Lasinggero si Tatay!

“’Tay, may project po kami sa Filipino, kailangan ko po bumili ng costume ko para sa Buwan ng Wika,” sabi ni Lani sa ama habang nagkakape ito.

“Magkano ba ‘yan, anak? Hindi ba kaya na manghiram ka na lang muna?” nakangiwing tanong ng kaniyang ama na si Bong.

“Hindi ‘tay, wala po akong mahihiraman. Mga tatlong daan lang ‘tay, kaya ko na po ‘yun pagkasyahin,” malambing na wika ni Lani sa ama.

Napapailing na lamang at wala nang nagawa ang kaniyang tatay kundi ang kunin ang pitaka nito at abutan siya ng hinihingi niyang halaga.

Tuwang-tuwa naman si Lani nang makalabas ng bahay. “Yes! May kupit ako na isandaan!” maligaya niyang sambit.

Kailangan niya kasi ng pera pag pumunta sila sa bayan. Minsan kasi ay nagkakayayaan kumain, at ayaw niya naman sabihin na wala siyang pera kaya hindi siya makakasama.

Tama nga si Lani. Mabuti ay nanghingi siya ng pera sa ama. Kung hindi ay napahiya na naman siya sa mga kaibigan dahil sa kawalan niya ng salapi.

Maligayang umuwi ng bahay si Lani ng bahay bitbit ang mga pinamili mula sa bayan. Pag-uwi ay napasimangot siya sa nakitang pamilyar na tagpo.

Advertisement

“O, san ka na naman pupunta?” iritableng tanong ng kaniyang ina sa amang lasing na lasing.

“Kakain ako! Nagugutom ako!” makulit na sabi ng kanyang ama.

“Ano bang kakain ang sinasabi mo eh kakatapos mo lang kumain?” Bakas ang kunsumisyon sa mukha ng kaniyang ina.

“Ay kumain na ba ako?” At humagikhik ang kaniyang ama.

“Lani! Ang anak kong maganda!” sigaw nito at pasuray-suray siyang sinalubong sa pintuan.

“’Tay, ambaho mo, amoy alak ka na naman!” Iritableng nagtakip ng ilong si Lani upang hindi maamoy ang masangsang sa ilong na alak. Bahagyang itinulak ang ama na akmang yayakap sa kaniya.

“’Nay, bakit lasing na naman si tatay?” Nakasimangot na tanong niya sa nanay niyang nakapameywang na tinitingnan lang ang pangungulit ng ama.

“Ewan ko ba riyan sa ama mo! Nitong mga nakaraang linggo ay masyadong nahihilig sa alak. Hindi naman ‘yan dating ganyan. Baka naimpluwensiyahan ng mga kabarkada niya,” napapailing na sagot ng kaniyang ina.

Advertisement

Maya-maya pa ay tumahimik na ang bahay nila. Marahil ay nakatulog na ang kaniyang ama sa wakas.

“’Nay, pahingi ho ako pambili ng libro. Requirement po ‘yun sa isang subject na tine-take ko ngayong sem,” basag ni Lani sa tahimik na atmospera habang kumakain sila.

“Magkano ba, ‘nak?”

“600 po.”

“Ang mahal naman ‘nak!” reklamo ng kaniyang ina.

Tumaas ang kilay ni Lani. 400 lang ang libro pero siyempre dapat may kupit siya. “Isanlibo nga ‘yun dapat ‘nay. Naghanap lang ako ng second hand para mas mura,” pagsisinungaling niya pa.

Tahimik lamang ang kaniyang ama at bahagyang naka-kunot noo. Baka may hangover pa, sa isip-isip ni Lani.

“Humingi ka sa ama mo,” sabi ng kanyang ina kapagkuwan.

Advertisement

“Binigay ko na sa’yo ang sweldo ko, ‘di ba?” tanong ng kanyang ama.

“Malaki ang gastusin sa bahay, baka akala mo!” iritang sabi ng kanyang ina.

“Wala na akong pera. May kailangan pa akong bilhin,” maya-maya ay sabi ng kaniyang ama.

“Ano? Pang-inom mo?” naka-ismid na sagot ng kaniyang ina.

