
Ang Bago Niyang Pamilya
“Ben, magmano ka sa Tito Ron mo,” utos ng kaniyang ina nang dumating siya sa bahay at akmang dire-diretsong aakyat sa kaniyang kwarto.
Mas lalong sumama ang kaniyang nakabusangot nang mukha. Bumuntong hininga siya ng malakas, na sadyang pinarinig niya sa kaniyang ina. Ngunit wala naman siyang nagawa kundi sundin ito.
Nakayukong lumapit siya sa bagong asawa ng ina. Hindi tumitingin na nagmano siya rito, kahit na labag na labag ito sa kaniyang kalooban.
Ito ang bagong asawa ng kaniyang ina. Sa totoo lang, ayaw niya na nag-asawang muli ang kaniyang ina. Hindi na nga siya nito nabigyan ng sapat na atensiyon simula nang mamat*y ang kaniyang ama, paano pa kaya kung may bago na naman itong dapat pagtuunan ng atensiyon maliban sa trabaho nito?
Hinaplos naman ng kaniyang amain ang kaniyang buhok at ginulo-gulo iyon. Iiwas niya sana ang kaniyang ulo ngunit naalala niya na nandoon nga pala ang kaniyang ina kaya pinabayaan niya ito.
“Kumusta ang araw mo sa school?” nakangiting tanong nito.
Pilit ang kaniyang ngiti. “Mabuti naman po, tito.”
Mabait naman ang Tito Ron niya kung tutuusin. Hindi lang niya matanggap na mas may oras pa ang kaniyang ina rito.
“Umakyat ka na sa kwarto mo, ‘nak. Gumawa ka na ng mga assignment mo. Tatawagin na lang kita pag kakain na,” sabi ng kaniyang ina.
Tumango lamang siya at umakyat na sa kaniyang kwarto.
“Ben. Gising.” Sa kaniyang naaalimpungatang diwa ay narinig niya ang boses ng kaniyang Tito Ron.
Nakasimangot na idinilat niya ang kaniyang mga mata. Napatingin sa orasan. Alas kwatro ng umaga. Bakit naman ang aga-aga nito mambulabog?
“Tito. Bakit? Ang aga-aga pa!” iritadong tanong niya.
“Tuturuan kita mag-drive!” masiglang sabi nito.
Napabalikwas siya. Gusto niya ‘yun! Matagal niya nang inuungot sa ina na matuto siyang magmaneho.
“Talaga po?” Namilog ang kaniyang mga mata.
Natawa naman ito. “Oo. Kaya bumangon ka na. Magandang mag-aral ngayon kasi wala pang masyadong tao sa daan.”
Dali-dali siyang tumalon mula sa kaniyang kama at nagbihis.
“Ben, apakan mo ang brake!” Tarantang sabi ng kaniyang tito nang mamataan ang isang kuting na bigla na lamang sumulpot mula sa kung saan.
Mabuti na lamang ay nakapagpreno kaagad siya. Agad itong lumabas upang siguruhin kung maayos ba ang lagay ng pobreng pusa. Nakahinga ito nang maluwag nang makitang ayos ito.
Inihinto niya ang sasakyan at lumabas. Umupo sa tabi ng ama-amahan na hawak ang kuting.
Iniabot nito sa kanya ang kuting. Napangiti siya nang pumikit-pikit ang kuting nang haplusin niya ang mukha nito.
“Mahilig ka rin sa pusa?” Maya-maya ay tanong nito.
Lumingon siya dito. Malayo ang tingin nito. “Opo. Kaso ayaw ni Mama nang may pusa sa bahay kasi allergic si Papa sa balahibo ng hayop.”
“Parang ‘yung anak ko,” wala sa loob na sabi nito.
“May anak po kayo?” Gulat na tanong niya.
Tumango ito.
Nag-aalangang nagtanong siya. “Nasan na po siya?”
“Nawalay siya sa akin nang iwan ako ng ina ng anak ko. Naaksidente sila. Namat*y ang asawa ko mula sa aksidente, pero hindi ko alam kung ano ang nangyari sa anak ko. Ni hindi ko nga alam kung buhay pa ba siya o ano,” malungkot na pagkukwento nito.
Matagal bago siya nakapagsalita. “Ano po ang pangalan niya?” Sa kawalan ng masasabi ay yun ang lumabas sa bibig niya.
“Ryan.” Maya-maya ay nagtanong ito. “’Di ba mag-se-seventeen ka na? Siguro mga kaedad mo siya.”
“Opo. 17 na ako sa susunod na buwan,” sagot niya.
Maya-maya pa ay tumayo na ito. “Halika na. Nagtext na ang Mama mo. Handa na daw ang almusal.”
“Kumusta ang driving lesson?” Nakangiting bungad nito sa kanya.
“Ayos lang po, ‘ma. Medyo natuto na ako, day 1 pa lang,” pagyayabang niya sa ina.
“Talaga? Galingan mo, para naman may driver ako ‘pag wala si Ron!” Natatawang sabi ng kaniyang ina.
Nang mga sumunod na araw ay tila tuluyan nang natibag ang pader na binuo ni Ben sa pagitan nila ng kaniyang Tito Ron. Mas naging masaya ang kanilang tahanan lalo na’t laging sinasabihan ng kaniyang amain ang kaniyang ina na magkaroon ng mas maraming oras para sa kanilang pamilya. Na sinunod naman ng kaniyang ina, kaya mas may oras na ito hindi lamang para sa asawa kundi para rin sa kaniya.
