Hindi Magawang Makatulog ng Binata Dahil sa Ingay na Gawa ng Kaniyang Kapitbahay, Nagulantang Siya sa Kaniyang Nalaman

“O, Ronald, bukas panggabi ka ulit, ha? Masyado na kasi tayong marami sa umaga, ‘yung iba, wala nang ginagawa, nakatambay na lang,” balita ng namamahala ng kumpanya sa kaniya habang siya’y abala sa pag-aayos ng sapatos.

“Eh, boss, baka pwedeng sila na lang ‘yung ilipat niyo ng schedule. Pahirapan po kasi akong makatulog sa inuupahan ko kapag umaga, palaging pumapalahaw ng iyak ‘yung bata doon,” alma ni Ronald.

“Naku, Ronald, ilang linggo na kitang pinagbigay na pang-umaga ka, eh, nagtatampo na ‘yung iba. Pasensiya ka na, pakiusapan mo na lang ‘yung kapitbahay mo para makatulog ka pag-uwi mo,” paliwanag nito sa kaniya.

“Sige po, boss, salamat,” mahinang sagot niya saka bumalik sa pag-aayos, “Kapag hindi talaga ako nakatulog dahil sa ingay nila, susugurin ko na sila. Mapaaway na kung mapaaway, nakakaperwisyo na sila,” sambit niya sa sarili, bakas sa kaniyang mukha ang matinding pagkainis sa maingay na kapitbahay.

Empleyado sa isang pagawaan ng sapatos ang binatang si Ronald sa Maynila. Bata pa lamang siya, pinangarap na niyang makarating sa naturang lugar. Akala niya kasi, magaan ang buhay dito tulad nang sinasabi ng iba dahil nga kilala ang lugar sa mga nagtataasang gusali’t abalang kalsada.

Kaya naman, pagkatapos niyang mag-aral ng hayskul, agad na siyang namuhunan upang makaluwas. Sa kabutihang palad naman, agad siyang nakakita ng trabaho na may magandang pasahod kahit pa hindi siya tapos sa kolehiyo. Dahil dito, hindi na niya ito binitawan at ginawa ang lahat upang mapaganda ang kaniyang pagtatrabaho dito.

At dahil nga tubong probinsya, napilitan siyang umupa ng matutuluyan malapit sa kaniyang pinagtatrababuhan. Naging maayos naman ang unang buwan nang pamamalagi niya dito, ngunit hindi nagtagal, palagi na siyang naaabala ng mga ingay na gawa ng isang batang palaging umiiyak sa kabilang kwarto. Dingding lang kasi ang pagitan ng bawat kwarto, dahilan upang marinig niya lahat ng nangyayari sa kabilang panuluyan. Ito ang naging dahilan upang palagi niyang hinihiling na ipang-umaga siya sa trabaho upang sa gabi’y mapayapa siyang makatulog. 

Ngunit hindi na siya napagbigyan ng tagapamahala dahil nga halos dalawang buwan na siyang pang-umaga at nag-aalmahan na ang ibang mga empleyado.

Advertisement

Napilitan nga siyang pumasok ng panggabi kinabukasan. Saktong alas sais ng umaga siya nakauwi sa kaniyang inuupahan, pagod na pagod niyang ibinagsak ang katawan sa kaniyang kama. Papikit pa lamang siya nang bigla na namang ngumalngal ang bata sa kabilang bahay na nasundan pa ng sigaw ng ina nito. 

“Nananadya talaga kayo, ha? Isa pa!” bulyaw niya at muli na naman siyang nakarinig ng sigaw mula sa isang babae dahilan upang magpasiya na siyang puntahan ito upang mapagsabihan.

Galit na galit niyang kinatok ang mga ito. Ngunit nakailang katok na siya, wala pa ring nagbubukas ng pintuan at tuloy pa rin ang pag-iyak ng naturang bata dahilan upang pilitin na niyang buksan ang pintuan dahil sa inis na nararamdaman.

Bumulaga sa kaniya ang isang babaeng nakahiga sa sahig, puno ng mga sugat at pasa, tinitingnan lang nito ang batang halos hindi na makahinga kakaiyak. Agad niyang binuhat ang bata saka tinanong ang babae kung anong nangyayari sa kanila at doon na ito nagsimulang humagulgol. 

“Parang-awa mo na, huwag mong ipagsasabi ang nakita mong mga sugat at pasa ko, ha? Lalo akong malilintikan sa asawa ko,” hikbi nito, “Iligtas mo ang anak ko, ilayo mo siya dito, ayokong masaksihan niya pa ang pananakit sa’kin ng kaniyang ama. Ayokong kalakihan niya ito. Umalis na kayo, bago pa dumating ang asawa ko. Bahala na kung anong gagawin niya sa akin basta ligtas ang anak ko,” dagdag pa nito saka siya pinagtabuyan palabas.

Halos hindi siya makapaniwala sa mga nalaman. Agad niyang pinasok ang bata sa kaniyang silid. Binalot niya ito ng tela saka muling binuhat at agad siyang nagtungo sa pulisya. Ika niya, “Bahala na, hindi ko kakayaning magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa mga nasaksihan at nalaman ko.”

Sa kabutihang palad, agad na rumesponde ang mga pulis. Saktong binubugbog ng naturang lalaki ang kaniyang asawa dahil sa pagkawala ng kanilang anak dahilan upang agad siyang dakipin. 

Mangiyakngiyak siyang niyakap ng babae, lumuhod pa ito sa kaniyang harapan dahil sa labis na pasasalamat.

Advertisement

“Akala ko, hindi na ako makakatakas sa madilim na silid na iyon,” hikbi nito saka kinarga ang batang ngayo’y tumahan na kakaiyak.

Napunta sa pangangalaga ng lokal na pamahalaan ang mag-ina habang sila’y sumasailalim sa mga imbestigasyon. Laking tuwa naman ni Ronald dahil bukod sa mapayapa na siyang nakakatulog pagkatapos ng trabaho, nakatulong pa siya sa kapitbahay niyang nakakaranas pala ng pang-aab*uso. 

Simula noon, naging mapayapa na muli ang kaniyang pamamalagi sa naturang panuluyan dahilan upang lalo siyang ganahan sa pagtatrabaho. May pagkakataon talagang ang ingay na ating kinaiinisan ay ang ingay pang makakapagdala ng hustisya sa mga naaabu*so. Nawa’y huwag tayong magbingi-bingihan lalo na kung buhay ang nakatayang mawala.