Inday TrendingInday Trending
Palaisipan sa Anak ang mga Sobre na Idinikit ng Ina sa Pader; Hindi niya Alam ang Mararamdaman nang Makita Niya ang Laman Nito

Palaisipan sa Anak ang mga Sobre na Idinikit ng Ina sa Pader; Hindi niya Alam ang Mararamdaman nang Makita Niya ang Laman Nito

“Ano po ‘yang mga sobre na isinasabit niyo sa pader, ‘nay?” pag-usisa ni Kylie sa kaniyang inang si Remy.

“Wala ito, anak. Puwede mo bang ipangako sa akin na hindi mo ito tatanggalin o titingnan ang nasa loob kahit ano ang mangyari?” pakiusap ng ina. “Bantayan mo na rin ang bunsong kapatid mo kasi alam ko mag-uusisa din ‘yon,” dagdag pa ni Aling Remy na patuloy na nagdidikit ng sobre sa pader.

“O, basta, Kylie, ‘yung bilin ko sa’yo ha? Kahit na anong mangyari ay huwag na huwag mong pakikialaman itong sobre na ito,” paalala muli ng ina.

Bata pa lamang si Kylie ay nakaugalian na ng kaniyang ina na magdikit ng maliliit na sobre sa pader ng kanilang bahay. Maging ang kanilang ama ay hindi din alam kung ano ang nakalagay dito. Alam kasi nila na malalaman ni Aling Remy kapag ito ay nagalaw at lubusan itong ikakagalit ng ilaw ng tahanan.

Dahil na rin sa ugali nang ina na maasikaso at pamagmahal sa kaniyang mga anak at asawa ay hindi na rin nagawa pa ng mga ito na suwayin ang bilin ng ginang. Respeto na rin sa kaisa-isang kahilingan nito.

Isang araw ay nalaglag ang isang sobra mula sa pagkakadikit sa pader.

Nakita ito si Kylie. Luminga-linga ito sa paligid at nakita siya lamang ang naroon sa loob ng bahay. Pupulutin na sana niya ang sobre nang biglang isang kamay ang mas mabilis na pumulot nito.

“Anak, kapag nalaglag ang sobre ay hayaan mo lang. Ako na lamang ang pupulot,” tinig iyon ng kaniyang ina.

“Ano po ba talaga ang laman ng sobre na iyan nay? Taun-taon ay nagsasabit kayo riyan pero hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano ba talaga ang laman ng mga sobre na nakadikit diyan,” pagtataka ni Kylie.

“Kailan ko po ba malalaman kung ano ang nakalagay diyan?” tanong pa ng panganay niyang anak.

“Malalaman mo rin kung ano ang laman nito pagdating ng tamang panahon. Sa ngayon ay pwede bang ipaubaya mo na muna sa akin ang lihim ko na ito?” malumanay na pakiusap ng ina.

“Siguro pera ‘yan ‘no, ‘nay? Pinag-iipon niyo kami ng pera!” pabirong sambit ni Kylie sa ina.

Tanging isang matamis na ngisi lamang ang sagot ng ina.

“Ikaw talagang bata ka, mana ka talaga sa akin. Hindi ka hihinto hanggang hindi mo nakukuha ang kasagutan sa lahat,” pabirong wika ng ina sabay yakap ng mahigpit sa anak.

Mula noon ay nasanay na ang buong tao sa kanilang bahay na hindi na pakialaman pa ang sobre na isinasabit ng kaniyang ina sa kanilang pader. Tulad ng bilin ng ina ay tuwing may nalalaglag ay hindi na nila ito pinupulot at hinahayaan na lamang ang ina na magtabi nito.

Lumipas ang maraming panahon at nakapagtapos na si Kylie. Nakapagtrabaho na siya at nagkaroon ng sariling pamilya. Magkatabi lamang ang bahay nila ng kaniyang ina kaya madalas ay nakakasa-kasama pa rin niya ito. Sa kaniya rin naiiwan ang mga bata sa tuwing kailangan ni Kylie na pumasok sa trabaho.

