
Tampulan ng Tukso ang Dalagita Dahil sa Pisikal na Anyo Niya; Laking Pagsisisi ng mga Umaaway sa Kaniya Sa Huli
Buong buhay ni Jennifer, wala siyang ibang hiniling kundi ang maging normal na estudyante.
Ngunit hindi iyon posible dahil sa kaniyang pisikal na anyo.
“Payat! Kalansay!” ‘Yun ang madalas na maririnig na isinisigaw ng mga bully sa tuwing dumadaan si Jennifer.
Humpak ang pisngi, at hindi normal na pangangatawan – ‘yun ang pinakapansinin sa anyo ng dalagita.
Sanay na siya sa pambubully kaya naman itinutuon niya ang pansin sa kaniyang interes. Ang pagbabasa.
Ang pagbabasa kasi ang nagdadala sa kaniya sa ibang mundo. Sa mundo kung saan maari siyang maging kung sino mang gusto niyang maging.
Kaya naman pangarap niya na lahat ay matutong magbasa.
Malalim ang buntong hininga ni Jennifer. Kinakabahan kasi siya. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsasalita siya sa harap ng kanilang klase.
“Sige na, Jennifer. Sabihin mo na sa mga kaklase mo ang gusto mong sabihin,” nakangiting udyok ni Ms. Anne, ang kaniyang homeroom teacher.
“M-magandang u-umaga, classmates,” utal-utal sa kaba na panimula niya.
“M-magandang u-umaga rin, J-jennifer,” pang-aasar ni Dustin, ang kilalang bully sa kanilang magkaklase.
Napuno ng malakas na tawanan ang kanilang classroom.
“Dustin!” Nandidilat na saway ni Ms. Anne sa makulit na lalaki.
“Pagpatuloy mo na, Jennifer. Huwag mo na munang pansinin ang mga pasaway na ‘yan,” muling hikayat ng butihing guro sa napahiyang estudyante bago pinukol ng nananaway na tingin si Dustin.
Pilit na pinalakas ni Jennifer ang loob bago muling nagsalita.
“Kung pwede ko sana mahingi ang suporta ninyo. Kailangan ko kasi ng maraming libro para sa isang proyekto…”
Bago pa man matapos magsalita ang mahiyaing dalagita ay pinutakte na siya ng napakaraming katanungan.
“Anong gagawin mo sa libro?” Magtatayo ka ng sariling library? Nerd!” Muling pambubuska ni Dustin sa kaklase.
“Naubos na ba ang mga librong babasahin mo sa bahay kaya sa amin ka naman nahingi, Jennifer?” Segunda naman ni Arvin sa sinabi ng kaibigang si Dustin.
“Bakit hindi ka na lang bumili?” Taas kilay na tanong naman ni Abby.
Akmang magsasalita si Ms. Anne ngunit pinigil ito ni Jennifer. Mahalaga para kay Jennifer ang proyekto ngunit gusto rin nito na maging bukal sa loob ng mga kaklase ang pagtulong.
Pilit na ngumiti ang namumutlang dalagita. “Sige, salamat. ‘Yun lang ang gusto kong sabihin. Mas madaming libro, mas maganda. Alam ko naman na madami tayong mga libre na pwede pa mapakinabangan. ‘Yun lang ang nag-iisa kong hiling.”
Tumango-tango naman ang ilan sa kaniyang mga kaklase habang ang karamihan ay halatang hindi interesado.
Nginitian ni Jennifer ng matamis ang kaniyang mabait na homeroom teacher bago bumalik sa kaniyang upuan.
Nagsimula na ang klase kaya naman wala nang nakapansin ng malungkot na ngiti sa labi ni Jennifer.
Kinabukasan, ginulat sila ng malungkot na balita na ni sa hinagap ay hindi nila inakala.
Mugto ang mata ni Ms. Anne nang humarap sa klase. “Wala na si Jennifer. Nalaman ko sa mga magulang niya na simula pala pagkabata ay may sakit na pala siya sa puso. Bumigay na ang puso niya, kaya nang inatake siya kagabi ay hindi na siya nagawang isalba ng mga doktor.”
