
Tinangka ng Lalaki na Tuldukan na ang Kaniyang Buhay Dahil sa Hirap na Nararasan, Humagulgol Siya nang Bigyan ng Pag-asa ng Anak
“Tay, nagugutom na po sila bunso, wala pa po tayong pagkain,” daing ng panganay na anak ni Selin, isang umaga matapos niyang gisingin ang ama.
“Naku, pasensiya na kayo mga anak, subukan kong manghingi ulit sa mga kapitbahay, ha? Hintayin niyo ako,” dali-daling sagot ni Mang Tasing, saka agad na bumangon. Pupungay-pungay pa ang mga mata nito habang kumukuha ng tasang paglalagyan ng nahinging pagkain.
“Manghihingi po ulit kayo, tay? Hindi po ba nakakahiya na sa kanila?” pang-uusisa pa nito.
“Nahihiya na nga ako, Selin, kaso wala, eh, kung papairalin ko ang pagkamahiyain ko, magugutom kayo,” buntong hininga niya, ‘di niya magawang tumingin sa anak dahil sa kahihiyan.
“Tatay, kung payagan niyo na kaya akong pumasok ulit sa trabaho? Bumaba na naman ang mga nagkakasakit dahil sa virus, eh,” pagpupumilit nito, bakas sa mukha ng dalaga ang kagustuhang makatulong.
“Hindi na, anak, kung may dapat magtrabaho, ako ‘yon. Hinihintay ko lang magbigay ng abiso ang amo ko, papasok na ulit ako. Kaya ni tatay, ‘to, ‘wag ka mag-alala,” nakangiting sambit niya saka na tuluyang lumabas upang manghingi sa mga kapitbahay ng kaunting makakain.
Mag-isa nang tinataguyod ni Mang Tasing ang kaniyang apat na mga anak simula noong sumakabilang buhay ang kaniyang may bahay dahil sa sakit sa puso. Simula noong mabiyudo, wala na siyang ibang ginawa kundi ang magtrabaho para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak.
Pumapasok siya bilang construction worker sa umaga habang naglalako naman siya ng balot at penoy sa gabi dahilan upang matugunan niya ang pag-aaral ng kaniyang mga anak at ang kanilang pagkain sa araw-araw.
Ngunit simula noong kumalat ang virus at magsimulang ipatigil lahat ng trabaho, naging malaking epekto ito sa kaniyang pamilya. Sakto kasing bago mag-lockdown, naospital pa ang kaniyang bunsong anak dahil sa sakit na namana nito sa kaniyang asawa dahilan upang malimas ang kaniyang kakarampot na ipon.
Simula noon, araw-araw na siyang rumaraket para may maipakain sa mga anak. May araw na tumatanggap siya ng mga labada, naghahakot ng mga basura o kundi nama’y naglilinis ng sasakyan. Maswerte na kung may makatanggap sila ng ayuda galing sa barangay na pinagkakasiya niya sa kanilang lima.
Ngunit may mga araw ding wala na talaga siyang makuhanan ng pera dahilan upang kapalan na niya ang kaniyang mukha na manghingi sa kanilang mga kapitbahay.
Dahil nga alam naman ng mga ito ang pinagdadaanan ng kaniyang pamilya, binibigyan siya ng mga ito kahit papaano.
Ngunit nang tumagal, nakakarinig na siya ng mga masasakit na salita sa mga ito. May isang kapitbahay pa ngang nagsabi sa kaniyang, “Tamad ka kasi kaya wala kang mapakain sa mga anak mo! Subukan mong magtrabaho! Hindi yung aasa ka sa mga bigay namin!” na labis niyang dinamdam.
Ngunit kahit pa ganoon, pinagpatuloy niya pa rin ang panghihingi kahit pa hiyang-hiya na siya sa sarili.
Noong araw na ‘yon, halos nalibot na niya ang kanilang buong barangay ngunit ni isang sandok ng kanin, wala nang nagbigay sa kaniya. Dahilan ng kaniyang mga kapitbahay, “Wala na rin kaming makain.”
Lumong-lumo siyang umuwi sa kanilang barong-barong. Agad siyang sinalubong ng mga anak sa paghihinalang may pagkain siyang dala.
“Pasensiya na kayo, walang nagbigay, eh, pero ito, may tubig naman tayo, magtubig muna kayo, nakakabusog ‘yan!” masigla niyang sambit, kahit pa kita sa kaniyang mga mata ang awa sa mga anak at sa sarili.
Lumipas ang araw na iyon na wala siyang naipakain sa kaniyang mga anak. Nag-iiyakan na ang dalawa niyang maliit ng anak pagtungtong ng gabi dahilan upang agad niya nang patulugin ang mga ito upang huwag nang makaramdam ng gutom.
Nang makita niyang tulog na lahat ng kaniyang anak, mangiyakngiyak niyang pinagmasdan ang mga ito.
“Pasensiya na kayo, ako ang naging tatay niyo,” hikbi niya at doon na sumabit sa isip niyang tapusin ang kaniyang buhay dahil sa hirap na kanilang nararanasan. Ika niya pa, “Hindi ko na kayang marinig ang mga iyak niyo dahil sa pagkagutom,” saka niya itinali ang tinatago niyang lubid sa poste ng kanilang bahay.
Ngunit maya-maya, halos mapalundag siya nang biglang magsalita ang kaniyang panganay na anak, “Mas magugutom kami kapag wala ka, ‘tay. Malaki nga ang pasasalamat namin dahil ikaw ang tatay namin. Handa kang gawin ang lahat para sa amin, kahit pa ibaba ka ng ibang tao. Huwag mo gawin ‘to, tay, hindi ka namin nakilala bilang duwag na padre de pamilya,” saka siya nito niyakap at doon na siya tuluyang nanlambot at humagulgol.
Simula noong pagkakataong iyon, mas lalo niyang nilakasan ang loob para sa kaniyang mga anak. Napagtanto niyang tama nga ang kaniyang anak, mas lalo silang maghihirap kung mawawala siya.
Tila sumang-ayon naman ang tadhana sa kanila dahil kinabukasan, tinawagan na siya ng kaniyang amo at pinalabalik na siya sa trabaho.
Ganoon na lamang ang kaniyang tuwa at tila bumalik ang kaniyang pag-asa sa buhay.
Doon na nagtuloy-tuloy ang pag-angat nila sa buhay. Hindi man siya muling makaipon pa, ang mahalaga ngayon para sa kaniya, nakakakain na ang kaniyang mga anak ng tama sa oras.
Madalas kapag nahaharap tayo sa hirap ng buhay, naiisip nating sumuko na lamang. Nawa’y lagi nating isiping may mga taong sa ati’y umaasa, ‘wag natin silang biguin dahil tiyak, mas mahihirapan sila kung tayo’y wala na.