Akmang may sasabihin pa ang kanyang ama ngunit pinigil nito ang sarili. Tahimik na tumayo.

Ganito lagi ang ama. Pag umiinit na ang usapan ay umaalis na ito para magpalamig. Hindi nito kailanman sinaktan o sinabihan ng hindi magandang salita ang kaniyang ina.

Bumalik ito sa hapag at nilapag ang limandaang piso. Bahagyang sinundot ng konsensiya si Lani.

Natahimik sila ng kanyang ina. Maya-maya ay may kumalabog. Agad namang tumayo ang kaniyang ina upang tingnan iyon. Maya-maya ay narinig niya ang matinis nitong tili.

Advertisement

“Bong!”

Napatayo na rin si Lani. Tinakbo ang kinaroroonan ng ina. Nanlaki ang mata nang makita ang walang malay na ama sa sahig.

“Lani! Humingi ka ng tulong! Dadalhin natin ang ama mo sa ospital!” may pagmamadali sa boses nito.

Si Lani ay nanatiling nakatulos sa kaniyang kinatatayuan.

“Lani!” Mas malakas na sigaw ng kanyang ina na gumising sa kanyang natutulog na diwa.

Dali-dali siyang tumakbo sa labas upang humingi ng tulong.

Sinugod ang kaniyang ama sa ospital. Habang nasa daan ay walang patid ang pagluha nila ng kaniyang ina.

“Sino ho ang kapamilya ni Bong Simeon?” Napapitlag pa sila ng ina nang magtawag ang doktor.

Advertisement

“Ako ho!” Sabay pa sila ng ina na nagsalita.

“Pasok ho kayo sa aking opisina at ipapaliwanag ko ang kalagayan ni Mr. Simeon.”

Nang makapasok sila ay hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang doktor.

“Alam niyo ba na may sakit siya sa kidney?” unang tanong ng doktor.

Sabay silang umiling ng ina.

“Paanong hindi niyo alam? Sa lubha ng sakit niya, sigurado akong madalas siya makaramdam ng matinding sakit.”

May pinakita ito sa kanilang isang botelya ng gamot.

“Isa itong mamahalin at magandang klase ng pain reliever. Kung ganito katindi ang iniinom niya, matindi rin ang sakit ‘pag sinusumpong siya.”

Advertisement

“Misis, ano ang napansin mong malaking pagbabago sa asawa mo?” tanong ng doktor.

Sandaling nag-isip ang kaniyang ina.

“Nitong mga nakaraang linggo, nahilig po siya sa pag-inom ng alak, pwede po bang dahil iyon dun, dok?” Sagot at balik tanong ng kanyang ina.

Umiling ang doktor. “Hindi po, misis. Kung hindi naman siya nag-inom ng alak dati, malamang ay paraan niya ang pag-inom upang makatulog agad sa gabi, para hindi niya maramdaman masyado ang sakit.”

Napaiyak na ang kaniyang ina. Marahil ay naisip nito ang mga salitang binitawan sa kabiyak.

Si Lani man ay emosyonal din. Puro pagpapahirap lamang sa ama ang mga ginagawa niya.

Nang magising ang ama, narinig niya ang pagalit na panunumbat ng kaniyang ina. “Bakit hindi mo agad sinabi sa akin?”

“Ayokong mag-alala ka. Saka baka pahintuin mo ako sa pagtatrabaho, kawawa naman si Lani.”

Advertisement

Parehas lamang silang napaiyak ng ina. May sakit ang kanilang padre de pamilya pero sila pa rin ang iniisip nito.

Nang araw ding ‘yon ay sumumpa si Lani na hindi na siya magiging pabigat sa ama.

Naghanap siya ng part-time job para siya na ang magpaaral sa sarili niya. Nahihirapan siya, pero ano ba naman ang kaunting sakripisyo para sa araw-araw na sakripisyo ng kaniyang ama?

Makalipas ang dalawang taon, dalawang magandang balita ang natanggap ng kanilang pamilya.

Una, magtatapos na si Lani.

Ikalawa, magaling na ang kaniyang ama.

Nakangiting inabot ni Lani sa mga magulang ang kanyang diploma. “Para sa lahat ng sakripisyo niyo, nanay at tatay, maraming salamat po!”