Inday TrendingInday Trending
Reyna ng Kamalasan ang Babaeng Ito; ‘Di Niya Inakalang Susubsob Din Pala Siya sa Swerte Isang Araw

Reyna ng Kamalasan ang Babaeng Ito; ‘Di Niya Inakalang Susubsob Din Pala Siya sa Swerte Isang Araw

“Araaay!” hiyaw ni Aling Marites nang matapakan ni Gigi ang bagong manicure na paa nito. Tinangkang humingi ng paumanhin ng nagmamadaling dalaga ngunit nahablot pa rin ng mahahabang kuko ng tiyahin ang buhok niya.

Katakot-takot na mura at sabunot ang inabot ng bente tres anyos na dalaga. Nagusot na ang damit na suot niya na pinakiplantsa niya pa sa kapitbahay, gumuhit ang sakit sa kaniyang anit kaya’t pilit niyang hinila ang buhok at sa inis ay nasigawan ang tiya.

“Tiyang naman! Pasensiya na!” pasigaw na sabi niya.

“At talagang sasagot ka pa?! Hoy–”

Dumiretso na palabas si Gigi at pinagtitinginan siya ng kapitbahay dahil sa hitsura niya. Pinipigilan niya ang luha habang pilit inaayos ang buhok at damit. Nagmamadali siya dahil may pupuntahan siyang audition. Passion niya kasi ang teatro kaya’t ito ang propesyong pinili niyang tahakin. Ngunit ang masungit niyang tiya ay ‘di siya kailanman sinuportahan sa kahit anong naisin niya. Wika nito ay napakamalas daw niya. Siya ang dahilan kung bakit naaksidente at pumanaw ang mga magulang niya, pati pagkalugi ng negosyo nito ay sa kaniya pa rin sinisisi.

Mainit na talaga ang dugo sa kaniya ng matandang tiyahin simula noong mapunta siya sa poder nito nang mam*tay ang ama niya. Napilitan lang kasi itong kupkupin siya, kaya naman kaunting pagkakamali niya lang ay nakakatikim siya ‘di lang ng maaanghang na salita kundi pambubuhat ng kamay. Pero sanay na siya, ipinangako niya sa sariling magtatagumpay upang makaahon sa kamalasan ng kaniyang buhay.

Hingal na sa pagtakbo si Gigi ngunit sa malas ay ‘di niya pa rin naabutan ang kaaalis lang na bus. Napilitan siyang maghintay pa ng ilang minuto para sa kasunod, nang dumating naman iyon ay halos parang sardinas na sila sa sikip. Sa init ay humulas na ang make-up niya. Inis na inis siya sa sarili habang iniisip ang kamalasan niya. Hindi pala naka-on ang alarm niya, napagalitan ng tiya, at ngayon nakikipagsisikan sa bus habang natutunaw na ang make-up. Kung hindi pa nga naman sapat ang malas, biglang nagsigawan ang mga tao nang may isang lalaki ang naglabas ng kutsilyo.

“Walang gagalaw! Holdap ‘to!” narinig niyang sigaw ng maskuladong lalaki sa harapan. Sa likurang bahagi naman ay may isa pa itong kasabwat na may dala ring matulis na bagay.

Dahil sa pagkataranta ng lahat, nagkaroon ng malaking komosyon dahilan para pumreno ang driver at tumalsik si Gigi sa harapan. Saktong sa dibdib pa siya ng holdaper sumubsob! Malas!

Dahil sa takot, lumikot ang utak ni Gigi at natatarantang nagkunwaring nangingisay. Ibinagsak niya ang katawan at itinabingi ang bibig hanggang tumulo ang kaniyang laway. Nang mapansing natigilan ang mga holdaper at akmang hahawakan siya ay mas lalo niya pang tinindihan ang pangingisay, sabay nilaksan ang boses na animo ay nasasamid. Dahil hindi malaman ang gagawin, agad nadumog ang dalawang holdaper at ang mga ito na mismo ang tumakbo palabas ng bus.

Si Gigi ay tuloy-tuloy pa rin sa pangingisay, hanggang may isang lalaki ang lumapit at tumulong sa kaniya.

“Miss! Okay ka lang?! Tumawag kayo ng ambulansya bilis!”

Nang mapagtantong wala nang panganib, mabilis na tumayo si Gigi at pinunasan ang gilid ng labi.

“Pwe! Pwe! Ay naku! Hindi na po, okay na!” ani Gigi saka inayos ang sarili. “Umarte lang po akong nangingisay kasi nataranta ako, baka kasi bigla akong saksakin nung sumubsok ako sa kaniya eh,” kamot-ulong sabi ng dalaga na bahagyang nahiya.

Namangha at nagpalakpakan ang mga pasahero sa pag-arte niya. Napaniwala niya kasi ang lahat na inaatake siya, pati na ang mga holdaper kaya hindi nagtagumpay ang mga ito. Tuwang-tuwa ang lahat na nagpasalamat sa dalaga.

Hanggang sa audition ay magaan ang loob ni Gigi habang inaalala ang mga papuri ng mga tao sa bus. Mas lalo siyang na-inspire na galingan pa.

Pagtawag sa pangalan niya ay confident siyang umakyat sa stage at ngumiti sa direktor at mga staff.

“Oh! Siya yung sinasabi ko sa inyong nakasabay ko sa bus kanina!” sabi ng nasa gitna sabay labas ng phone at pakita sa mga ito ng video niya kanina sa bus. Gulat na gulat si Gigi nang malamang nakasabay at nakasaksi pala sa “performance” niya ang tanyag na direktor. Hindi niya ito nakilala kanina sa komosyon, ngunit lalong bumilis ang tibok ng puso niya sa sinabi nito.

“Pasok ka na, Miss Gigi! Nakita kong mahusay ka sa pag-arte kahit sa harap ng maraming tao, swerte ako at nakasabay kita, kung hindi ay baka naholdap na kami. At higit sa lahat, sa tingin ko rin ay bagay sa’yo ang role,” nakangiting turan nito.

Halos hindi makahinga si Gigi sa tuwa, agad niyang kinamayan ang direktor at mga staff at lumabas ng silid. ‘Di siya makapaniwala sa nangyari. Ito na ang big break niya! Sikat ang mga makakasama niya, at batikan ang direktor at mga staff! Napaluhod na lang sa banyo si Gigi at umusal ng panalangin.

“Diyos ko Lord, salamat po! Grabe ka naman bumawi, may paganoong effect! Nakakakaba po, pero salamat!”

Naging matagumpay ang palabas nila Gigi at tuluyan niyang napasok ang mundo ng teatro. Gayundin, naayos ang relasyon nila ng tiyahin dahil sa pagtulong niya sa negosyo nito. Nakadagdag pa sa kasikatan at magandang reputasyon niya ang pagkalat ng video niya sa bus na marami pala ang kumuha. Ngayon, tuwing ikukwento niya ang pagsubsob sa dibdib ng isang holdaper, lagi niyang sinasabi na hindi malas iyon, kung hindi simula ng pagpapala!

Advertisement