Ang Aswang sa Sta. Elena

“Nabalitaan mo ba? Mukhang sumalakay na naman ang aswang kagabi!”

“Grabe, noong una hindi ako naniniwala sa aswang na ‘yan pero kung hindi ang aswang, sino? Hindi kayang gawin ng tao ang ganiyan!”

Kakaputok pa lamang ng araw ay iyon na agad ang balitang sumalubong kay Ernie, isang residente ng Santa Elena.

“Mang Mito, ano hong nangyari?” tanong niya sa isa sa mga nag-uusap.

“Aba, e. Sumalakay na naman ang aswang. Ayun, ang natiyempuhan naman ngayon ay ang mga alaga ni Pareng Carpio.”

Matagal niya ng naririnig ang balitang iyon. Ang aswang na nananalasa sa bayan. Pumapat*y sa mga alagang hayop ng mga residente na ang pangunahing kabuhayan ay ang pagpapastol at pagsasaka.

“Hindi pa naman ho napapatunayan na aswang ang may gawa nito.”

Kumunot ang noo ni Mang Mito, “Ano ka ba? Hindi pa ba sapat sa’yo ito? Sino bang tao ang kayang pumat*y ng mga hayop sa brut*l na paraan? Labas ang laman loob?”

Advertisement

Hindi si Mang Carpio ang unang biktima. Hindi rin ang huli, sigurado siya. Dahil kinabukasan lang ay tila naulit ang eksena. Sa pagkakataong ito, si Mang Mito ang biktima.

Ubos ang mga alagang manok at baboy. Walang natira kundi isa. Kapitbahay niya lamang ito at mula sa bintana ng kanyang bahay ay nakita niya ang kanilang alkalde.

Nag-aabot ng pera bilang tulong sa nangyari. Ginagawa niya ito sa bawat nabibiktima.

“Hindi na pwede ito! Dapat wakasan na ang pangyayaring ito! Sugpuin ang aswang! Sugpuin si Maria Demano!” galit nitong sinabi sa mga kapwa biktima.

Alam ni Ernie na pinuno ng asosasyon si Mang Mito, kaya naman hindi nito palalagpasin ang nangyari.

Si Maria Demano ay kapwa nila residente. Ngunit kakatwa siya sa lahat dahil hindi siya nakikipag-usap, lumalabas ng bahay o kung lumabas man ay may takip sa mukha o belo. Masyadong misteryosa.

Sa ilang taon niyang paninirahan sa bayan, hindi niya ito nakadaupang-palad kahit na minsan. Ngunit sapat na ba itong basehan para paghinalaan?

“Isara niyo ang pinto ng maigi. Maging alerto ka Ernie, ikaw ang lalaki kaya bantayan mo ang nanay mo at mga kapatid,” matigas ang boses ng kaniyang ama habang nagbibilin ng gabing iyon.

Advertisement

“Bakit, ‘tay? Saan po kayo pupunta?” Bagama’t may ideya ay tinanong niya pa rin.

“Sasama sa samahan, huhulihin namin ang aswang.”

Tama ang iniisip niya. Hindi na nakakagulat dahil matalik itong kaibigan ni Mang Mito at ng iba pang biktima.

“Paano niyo naman huhulihin, ‘tay? Saka sigurado ba kayo na si Maria Demano ang salarin?”

“Tama si Mayor, ‘nak. Sinabi niya sa amin. Nakita niya mismo.”

Hindi siya kampante sa sinabi nito. Totoo bang sinabing iyon ni Mayor? Anong dahilan? Kilala ba nito si Maria?

Sa huli ay wala na siyang nasabi sa kanyang ama maliban sa “Ingat ka, ‘tay.”

Magdamag siyang ginambala ng mga iniisip. Paano kung hindi si Maria ang aswang? Mapapahamak ito? Paano kung inosente ito?

Advertisement

Maaga siyang gumising ng umaga para lamang makibalita. Kakaiba ang umagang iyon. Walang balita tungkol sa aswang. Walang inatake at hayop na napat*y.

Nagtagumpay kaya ang kanyang ama? Kung ganoon, totoo ba ang hinala ng samahan tungkol kay Maria? At ano na ang nangyari sa babae kung ganoon?

“’Tay! ‘Tay!”

Nakita niya ang paparating na grupo kung saan kabilang ang kanyang ama. Halata sa mukha ng mga ito ang kapaguran. Sa likod ng kalalakihan ay isang babae na napakaganda bagama’t may edad na.

“Tay, sino siya?”

Ngumiti ang kanyang ama sa tanong. “Si Maria. Maria Demano.”

May kotse ng pulis na huminto. Sumakay doon si Maria Demano nang hindi sila nililingon.

“’Tay,” magtatanong sana siya ngunit pinigil siya ng ama.

Advertisement

“Mamaya ka na magtanong. Ipaghain mo muna ako,”

Tinalunton nito ang daan patungo sa kanilang bahay. Sumunod naman siya dito sa likod na maraming tanong na sumisirko sa isipan.

Ipinaghain niya ang kanyang ama na hindi umiimik. Sinabayan niya ito sa pagkain. Binuksan niya ang maliit na telebisyon at nanlaki ang mata sa nakikita.

“Alkalde ng Sta. Elena na si Rodrigo Chavez, arestado matapos lumutang sa media ang asawa na matagal nang nawawala. Nagsalita na ito laban sa alkalde!”

Nanlaki ang kanyang mata. Si Maria! Maria Demano! Asawa ito ng mayor? Paano iyon nangyari?

Tahimik siyang nakikinig habang nanlalamig na kamay sa gulat.

“Nagtago ako sa inyo dahil tinakot niya ako na papat*yin kapag nagsalita. Binantaan pa na idadamay ang pamilya ko. Pero ang totoo, walang aswang sa Sta. Elena kagaya ng kumakalat, ang lahat ay pakana ni Rodrigo Chavez para takutin ang mamamayan at mapilitan ang mga ito na ibenta ang kanilang lupain. Kapag nangyari iyon? Malaki ang kikitain niya sa oras na bilhin ng mga taong may balak na magtayo ng negosyo sa lugar,” paliwanag nito sa inilabas na pahayag.

“Hindi ito ang unang beses niyang ginawa ang bagay na ito. Iyon ang dahilan kung bakit napunta ako sa sitwasyon, narinig ko ang mga masasama niyang balak at mga gawain. Kaya para tumahimik ako ay pinalabas niyang may kabit ako!”

Advertisement

“Pinagtangkaan niya ang buhay ko para atakihin ng taong bayan at muntik ako mapahamak.”

Ang pahayag nito ay talagang malinaw. Higit sa lahat ay nakakagalit. Napatunayan na walang aswang sa bayan na lumalapa sa mga hayop kundi isang alkalde na hayok sa kapangyarihan at salapi.

Napatunayan sa korte ang lahat ng sinabi ng asawa nito, kaya naman patong-patong ang kasong isinampa sa dating alkalde na sa selda na magbabayad ng kasalanan habambuhay.