Lubusan ang pagmamahal ni Kylie sa kaniyang ina sapagkat ito talaga ang kaniyang naging sandigan at kaagapay sa buhay.

“Maswerte ako talaga sa iyo, ‘nay, kasi hindi tulad ng ibang nanay diyan na pinupwersa ang kanilang anak na bigyan sila ng magandang buhay pagkatapos mag-aral. Kahit na nagbuntis at nag-asawa ako ng maaga. Ito nga, hiwalay na ako ay hindi mo pa rin ako tinatakwil at hindi mo pa rin ako pinapabayaan,” sambit ni Kylie sa ina.

“Ganoon kasi ang ina, anak. Kaya ikaw maging mabuting ina ka rin sa iyong mga anak,” saad ni Aling Remy.

Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng matinding karamdaman itong si Aling Remy. Nang mapasuri sa doktor ay malubha na pala ang kans*r nito sa buto. Ginawa lahat ng kaniyang pamilya upang isalba ang kaniyang buhay kahit na labag ito sa kagustuhan ng ginang.

“Kylie, ‘wag mo akong ipagamot. Hindi na rin naman ako magtatagal. Nahihirapan na rin naman ako. Ipunin mo na lang ang pera para sa kinabukasan ng mga anak mo. Ayoko na magkanda utang-utang ka pa nang dahil lang sa akin. Matanda na rin naman ako at alam kong panahon ko na,” pahayag ni Aling Remy.

“Hindi ako makakapayag, ‘nay! Ilalaban ko kayo. Kikitain ang pera pero nag-iisa lamang ang buhay niyo. Nag-iisa lamang kayo sa buhay namin,” umiiyak na sambit ni Kylie.

Agad na inoperahan si Aling Remy. Ngunit kahit na matapos ang operasyon ay hindi pa rin bumuti ang kalagayan nito. Hanggang sa tuluyan nang nanghina ang kaniyang katawan at binawian ng buhay.

Lubusan ang pagdadalamhating nararamdaman ng kaniyang pamilya sa kaniyang pagpanaw.

“Ang sabi mo sa akin, ‘nay, hinding hindi mo kami iiwan? Hanggang kailangan ka namin ay lagi kang mananatili sa aming tabi. Bakit hindi ka tumupad sa iyong pangako?” hindi mapatid ang pagluha ni Kylie.

Habang inihahanda niya ang gamit ng kaniyang ina ay napansin niya ang nag-iisang sobreng nakadikit sa pader. Alam niyang matagal nang nalaglag ang pinakahuling sobre at itinago na ito ng kaniyang ina.

Dahil wala na si Aling Remy ay siguro’y ito na ang tamang panahon upang malaman niya kung ano ba talaga ang nilalaman ng sobreng iyon.

Unti-unting binuksan ni Kylie ang sobre at inilabas ang isang maliit na putol ng papel na nasa loob nito.

Bumaha ng luha nang kaniyang mabasa ang nakasulat dito. Kung titingnan ay tila hirap na hirap na sa pagsulat ang ina ngunit nagawa pa rin niyang tapusin ang nakasaad sa liham.

Nais kong manatili ang pagmamahal na maiiwan ko sa aking asawa, mga anak at apo.

Hinagilap agad ni Kylie ang mga sobre na naidikit ng kaniyang ina simula pa noong bata siya. Laking gulat niya na pawang ito ang laman ng mga iyon.

Lalong hindi na matigil ang pag-iyak ni Kylie sa pagdadalamhati sa pagkawala ng kaniyang butihing ina.

“Hinding-hindi maglalaho, ‘nay! Babaunin ko hanggang kabilang buhay ko ang pagmamahal na itinanim mo sa amin. Maraming maraming salamat!” tanging nasambit ni Kylie habang tangan ang mga sulat ng kaniyang ina.

Advertisement