Ang kaniyang Tito Ron ay tila isang anghel na ipinadala ng kaniyang ama kapalit nito.
Akala ni Ben ay tuloy-tuloy na ang pagiging masaya ng kaniyang bagong pamilya. Ngunit mali siya.
Isang araw ay maagang umuwi si Ben mula sa eskwelahan.
“Tito?” Tawag niya nang walang makitang tao sa bahay. Nasa opisina pa ang kaniyang ina. Umuwi naman siya ng maaga para makapag-basketball sila ng kaniyang amain.
Walang sagot. Papunta siya sa kwarto nang marinig ang boses na mahinang nag-uusap. Nag-aalangan man, pinili niyang makinig dito.
“Hindi totoong anak si Ben? Ampon lang siya? Paano nangyari yun?” Gulong gulo ang boses ng nagtanong. Ang kaniyang Tito Ron.
Tila napaso na napalayo si Ben sa pinto. Sinubukang ignorahin ang narinig na katotohanan. Subalit para itong sirang plaka na paulit-ulit sa kaniyang isipan. Imbes na dumiretso sa kwarto ay lumabas siya para magpahangin.
Gabi na nang umuwi si Ben.
“Anak! Saan ka nanggaling? Bakit hindi ka man lang nagtext? Nag-alala ako baka kung napaano ka na!” Salubong ng kaniyang ina.
Tiningnan lamang niya ito at hindi na nagsalita. Umakyat siya sa kaniyang kwarto.
“Ben! Kinakausap pa kita!” Inis na sigaw ng kaniyang ina.
“Mahal, hayaan mo na muna. Baka may nangyari sa kaniya sa school. Ako na ang kakausap sa kanya,” narinig niyang sabi ng kaniyang Tito Ron.
Sinigurado niyang naka-lock ang kaniyang pinto bago natulog. Bago pa siya pumikit ay narinig niya ang mahinang pagkatok sa kaniyang pinto.
“Ben… pwede mo akong kausapin.”
Ipinikit niya ang mata. Tumulo ang ilang butil ng luha. Bakit ngayon pa? Kung kailan dama ko na ulit na kumpleto ang pamilya ko? Himutok niya.
Nagpatuloy ang pagrerebelde ni Ben. Alam niyang alalang-alala sa kaniya ang mga itinuturing na magulang ngunit hindi niya alam kung paano kokomprontahin ang sitwasyon.
Isang araw ay naabutan niyang walang tao sa bahay. Kahit kinakabahan ay tinungo niya ang silid ng ina upang maghanap ng kahit na ano tungkol sa kaniyang tunay na pagkatao.
Isang box na maliit ang huli niyang tiningnan. Ganun na lamang ang pagtahip ng kaniyang dibdib nang makita ang isang maliit na pares ng sapatos. Nagpatuloy siya sa pag-inspeksyon ng mga laman nito. May nakita siyang isang damit pambata na naninilaw na marahil sa kalumaan.
May nakita siyang maliit na bonnet. Nakatahi dito ang pangalang “Ryan.”
Nagulat pa siya nang bumukas ang pinto. Nakita niya ang amain na nakatayo doon.
Nung una ay nakatingin ito sa kaniya. Ngunit napalipat ang tingin nito sa hawak niyang bonnet. Nagtagal ang tingin nito doon.
Lumapit ito. Napansin niya ang panginginig ng tuhod nito, bagay na ipinagtaka niya.
“Saan mo nakuha ito, Ben?” Garalgal ang boses nito.
“S-sa gamit po ni Mama,” sagot niya.
Matagal na tumitig ito sa kanya.
“Ben, may balat ka ba sa likod?” Maya-maya ay tanong nito.
“M-meron po. B-bakit po?” Kinakabahang tanong niya. Naguguluhan siya sa inaasal nito.
Tuluyan nang tumulo ang luha nito. “Salamat sa Diyos!” maya-maya ay usal nito.
Noon dumating ang kaniyang ina.
“Ben!” Tarantang sabi nito nang makita ang box na pinakialaman niya.
“Anak…” Niyakap siya ng kaniyang Tito Ron habang patuloy ang pag-iyak nito.
“T-tito?” “Ron?” Sabay pa sila nagsalita ng kaniyang ina. Parehong naguguluhan sa inaasta ng lalaki.
Kinuha nito ang bonnet. “Sa anak ko ito. Kay Ryan.” Mahinang sabi nito.
Nanatiling nakaawang ang bibig ng kaniyang ina. Si Ben man ay hindi makapaniwala.
Nang makabawi sila sa pagkabigla ay nagkwento ang ina ni Ben. Walang kakayahan ang kaniyang ama na magkaanak kaya nag-ampon sila. Si Ben daw ay dinala sa ampunan mula sa ospital dahil nasangkot ito sa aksidente.
Matindi ang pagpapasalamat ni Ben. Akala niya ay wala na siyang pag-asa magkaroon ulit ng kumpletong pamilya. Nagpapasalamat siya sa tadhana at sa Diyos dahil muli sila nitong pinagtagpo ng taong bubuo sa kaniyang pagkatao.