Nauwi ang Pagnanakaw ng Mandurukot na Magkapatid sa Isang Pagtatagpo, Makasumpong Kaya Sila ng Milagro?
“Tulong! Mga magnanakaw!” malakas na sigaw ng isang ale sa gitna ng mataong lugar sa Maynila. Gulat na nagsiiwas ang mga tao nang lagpasan sila ng dalawang batang kumakaripas ng takbo. Walang nagawa pati mga gwardiya sa kalapit na establisyemento dahil parang bulang naglaho ang mga magnanakaw na tila ba mga eksperto na sa gawaing iyon.
Hinigpitan ni Joji ang hawak sa bag na nakasuksok sa loob ng kaniyang maduming kamiseta at mas binilisan ang pagtakbo. Kahit hinihingal ay napangisi ang disisais anyos na binata dahil alam niyang walang makakahuli sa kaniya.
Nang makarating sa lugar na napag-usapan ay nakita niyang hinihingal ding nakasalampak duon ang kaniyang bente anyos naman na kuyang si Marco.
“Whew! Sakit ng tagiliran ko, akin na tingnan natin ano laman,” utos nito kaya agad niyang inabot ang itim na bag na nasungkit nila kanina mula sa isang aleng mukhang mayaman. Kasangga silang magkapatid sa mga raket nila, ito na ang natutunan nilang gawin simula nung sabay silang tumakas mula sa ampunan dalawang taon na ang nakalipas. Apat na taon pa lang daw siya nang mapunta sila doon, hindi niya masyadong alam ang kwento, alam niya lang ay wala na raw silang mga magulang.
“Jackpot tayo bunso! Daming pera oh! Tapos may cellphone pa! May pangkain na tayo nito nang matagal-tagal!” Sabay na nagyakapan at nagtalunan ang magkapatid sa tuwa. Excited na si Joji, nitong mga nakaraan kasi ay wala talaga silang pera, hindi sila nakakakain ng tatlong beses isang araw, kaya’t parati silang gutom. Buti na lang talaga at kasama niya ang kaniyang kuya na dumiskarte araw-araw.
Masayang nagkalkal pa sa bag ang magkapatid nang biglang matigilan si Marco. Nagtatakang napatingin din tuloy si Joji sa litratong nakita nito sa wallet ng ale. Litrato iyon ng mag-asawa, may hawak na baby ang nanay at may batang lalaki na nakaupo sa balikat ng tatay.
Hindi nakilala ni Joji ang mga nasa litrato ngunit napagtanto niya iyon nang mapatingin siya sa Kuya Marco niya at nakitang nanginginig ang labi nito at naluluha ang mga mata.
“Kuya Marco…” ang tanging nabanggit ni Joji nang tuluyang pumalahaw ng iyak ang kuya. Kahit kailan ay hindi niya ito nakitang umiyak ng ganoon, kahit noong nagugutom sila. Muling tinitigan ni Joji ang litrato at nakitang kamukhang-kamukha ng kuya niya ang batang lalaki sa litrato. Hindi kaya, litrato nila iyon?
Matagal ding walang imik si Marco, si Joji ay umupo lang sa tabi nito, ‘di malaman ang gagawin. Nagulat ang bunso nang bigla na lamang tumayo ang kuya at nagsabing maghahanap na sila ng pagbebentahan ng mga nanakaw nila.
“Pero Kuya! Hindi ba tayo ang nasa litrato? Kung kanino man itong bag na ninakaw natin baka kilala niya rin ang mga magulang natin! Hanapin–”
“Hanapin?! Iniwan nila tayo, wala na tayong mga magulang!” Nagulat si Joji sa biglang pagtaas ng boses ng kapatid. Galit ito, at kapag nagpasya na ay wala na siyang magagawa. Lagi siyang sumusunod sa kuya ngunit sa pagkakataong iyon ay naramdaman niya din ang pinaghalong kaba, pag-asa, galit.
“Paano naman ako kuya? Gusto ko ring… gusto ko ring magkaroon ng mga magulang,” nakayukong sabi ni Joji.
Ilang minutong tahimik ang magkapatid. Alam nilang para mahanap ang may-ari ay kailangan nilang isauli sa mga pulis ang mga nanakaw. Kapag ginawa nila iyon, maaring hindi rin naman nila matagpuan ang hinahanap, mawawalan pa sila ng kakainin. Ngunit sa huli, nanaig sa puso nila ang kagustuhang mahanap ang may-ari ng bag, handa silang tumaya para dito.
Pagdating sa police station ay imbis na tulungan ay kinuha lang sa kanila ng mga pulis ang bag at pinalabas na sila. Puno ng panghihinayang at galit ang loob ni Marco. Bakit niya ba hinayaan ang sariling umasa? Ngunit mas masakit sa damdamin niyang makita ang kapatid na si Joji na pilit pinupunasan ang luha. Palabas ay narinig nila ang malakas na iyak ng isang ale.
“Please, hanapin niyo sir! Naroon ang kahuli-hulihang litrato ng mga anak ko, parang awa niyo na po…” iyak nito. Nanlaki ang mata ng magkapatid ng makilala ang ale. Patakbo silang lumapit dito na ikinagulat nito. Ngunit mas nanlaki ang mata nito nang makita ang madudungis nilang mukha.
Walang tinig na lumabas sa labi nito habang dahan-dahang lumapit sa kanila. Titig na titig ito kay Marco, nang bigla itong yumakap dito.
“Diyos ko, diyos ko! Anak ko, Marco! Patawarin mo si mama, anak ko…”
Nag-iyakan ang tatlo habang naguguluhan naman ang mga pulis. Sumingit ang isa at sinabing ang magkapatid ang nagnakaw sa bag ng ale. Nang marinig iyon ay lalong napaiyak ang ale.
“Ako si Mari, ang nanay mo, niyo…” sabi nito nang mapatingin kay Joji. “Patawarin niyo ko mga anak… kinailangan niyo pang mabuhay ng ganito…” tanging pagtangis na lang ni Mari at ng dalawang binata ang narinig sa presinto.
Napag-alaman nila na labindalawang taon na ang nakalipas nang magkawalay ang mag-iina dahil sa isang malaking aksidente sa barko. Matagal naka-recover ang mag-asawa at napadpad naman sa ibang lugar ang dalawang anak. Tuluyang hindi sila nahanap dahil sa dami ng pumanaw at nawawala pa rin dulot ng aksidente.
Nang marinig ng asawa ni Mari na si Miko na natagpuan na ang kaniyang mga anak, agad itong nagpasyang umuwi mula sa ibang bansa. Mabilis na naiproseso ang mga papeles at nabuo muli ang pamilyang matagal pinaghiwalay ng panahon. Tila nakasumpong ‘di lamang ng jackpot kung hindi ng milagro ang magkapatid dahil sa pangyayaring iyon. Pinangako ng mga magulang na hindi na nila kailangang magnakaw dahil babawi sila para sa lahat ng mga oras na nawala. Perpekto talaga ang plano ng Diyos para sa lahat, totoo ring habang may buhay ay mag pag-asa.