Dahil sa Trabaho’y Dinapuan ng Sakit ang Nars; Dito Pala Niya Matatagpuan Ang Lalaking Makakasama Habambuhay

“Anak, kung hindi na lang kaya kita payagan na pumasok sa trabaho mo?” saad ni Aling Ana sa kaniyang anak na si Gerlyn habang nag-aayos ang dalaga papasok ng kaniyang trabaho bilang nars sa isang ospital.

“Nay, alam niyo namang hindi ako papayag sa gusto niyo,” tugon ng anak.

“Marami na ang nahahawahan ng sakit at marami nang tulad mo ang nagkakasakit din at ang malala pa doon ay –” hindi masabi ni Aling Ana ang kasunod. Natatakot siya na mawala ang kaniyang anak dahil sa bayrus na nagpalaganap ng epidemya.

“Nay, may sinumpaan po akong tungkulin. Saka mag-iingat po ako. H’wag kayong mag-aalala dahil gagawin ko ang lahat para hindi ako dapuan ng sakit. Uuwi po akong buhay sa inyo!” matapang na tugon ni Gerlyn.

Isang taon pa lamang na nagtatrabaho sa ospital si Gerlyn bilang isang nars. Kahit na nangangamba siya para sa sariling kapakanan ay hindi niya magawang lumiban sa trabaho dahil alam niyang higit kailanman ay ngayon sila kailangan. 

“Minsan napanghihinaan na rin ako ng loob sa totoo lang. Parang hindi na matatapos ang pandemya na ito,” saad ni Gerlyn sa kaniyang kasamahang si Ronald.

“May awa ang Diyos, Gerlyn. Basta kailangan manatili tayong malusog para sa mga tao lalo na para sa mga pamilya natin! Naniniwala ako na kaunting panahon na lamang at matatapos na rin ito,” tugon ni Ronald. 

Gusto man ni Gerlyn na maniwala sa sinasabi ng kaniyang kasamahan ay alam niyang malabo itong mangyari. Halos hindi na ng tumanggap ng pasyente ang kanilang ospital sa dami ng natamaan ng bayrus. Kulang na rin sila sa mga doktor at nars. Kulang na kulang na rin ang mga pasilidad para sa mga iba pang sakit.

Advertisement

Kaya naiintindihan niya ang kaniyang ina kung bakit ito nag-aalala nang lubusan. 

“Narinig niyo na ba? Nasawi na daw si Doctor Mendez. Sayang at magaling pa naman siyang doktor,” saad ng isang nars. 

Ramdam ang lungkot sa ospital ng araw na iyon. Dahil sa nangyari ay lalo silang pinag-iingat. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay may isang babae ang hindi nagdeklara ng tamang impormasyon sa kanila.

Ang malala pa nito ay si Gerlyn pa mismo ang umasikaso sa ina at sa anak nito.

Nang makita sa pagsusuri ay positibo ito sa bayrus. Natakot na rin si Gerlyn sa kaniyang sarili dahil nagkaroon na rin siya ng sintomas ng sakit. 

Unti-unting lumala ang kalagayan ni Gerlyn na sa panahon na iyon ay hindi alam ng kaniyang ina ang tunay na nangyari sa kaniya dahil ayaw niya itong lubusang mag-alala.

“Ronald, huwag mong sasabihin sa nanay ko ang nangyari sa akin. Baka atakihin pa siya sa puso at iyon ang kaniyang ikasawi,” saad ni Gerlyn kahit na nahihirapan huminga.

“Hindi ko alam kung paano ko pa ito malalagpasan ngunit pakisabi na lamang sa nanay ko na mahal na mahal ko siya,” sambit pa ng dalaga.

Advertisement

“Kung mahal mo talaga ang nanay mo, Gerlyn, ay lalaban ka at muli kang uuwi sa kaniya. Tutupad ka sa pangako mo sa kaniya na hindi ka magpapagapi sa sakit na ito. Gagawin namin ang lahat upang mailigtas ka,” wika ni Ronald sa dalaga.

