
Pineke ng Binata ang Kaniyang Grado Upang Mapasaya ang Ama, Labis Siyang Napaluha nang Makita ang Reaksyon Nito nang Malaman ang Totoo
“O, anak, kailangan mataas na ang makukuha mong marka, ha? May personal nang nagtuturo sa’yo ng mga asignatura mo. Huwag mong hayaang masayang ang bayad ng papa sa kaniya, ha? Aral lang nang aral, anak!” sambit ni Mang Popoy sa kaniyang anak.
“O-opo, papa,” nag-aalinlangang sagot ni Ben.
“Bakit parang hindi ka sigurado? May problema ba, anak?” tanong ng kaniyang ama.
“Naku, wala po, papa! Masaya nga po akong natututukan ako ng personal kong guro, kasi kapag nasa eskwelahan na ako, nakakasagot ako sa mga tanong ng guro ko doon,” pagmamalaki niya sa ama dahilan upang ito’y mapangiti.
“Magandang balita ‘yan, anak! Hindi na ako makapaghintay na makapagtapos ka ng pag-aaral at maging isang ganap na doktor!” tuwang-tuwang saad nito.
“Ma-makakaasa po kayo, papa,” mahinang sagot niya tila puno siya ng pag-aalinlangan.
“O, paano, pasok muna ako sa trabaho, ha? Mag-aral kang mabuti, mahal kita!” paalam nito sa kaniya saka tuluyan nang lumisan.
Nasa ikalabing isang taon na sa hayskul ang solong anak na si Ben. Bata pa lang siya, nais na ng kaniyang ama na makakuha siya ng matataas na marka dahil paniniwala nito, kapag mataas ang markang makukuha niya, malaki ang tiyansa niyang maging matagumpay na doktor gaya ng pangarap nito para sa kaniya.
Ngunit tila hindi umaayon ang tadhana sa kaniyang kakayahan dahil sa ilang taon ng kaniyang pag-aaral, madalas, kung hindi mababa, pasang-awa ang mga nakukuha niyang grado. Ito ang naging dahilan upang kuhanan siya ng kaniyang ama ng sariling gurong tinuturuan siya sa kanilang bahay. Bukod pa ang pag-aaral niya sa kaniyang eskwelahan.
Pinipilit naman niya talagang mag-aral nang mabuti. Palagi siyang nakikinig sa mga diskusyon, ngunit sa tuwing dadating na ang oras ng pagsusulit, palagi niyang nakakalimutan lahat ng kaniyang pinag-aralan dahilan upang makakuha siya ng mababang iskor sa kaniyang mga pagsusulit.
Noong araw na iyon, matapos umalis ng kaniyang ama, dali-dali siyang bumalik sa kaniyang kwarto upang mag-aral. Araw ng kanilang pagsusulit no’n. Masikap niyang binalikan lahat ng kanilang pinag-aralan at nang makasiguradong napag-aralan na niya muli ang kanilang mga pinag-aralan, agad na siyang nag-ayos at pumasok na sa eskwela.
Kahit kabado, buong tapang niyang kinuha ang pagsusulit ngunit katulad ng dati, pagkaharap niya sa papel ng pagsusulit, nablangko na naman siya at walang naisagot. Kaya naman ganoon na lamang siya pinanghinaan ng loob.
“Hindi pwedeng mabigo ko si papa, lahat ginagawa niya para sa akin. Dapat may gawin ako para tumaas ang grado ko,” ‘ika niya sakto namang dumaan sa kaniyang harapan ang nangunguna sa kanilang klase dahilan upang kausapin niya ito at humingi ng tulong.
“Naku, wala akong oras para tulungan ka, kailangan ko pa mag-aral. Grado lang pala ang problema mo, eh, bakit hindi mo na lang ipakopya ang card ko, palitan mo na lang ng pangalan saka mo bigay sa tatay mo,” masungit na sabi nito saka agad na umalis.
Napaisip naman siya sa sinabi ng kaniyang kaklase at tila bahagya siyang nabuhayan ng loob.
“Tama, pwede naman ‘yon, eh, tiyak matutuwa si papa!” nakangiting sambit niya.
Dumating na nga ang araw ng bigayan ng mga marka. Katulad ng kaniyang pinagplanuhan, pinakopya niya sa computer shop ang grado ng kaniyang kaklase at ibinigay ito sa kaniyang ama.
Halos mangiyakngiyak ito sa tuwa nang makita ang kaniyang card. Ika pa nito, “Sabi na nga ba, eh, kayang-kaya mo rin makakuha ng mataas na marka! Manang-mana ka talaga sa akin!”
Buong akala niya’y ayos na ang lahat. Ngunit dahil sa sobrang kasiyahan ng kaniyang ama, nagdala ito ng mga pagkain sa kanilang silid-aralan kinabukasan at lubos na nagpasalamat sa kaniyang mga guro doon.
Takang-taka naman ang kaniyang mga guro dahilan upang kausapin ng mga ito ang kaniyang ama. Noong pagkakataong iyon, napailing na lamang siya’t inihanda ang sarili sa galit na mararamdaman ng ama.
Pagkalabas ng kaniyang ama sa silid, agad siya nitong hinila palabas ng eskwelahan. Kitang-kita niya sa mukha nito ang galit at halos bumagsak na ang luha sa mga mata nito.
“Papa, patawarin niyo po ako, sorry po talaga,” hikbi niya ngunit laking gulat niya nang bigla siyang yakapin ng kaniyang ama.
“Hindi, anak, ako ang patawarin mo, masyado kitang ginigiit na makakuha ng mataas na marka. Ngayon ko napagtantong kaya mong gawin lahat para mapasaya ako. Siguro kailangan kong tanggapin kung ano lang ang kaya mong ibigay sa akin,” sambit nito saka pilit na ngumiti sa kaniya.
Simula noong pag-uusap nilang iyon, muling nagkaroon ng pag-asa ang binatilyong si Ben. Ika niya, “Sobrang swerte ko talaga sa aking ama, kaya hindi ko siya bibiguin. Papatunayan kong kahit mababa man ang mga marka ko ngayon, aarangkada ako pagdating ko ng kolehiyo,” at doon na nga niya sinimulang magsunog ng kilay para sa pangarap ng kaniyang ama.
Sa loob ng halos walong taong pag-aaral sa kolehiyo, matagumpay siyang nakapagtapos at naging isang ganap ng doktor. Ganoon na lamang ang tuwa ng kaniyang ama dahil napatunayan niyang hindi batayan ang marka upang magtagumpay siya sa buhay.