Inday TrendingInday Trending
Hindi Magkaanak ang Mag-asawa sa Dalawang Taon Nilang Pagsasama; Isang Araw ay Napag-alaman ng Misis na Nagdadalang-Tao Siya, Subalit Bakit Tila Sinusundot ang Konsensiya Niya?

Hindi Magkaanak ang Mag-asawa sa Dalawang Taon Nilang Pagsasama; Isang Araw ay Napag-alaman ng Misis na Nagdadalang-Tao Siya, Subalit Bakit Tila Sinusundot ang Konsensiya Niya?

Humarap si Alyssa sa kaniyang asawang si Conor matapos makita ang resulta ng pregnancy test kit.

“Dalawang linya ba? Positive?” tanong ni Alyssa. Nakabadha sa mukha niya ang pagkadismaya.

“Wala pa… wala pa tayong baby…” matabang na tugon ni Alyssa. Bumalik siya sa kanilang silid mula sa palikuran at naupo sa gilid ng kama. Nilapitan siya ng mister na si Conor at niyakap mula sa kaniyang likuran.

“Gagawa na lang ulit tayo… gusto mo ngayon na eh…” paglalambing ni Conor sa misis. Dalawang taon na silang kasal subalit wala pa rin silang anak. Ayaw naman ni Conor na magpakonsulta sila sa espesyalista.

Pumiglas si Alyssa sa pagkakayakap ng mister.

“Wala ako sa mood. Isa pa, may pasok ako sa opisina. Bumangon ka na riyan. May pasok ka rin. Bababa na ako sa kusina para makapagluto.”

Hangad ni Alyssa na magkaroon na sila ng supling ni Conor. Lingid sa kaalaman nito, nagpakonsulta na siyang mag-isa sa espesyalista. Wala namang problema sa kaniya. May kakayahan siyang magbuntis. Kung gayon, maaaring si Conor ang may diperensiya subalit ayaw nitong pakonsulta.

Isang araw, habang namimili sa isang supermarket, hindi sinasadyang magkrus ang landas nila ng kaniyang dating kasintahan na si Miguel. Inaya siya nitong magkape. Ito ang lalaking una niyang minahal bago si Conor, na hanggang ngayon ay may kaunting puwang sa kaniyang puso, aminado siya.

Nagpaunlak naman siya; naisip niyang wala naman sigurong masama kung kukumustahin niya ito. Tutal, alam na naman nito na may asawa na siya.

“Mahal pa rin kita, Alyssa. Wala akong pakialam kung may asawa ka na. Basta gusto kong sabihin sa iyo na mahal kita, at narito ako para sa iyo,” sabi ni Miguel. Hinawakan nito ang kaniyang kamay, ngunit madali itong binawi ni Alyssa. Mahirap nang may makakita sa kanila at pag-isipan pa sila nang masama, at baka makarating sa mister.

“Sa huling pagkakataon, Alyssa. Hayaan mong makasama kita,” pakiusap ni Miguel.

Hindi rin malaman ni Alyssa kung paano siya napapayag ni Miguel na pumasok sa isang motel. Nakita na lamang niya ang sariling walang saplot. Nakarating siya sa kakaibang ligayang hindi niya laging nararamdaman kay Conor sa dalawang taong pagsasama nila; ang rurok na si Miguel lamang ang may kakayahang magbigay sa kaniya noon, at hanggang ngayon. Pawisan at humihingal sila pagkatapos.

“Ano bang nangyari sa ating dalawa? Bakit ba tayo hindi nagkatuluyan?” tanong ni Miguel kay Alyssa.

“Ikaw ang unang nakipaghiwalay, hindi ba? Sabi mo, gusto mong maging matagumpay sa iyong career kaya ka nangibang-bansa. Iniwan mo ako,” sumbat ni Alyssa.

“Pero sabi ko hintayin mo ako…”

“Hindi na ako nakahintay pa. Nariyan si Conor. Siya ang sumalo sa akin noon. Miguel… ito na ang huling pagkikita natin. May asawa na ako, at ayokong pagtaksilan ang mabait kong asawa. Mabuti siyang tao. Closure ito, at wala na itong karugtong pa,” paglilinaw ni Alyssa.