Ngunit unti-unti nang nawalan ng malay si Gerlyn. Araw-araw ay patuloy ang pagbigat ng kaniyang paghinga.

Tila nawawalan na rinng pag-asa ang lahat dahil sa tindi ng mga pangyayari. Kapag nagkakamalay si Gerlyn ay naiiyak na lamang ito sa sakit na kaniyang nararamdaman. Dahil dito ay malapit na rin siyang bumitaw.

Ngunit tila mirakulo ang nangyari. Sa isang linggong pakikibaka ni Gerlyn sa kaniyang buhay ay unti-unti na siyang nagkamalay. Hanggang sa tinganggal na din ang mga aparatong nakadikit sa kaniya.

Agad niyang nasilayan si Ronald.

“Masaya akong nakabalik ka,” sambit ni Ronald. “Tumupad ka sa pangako mo na lalaban ka. Sa totoo lang hindi ko na alam kung ano ang sasabihin ko sa nanay mo,” dagdag pa nito.

“Sa totoo lang din, Ronald, malapit na akong sumuko. Pero hindi ko alam kung anong enerhiya ang bumalot sa akin at bigla na lamang akong nabuhayan ng loob — pinilit ko talagang lumaban,” sagot ng dalaga.

“Magpagaling ka na ng tuluyan para makauwi ka na. Kapag tuluyan ka nang makalabas dito ay may sasabihin ako sa’yo!” wika ng kaibigan.

Advertisement

Tuluyan na ngang gumaling si Gerlyn at sa wakas makalipas ang halos isang buwang pananatili sa ospital ay tuluyan na itong nakalabas. Lingid sa kaalaman ng dalaga ay alam ng kaniyang ina ang lahat ng pangayayari.

“Walang oras na hindi ako nanalangin, anak, na sana ay ibalik ka pa sa akin,” wika ni Gerlyn. 

Nainis ang dalaga sapagkat mahigpit niyang bilin kay Ronald na huwag na huwag sabihin ito sa kaniyang ina.

“Huwag kang magalit sa kaniya, anak. Karapatan kong malaman ang totoo. Higit sa lahat utang mo sa kaniya ang pangalawang buhay mo,” pahayag ng ina.

Nagugulumihanan si Gerlyn.

“Si Ronald ang nagdonate ng plasma ng dugo na kinailangan mo. Bukod pa doon ay siya rin ang matiyagang nagbantay at nag-alaga sa iyo sa ospital. Pinangako niya sa akin na kahit ano ang magyari ay ibabalik ka niya sa akin ng buhay,” wika pa ng ina. 

“Bukod pa roon ay may ipinaalam siya sa akin. Ngunit sa tingin ko ay mas dapat siya na ang magsabi sa iyo,” dagdag pa ni Aling Ana.

Ang hindi alam ni Gerlyn ay matagal na palang umiibig sa kaniya si Ronald. At habang nakaratay siya sa karamdaman ay hiningi na nito ang kamay ng dalaga sa kaniyang ina kasabay ang pangako na aalagaan niya ito kahit ano ang mangyari.

Advertisement

Kung gaano katagal ang dalaga sa ospital ay ganoon din ang tagal ng hindi magpapahinga at pag-uwi sa bahay ni Ronald. Talagang tinuon niya ang sarili sa pagpapabuti ng lagay ni Gerlyn at ng iba pang pasyente. 

Lubusang naantig ang puso ng dalaga nang malaman ang lahat ng ito. Dahil dito ay inamin na rin niya ang tunay na nararamdaman para sa binata. 

Hindi nagtagal ay natapos din ang pandemya at ikinasal ang dalawa. Lubusan ang kaniyang pasasalamat sa lalaking tumulong upang madugtungan ang kaniyang buhay. Higit sa lahat ay ang pagmamahal na ibinuhos nito habang siya ay nakaratay sa karamdaman.