Lulong sa Alak ang Magkaibigang Lalaki; Hindi Nila Alam na sa Ganito Sila Dadalhin ng Tadhana

“Talagang tanghaling tapat ay nag-iinuman na naman kayong magkaibigan, ‘no? Wala na ba talaga kayong gagawin sa mga buhay ninyo?!” sambit ni Aling Nora sa magkaibigang Mang Uno at Mang Predo. 

“Kaya hanggang ngayon ay wala pa kayong mga asawa dahil sino ba naman ang papatol sa mga kagaya ninyong lasinggero!” dagdag pa ng ginang.

“Hay, naku Nora! Alam ko ‘yung asawa mo gusto ring makipag-inuman sa amin nang sa gayon kapag lango na siya sa alak ay gumanda ka naman sa paningin niya,” pang-aasar ni Mang Uno.

“Huwag kang makialam sa amin, Nora, at hindi naman kami sa’yo nanghihingi ng pang-alak namin! Pakialaman mo ‘yang winawalis mo, kanina ka pa riyan hindi ka pa tapos!” sambit naman ni Mang Predo. Tuloy sa hagalpakan ang dalawa. 

Kilala ang matalik na magkaibigan na ito sa kanilang baryo bilang mga dakilang manginginom. Pagkatapos nilang mamasada ay makikita mo na ang dalawa sa tapat ng tindahan at doon nag-iinuman. Madalas ay abutin ng hatinggabi ang mga ito. Paulit-ulit lamang ang kanilang ginagawa at pinagkukwentuhan ngunit hindi sila nagsasawa sa kanilang nakaugalian. 

Kaya ganoon na lamang ang pagkairita ng ibang kaptibahay.

“Hindi pa ba nasusunog ang mga atay ninyo? Imbes na kape ang inuuna niyong ilaman sa sikmura ninyo ay panay alak,” tanong ng may-ari ng tindahan. 

“Parehas lang naman ang kape at alak! Parehas silang mainit sa katawan. Dito na lang ako sa alak, makakalimutan ko pa ang lahat ng problema ko, hindi ba Predo?” wika ni Mang Uno.

Advertisement

Sa kalasingan ay hindi na nakaimik pa si Mang Predo sa tinuran ng kaibigan.

“Nabubuhay kayo sa alak. Baka mamaya ay iyan din ang ikasawi ninyo!” sambit pa ng may-ari ng tindahan. 

“Diyos ka ba, ha? Bakit nangunguna ka sa mangyayari sa buhay namin?! Pala-desisyon ka rin, ‘no! Kung naiinggit ka, uminom ka rin ng alak!” sigaw ni Mang Uno na ubod na nang lasing. 

Dahil sa pangyayaring ito ay hindi na pinahintulutan ng may-ari ng tindahan na mag-inuman pa sa tapat ng kanilang tindahan ang dalawa. Ngunit hindi ito ang makakapigil sa magkaibigan para sa magawa ang kanilang bisyo. 

“Mas mainam naman talagang uminom dito sa tapat ng bahay. Para kapag lasing na lasing na tayo ay diretsong tulog na lang,” natatawang sambit ni Mang Predo. 

“Ang kaso nga lang ay napakalayo ng tindahan. Kapag gusto pa natin ng alak ay mabibitin tayo!” tugon ni Mang Uno.

“Problema ba ‘yon? Mag-imbak tayo ng alak dito!” saad ng kaibigan. At ganoon nga ang kanilang ginawa.

Lalong tumindi ang bisyo ng dalawa.

Advertisement

Hanggang isang araw ay bigla na lamang sumakit ang tagiliran ni Mang Uno. Halata na rin ang paninilaw nito at madalas na itong lagnatin. 

“Uno! Kulang lang ‘yan sa alak, tara at mag-inuman tayo!” saad ni Mang Predo.

“Hindi ko kayang tumayo, pare! Ikaw na lang muna! Dadalhin din ako ng pamangkin ko sa ospital bukas dahil napakasakit na ng tagiliran ko! Hayaan mo kapag lubusan na akong magaling ay laklakan ulit tayo!” tugon ng kaibigan.

Isang linggo ang nagdaan at patuloy pa rin sa pag-inom si Mang Predo habang inaantay ang pagbabalik ng kaniyang pinakamatalik na kainuman. Ngunit isang balita ang gumulantang sa kaniya.

“Hindi na po makakabalik ang kaibigan ninyo,” saad ng pamangkin ni Mang Uno.

“Anong sinasabi mo riyan, bata? Bakit? Binalaan ba siya ng doktor na huwag nang uminom? Kaya nanghihiya ‘yang tiyuhin mo ay dahil sa matagal na siyang hindi nakakainom! Papuntahin mo ‘yan dito sa akin at gagaling kaagad ‘yan!” sambit ng lasing na lasing nang si Mang Predo. 

“Binawian na po ng buhay ang Tiyo Uno ko. Matagal na po pala siyang may sakit sa atay at malubha na ang karamdaman. Kanina po ay nasawi siya dahil na rin sa mga kumplikasyon,” pahayag ng pamangkin.

“Mang Predo, kung ako po sa inyo ay titigil na ako sa pag-inom. Alagaan niyo po ang katawan niyo hanggang kaya niyo pa,” dagdag pa ng binata. 

Advertisement

Halos nawala ang lasing ni Predo sa kaniyang narinig. Hindi siya makapaniwala na nasawi na ang kaisa-isa niyang kaibigan. Dahil dito ay ginupo ng lungkot si Mang Predo. Nais man niyang tumigil sa inom ay hindi niya magawa dahil sa tuwing siya ay walang tama ay naaalala niya ang kaibigan.

“Paalam na sa iyo, Uno. Pag nagkita tayo kung saan ka man naroroon ay mag-iinuman tayong muli!” saad niya sa puntod ng kaibigan. 

Isang gabi habang pasuray-suray na binabagtas ni Mang Predo ang kasalda upang bumili ng alak ay hindi niya napansin ang isang mabilis na motor na malapit na sa kaniyang nilalakaran.

“Muntik na ako don!” sambit ni Mang Predo.

“Pero ang masamang damo ay matagal mam*tay!” natatawa pa nitong sambit.

“Kung narito ang Pareng Uno ko ay mamamangha ‘yon sa nangyari!” dagdag pa niya.

Ngunit sa kaniyang pag-iwas ay may isang trak naman ang nakabangga sa kaniya. Sa tindi ng tama ay agad na binawian ng buhay si Mang Predo.

Agad na umugong ang balita sa kanilang lugar. Kinilabutan ang lahat ng magkasunod na binawaian ng buhay ang matalik na magkaibigan. Natupad din ang sinabi ni Mang Predo na magkakasama na sila ng kaniyang kaisa-isang kainuman.

Advertisement

Dahil sa alak ay parehas silang nasawi. Tunay ang sinabi ng may-ari ng tindahan na sa alak sila nabuhay at maaaring sa alak din sila mababawian nito.

Hanggang ngayon ay nagsilbing aral ito at babala sa mga taga-roon na walang idudulot na mabuti ang paglalango sa alak.