Makalipas ang isang buwan, nakaramdam ng kakaiba sa kaniyang katawan si Alyssa. Lagi siyang naduduwal at nahihilo. Hindi rin siya dinatnan ng buwanang dalaw. Gayon na lamang ang kaniyang kasiyahan nang mapag-alamang buntis siya, subalit bigla ring naparam, dahil isang tanong ang sumagi sa kaniyang isipan: sino ang ama? Si Conor, o si Miguel?

Subalit hindi dapat malaman ni Miguel ang kaniyang kalagayan. Madali lamang naman itong pagtakpan. May asawa siya. At sana, panalangin niyang si Conor ang tunay nitong ama. Kaya masaya niyang ipinamalita ang kaniyang kalagayan kay Conor.

“B-buntis ako, mahal…” pagtatapat ni Alyssa sa mister. Inaasahan ni Alyssa na lulundag at magsisisigaw ito sa kasiyahan kagaya noong sinagot niya ito ng matamis na oo, subalit niyakap lamang siya nang mahigpit ng asawa.

“Masaya ako, masayang-masaya. Tatay na ako,” naluluha at nakangiting sabi ni Conor sa misis.

Mabilis ang mga pangyayari. Nagsilang si Alyssa ng isang malusog na lalaking sanggol. Joshua Conor ang naging pangalan nito. Naging marangya rin ang naging binyag nito dahil ito ang kanilang panganay.

Nasaksihan ni Alyssa kung gaano inalagaan at minahal ni Conor ang kanilang anak. Ito ang naghehele, nagpapalit ng lampin, at nagpapatulog. Isang mabuting ama si Conor kung gaano ito kabuting asawa. Sinusundot ng konsensiya si Alyssa sa tuwing naaalala ang naging kataksilan dito, at sa isiping maaaring si Miguel ang tunay na ama ni JC.

Makalipas ang isang taon ay naratay sa banig ng karamdaman si Conor. May ka*nser ito at nasa terminal na estado na. Inilihim niya ito kay Alyssa upang hindi mag-aalala. Subalit higit pa rito ang ikinagitla ni Alyssa mula sa rebelasyon ng mister.

“Mahal… bago pa man dumating si JC sa atin, alam kong baog ako. Hindi ako magkakaanak. Kaya nagulat ako nang mabuntis ka,” pag-amin ni Conor.

Hindi nakapagsalita si Alyssa. Tumulo nang kusa ang kaniyang mga luha. Gusto niyang lumubog sa kinauupuan. Hiyang-hiya siya sa asawa.

“Subalit nanahimik lamang ako. Hindi ako nagtanong. Alam ko kasing gustong-gusto mo nang magkaanak. Kaya… kaya masakit man, tinanggap ko na lamang ang lahat. Alam kong hindi ko dugo’t laman si JC sa una pa lamang… subalit mahal na mahal kita, Alyssa. Kaya minahal ko na rin si JC bilang anak ko…” umiiyak na pagtatapat ni Conor habang bumabalong ang mga luha sa kaniyang mga mata.

Hindi na napigilan ni Alyssa ang pagsambulat ng kaniyang damdamin, kasabay ng pag-amin sa kasalanang kaniyang ginawa.

“Patawarin mo ako Conor… hindi ko alam na mangyayari iyon. Patawarin mo ako…” sising-sisi si Alyssa, subalit niyakap lamang siya ni Conor.

“Pinatatawad na kita, mahal. Alam kong hindi na ako tatagal. Isang blessing in disguise ang mga nangyari. Si JC ang mag-aalaga sa iyo kapag wala na ako. Mahal na mahal kita. Mahal na mahal ko kayo,” turan ni Conor.

Sa harap ng puntod ni Conor, ipinangako niya rito na aalagaan niyang mabuti si JC, at palalakihing kasimbuti ng namayapang asawa.

Advertisement