Tulala naman ang magkakaklase. Hindi nila inasahan na ang nagdaang araw pala ang huling pagkakataon na makikita nila ang kaklase.
Maging ang mga makukulit ay tila putol ang dila at hindi makaimik. Marahil naisip ng mga ito ang mga salitang huling sinabi sa yumao.
“Maari natin siya bisitahin mamayang gabi.” Akmang lalabas na ang guro nang may maisip.
“Naalala ninyo ba ‘yun hiling ni Jennifer sa atin kahapon?” Pagkuwa’y tanong nito.
“Ang mga libro…” seryosong sagot ni Dustin.
“Tama. Tuparin natin na huling hiling ni Jennifer.” May pilit na ngiti sa labi ng guro bago ito tuluyang lumabas ng silid aralan.
Nang sumapit ang gabi, sinalubong sila ng ina ng kaklase.
“Nakikiramay ho kami, Mrs. Torres,” nangingilid ang luha ni Ms. Anne habang tinatapik sa balikat ang lumuluhang ina na nagdadalamhati sa maagang pagkawala ng anak nito.
“Mula pagkabata ay hirap na siya. Alam ko na hindi maganda ang turing sa kaniya ng ilan dahil sa kaniyang anyo pero hindi niya kailanman ipinakita ‘yun sa amin. Ang kawawang anak ko…” humahagulhol na pagkukwento ng ginang.
Hindi naman napigilan ng magkaklase ang emosyon. Alam kasi nila na hindi rin nila tinrato ng maayos ang kaklase.
“Ang mahalaga ay hindi na siya mahihirapan,” wika ng ina bago sumulyap sa kabaong na kinalalagakan ng anak.
“Mrs. Torres, kahapon po ay kinausap kami ni Jennifer at nanghihingi siya ng mga libro. Alam niyo po ba kung para saan ang mga iyon?” Lakas loob na tanong ni Abby na siyang may hawak ng kahon na naglalaman ng mga librong hiniling ni Jennifer sa kanila.
Ngumiti ang ina.
“Halika, may ipapakita ako sa inyo.”
Sa isang kwarto ay namangha sila dahil kahon kahon na libro ang makikita. Iba’t ibang uri. May pambata at pangmatanda.
Nagulat sila sa impormasyong ibinahagi ng ina ni Jennifer.
“Pagbabasa ang hilig ni Jennifer mula pagkabata. Nang naglaon ay sinabi niya na gusto niya raw magturo sa mga bata na hindi kayang makapag-aral.” Kumislap ang mata ng ginang nang tila may maalala.
“Sabi niya, masaya raw ang pagbabasa. Hindi raw ito dapat ipagkait sa kahit na sino.” May tumulong butil ng luha sa mata ng ina.
Bawat isa ay manghang-mangha. Hindi kasi nila alam ang gawain na ito ng kaklase.
“Nagbibigay rin siya ng mga libro. Masyadong madaming libro ang gusto niyang ipamigay kaya naman nitong huli ay iminungkahi ko na humingi siya ng tulong sa mga kaibigan niya.
Bumagsak ang balikat ng iilan, nang maalala ang sagot sa kaklase noong nagdaang araw.
Matagal na namayani ang katahimikan. Maririnig lamang ang pagsinghot ng iilang pigil na pigil ang paghikbi, sising-sisi sa mga ginawa sa kaklaseng si Jennifer.
Si Ms. Anne ang bumasag sa katahimikan.
“Mabait na bata ho si Jennifer. Sayang at maaga siyang kinuha sa atin. Pero alam ko na masaya siya kung saan man siya naroroon. Doon ay wala na siyang sakit at pighati,” wika ng guro sa ina habang marahan itong tinatapik sa balikat.
Bilang pag-alala sa butihing estudyante na maagang lumisan at sa dakilang kawanggawa nito, naglunsad ang paaralan ng isang programa kung saan ang mga estudyante ay nagtuturo sa mga bata o matandang hindi nakakapagbasa at walang kakayahang pumasok sa eskwela.
Taon-taon ay libo-libong libro rin ang pinmimigay nila.
Kung nasaan man si Jennifer, sigurado silang masayang-masaya ito at may nagpatuloy sa naudlot nitong misyon.