi na niya ito pinahirapan at agad itong sinagot.
Sweet ito at malambing pa, maalaga kaya wala siyang makitang kapintasan sa lalaki. Kung gaano kahaba ang bakasyon niya sa Pinas ay halos araw-araw silang magkasama nito at hindi na halos mapaghiwalay. Nang dumating ang araw na kinailangan na niyang bumalik sa ibang bansa ay nalungkot ito.
“Mabilis lang naman ang araw, Bhe. Kaya huwag kanang malungkot,” aniya rito.
“Nandito lang naman ako Bhe, hihintayin kita.”
Nang nasa Dubai na siya ay hindi lumilipas ang araw na hindi niya ito nakakausap. Mabait naman ang mga amo niya at hinahayaan lang siya, basta magawa niya lang ng tama ang trabaho.
“Bhe, may sasalihan akong networking. Ang sabi, kapag nagbigay ka raw sa kanila ng sampung libo kada-buwan kang tatanggap ng tatlong libo,” sabik nitong balita sa kanya.
“Baka naman sc*am ‘yan Bhe,” aniya.
“Hindi Bhe, kasi nakita ko sa mga kasamahan ko sa trabaho. Nakakatanggap sila ng tatlong libo buwan-buwan,” paliwanag pa nito. “Mas mabuti narin kasi iyon Bhe, makakapag-ipon tayo para sa future natin.”
Napangiti naman siya sa sinabi nito. Sabagay, tama naman si Jonathan, mas maiging may ipon sila. “Sige Bhe, sa sahod ko magpapadala ako sa’yo.”
Gano’n na nga ang ginawa niya, halos buong sahod niya’y ipinadala niya kay Jonathan. Maliban pa doon, tuwing monthsary nila ay pinapadalhan niya ito ng kung anu-ano gaya ng cellphone, imported na bag, mamahaling relo at marami pang iba.
Mabilis na lumipas ang panahon at isang taon na silang mahigit na magkasintahan. Hindi parin nagbago ang lalaki sa kanya. Panay tawag at videocall parin sila. Hanggang isang araw ay biglang tumawag sa kanya ang kanyang panganay na kapatid na si Ammy.
“Nelly, nakita namin si Jonathan na may kasamang ibang babae.”
“Ano ate? Paano niyo naman iyan nasabi? Baka sinisiraan niyo lang si Jonathan sa’kin para hindi ko na siya padalhan ng pera.” Hindi siya naniniwala sa kapatid. Paano nito nasabing may babae si Jonathan e halos araw-araw nga silang nagkakatawagan nito.
“Nelly, maling-mali talaga iyang ginagawa mong pinapadalhan mo siya ng pera. Hindi mo pa naman siya asawa ay pinagkakatiwalaan mo na siya ng lubos. Hindi din namin siya sinisiraan sa’yo, ano naman ang mapapala ko kung gagawin ko ‘yon?
Nais ko lang malaman mo na huwag kang masyadong makampante d’yan kay Jonathan dahil may nakikita akong kasama niyang babae. Ang kapal pa ng mukhang idaan dito sa bahay namin, iyon lang.” tinapos na nito ang tawag nila.
Simula noong kinausap siya ng kanyang ate ay hindi na niya pinadalhan pa ng pera si Jonathan, sa halip ay inipon niya iyon sa sarili niya. Hindi pa rin nagbabago ang kumunikasyon nilamg dalawa. Araw-araw parin niya itong nakakausap at nakaka-chat.
Pero mas maigi narin na huwag siyang maging kampante. Mas napaaga ang uwi niya sa Pinas, pero hindi niya iyon sinabi kay Jonathan. Ang buong akala nito ay sa susunod na buwan pa ang uwi niya. Walang kaalam-alam ang lalaki na papunta na siya ngayon sa bahay nito. Agad siyang kumatok dahil naka-lock sa loob ang pinto. Nakailang katok na siya ay hindi parin bumubukas ang pintuan.
Nang bumukas iyon ay bumungad sa harapan niya ang nakatapis ng kumot na babae habang si Jonathan naman ay nakahiga sa kama nito na ang tanging suot lang ay brief!
Pakiramdam niya’y biglang nag-akyatan sa ulo ang kanyang dugo at walang kung anu-ano’y sinabunutan niya ang babae.
“Ang kapal ng mukha ninyo! Ang kapal-kapal ng mga mukha ninyo!” galit niyang sigaw.
Pilit naman siyang inaawat ni Jonathan na hindi na alintana ang tanging suot nito. “Tama na Nelly!”
Nang mapagod sa pagsabunot sa babaeng ngayon ay mukhang kawawang nakaupo sa sahig ay saka lamang siya huminto at hinarap si Jonathan.
“Ang kapal ng mukha mo! Pinerahan mo lang pala ako! Ang galing-galing mo pang magsalita na para sa future natin, tapos ito lang ang maabutan ko sa’yo!” Sa sobrang galit na nararamdaman ay hindi na niya nakayanan pang pigilan ang luha. “Huwag kang mag-aalala, hinding-hindi ko na aasahan pang maibabalik mo pa sa’kin ang lahat ng naibigay ko sa’yo. Diyos nalang ang bahala sa inyo, dahil naniniwala akong may karma! At sana ma-karma kayong dalawa!” aniya at saka nagmartsa palabas ng bahay ni Jonathan.
Mahirap talaga kapag ipinilit lang ang pag ibig. Diyos lang kasi ang nakakaalam kung kailan natin makikilala ang tamang tao- kusang dumarating iyon at hindi hinahanap.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I
-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!